Amos
2 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘ “Dahil sa tatlong pagsalansang ng Moab,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong, dahil sinunog niya ang mga buto ng hari ng Edom upang maging apog.+ 2 At magsusugo ako ng apoy sa Moab, at lalamunin nito ang mga tirahang tore ng Keriot;+ at ang Moab ay mamamatay na may ingay, may babalang hudyat, may tunog ng tambuli.+ 3 At lilipulin ko ang hukom mula sa gitna niya, at ang lahat ng kaniyang mga prinsipe ay papatayin kong kasama nito,”+ ang sabi ni Jehova.’
4 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dahil sa tatlong pagsalansang ng Juda,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong, dahil sa pagtatakwil nila sa kautusan ni Jehova,+ at sapagkat hindi nila tinupad ang kaniyang mga tuntunin; kundi ang kanilang mga kasinungalingan,+ na sinundan ng kanilang mga ninuno, ay palaging nagliligaw sa kanila.+ 5 At magsusugo ako ng apoy sa Juda, at lalamunin nito ang mga tirahang tore ng Jerusalem.’+
6 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dahil sa tatlong pagsalansang ng Israel,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong, dahil ipinagbili nila ang matuwid kapalit lamang ng pilak, at ang dukha kapalit ng halaga ng isang pares ng sandalyas.+ 7 Masidhi nilang ninanasa ang alabok ng lupa na nasa ulo ng mga taong maralita;+ at ang lakad ng mga taong maaamo ay inililihis nila;+ at ang isang lalaki at ang kaniyang sariling ama ay pumaroon sa iisang babae,+ sa layuning lapastanganin ang aking banal na pangalan.+ 8 At sa mga kasuutang inagaw bilang panagot ay humihiga sila+ sa tabi ng bawat altar;+ at ang alak niyaong mga pinagmulta ay iniinom nila sa bahay ng kanilang mga diyos.’+
9 “ ‘Ngunit kung tungkol sa akin, nilipol ko ang Amorita+ dahil sa kanila, na ang taas ay gaya ng taas ng mga sedro, at malakas na gaya ng mga dambuhalang punungkahoy;+ at nilipol ko ang kaniyang mga bunga sa itaas at ang kaniyang mga ugat sa ibaba.+ 10 At iniahon ko kayo mula sa lupain ng Ehipto,+ at patuloy ko kayong pinalakad sa ilang nang apatnapung taon,+ upang ariin ang lupain ng Amorita.+ 11 At patuloy kong ibinabangon ang ilan sa inyong mga anak bilang mga propeta+ at ang ilan sa inyong mga kabataang lalaki bilang mga Nazareo.+ Hindi ba talagang dapat na magkaganito, O mga anak ni Israel?’ ang sabi ni Jehova.
12 “ ‘Ngunit patuloy ninyong binibigyan ng alak na maiinom ang mga Nazareo,+ at sa mga propeta ay nag-utos kayo, na sinasabi: “Huwag kayong manghuhula.”+ 13 Narito, pangyayarihin kong gumiwang-giwang ang nasa ilalim ninyo, gaya ng paggiwang-giwang ng kariton na punô ng isang hanay ng kapuputol na uhay. 14 At ang dakong matatakbuhan ay maglalaho mula sa matulin,+ at walang sinumang malakas ang magpapatibay ng kaniyang kalakasan, at walang makapangyarihang lalaki ang makapaglalaan ng pagtakas para sa kaniyang kaluluwa.+ 15 At walang sinumang humahawak ng busog ang tatayo, at walang sinumang matutulin ang mga paa ang tatakas, at walang sinumang nakasakay sa kabayo ang makapaglalaan ng pagtakas para sa kaniyang kaluluwa.+ 16 At kung tungkol sa isang may malakas na puso sa gitna ng makapangyarihang mga lalaki, hubad siyang tatakas sa araw na iyon,’+ ang sabi ni Jehova.”