Amos
9 Nakita ko si Jehova na nakatayo sa itaas ng altar,+ at sinabi niya: “Hampasin mo ang uluhan ng haligi, upang umuga ang mga pintuan. At putulin mo sila sa ulo, silang lahat.+ At ang huling bahagi nila ay papatayin ko sa pamamagitan ng tabak. Walang sinumang tumatanan ang magtatagumpay sa kaniyang pagtanan, at walang sinumang tumatakas ang makapagsasagawa ng kaniyang pagtakas.+ 2 Kung huhukay sila hanggang sa Sheol, mula roon ay kukunin sila ng aking kamay;+ at kung aakyat sila sa langit, mula roon ay ibababa ko sila.+ 3 At kung magtatago sila sa taluktok ng Carmel, mula roon ay maingat ko silang hahanapin at tiyak na makukuha ko sila.+ At kung magkukubli sila sa pinakasahig ng dagat+ mula sa aking paningin, doon ay uutusan ko ang serpiyente, at kakagatin sila nito. 4 At kung yayaon sila sa pagkabihag sa harap ng kanilang mga kaaway, mula roon ay uutusan ko ang tabak, at papatayin sila nito;+ at itititig ko sa kanila ang aking mga mata sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.+ 5 At ang Soberanong Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ang Isa na humihipo sa lupain, anupat iyon ay natutunaw;+ at ang lahat ng tumatahan doon ay magdadalamhati;+ at iyon ay tiyak na sasampang gaya ng Nilo, ang lahat ng naroon, at lulubog na gaya ng Nilo ng Ehipto.+
6 “ ‘Siya na nagtatayo ng kaniyang hagdan sa langit,+ at ng kaniyang kayarian sa ibabaw ng lupa na itinatag niya;+ siya na tumatawag sa tubig ng dagat,+ upang maibuhos niya iyon sa ibabaw ng lupa+—Jehova ang kaniyang pangalan.’+
7 “ ‘Hindi ba kayo gaya ng mga anak ng mga Cusita sa akin, O mga anak ni Israel?’ ang sabi ni Jehova. ‘Hindi ba iniahon ko ang Israel mula sa lupain ng Ehipto,+ at ang mga Filisteo+ mula sa Creta, at ang Sirya mula sa Kir?’+
8 “ ‘Narito! Ang mga mata ng Soberanong Panginoong Jehova ay nasa makasalanang kaharian,+ at lilipulin niya iyon mula sa ibabaw ng lupa.+ Gayunpaman, hindi ko lubusang lilipulin ang sambahayan ni Jacob,’+ ang sabi ni Jehova. 9 ‘Sapagkat, narito! ako ay mag-uutos, at yuyugyugin ko ang sambahayan ng Israel sa gitna ng lahat ng mga bansa,+ kung paanong niyuyugyog ng isa ang panala, upang walang isa mang maliit na bato ang malaglag sa lupa. 10 Sa pamamagitan ng tabak ay mamamatay sila—ang lahat ng mga makasalanan sa aking bayan,+ yaong mga nagsasabi: “Ang kapahamakan ay hindi lalapit o aabot hanggang sa atin.” ’+
11 “ ‘Sa araw na iyon ay ibabangon ko+ ang kubol+ ni David na nakabuwal,+ at kukumpunihin ko ang kanilang mga butas. At ang mga guho nito ay ibabangon ko, at itatayo ko iyon gaya noong mga araw ng sinaunang panahon,+ 12 upang magawa nilang ariin ang nalalabi sa Edom,+ at ang lahat ng mga bansa na tinatawag sa aking pangalan,’+ ang sabi ni Jehova, na siyang gumagawa nito.
13 “ ‘Narito! Dumarating ang mga araw,’ ang sabi ni Jehova, ‘at aabutan pa nga ng mang-aararo ang mang-aani,+ at ng manyayapak ng ubas ang tagapagdala ng binhi;+ at ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak,+ at ang lahat ng mga burol ay matutunaw.+ 14 At titipunin kong muli ang mga nabihag sa aking bayang Israel,+ at kanila ngang itatayo ang mga nakatiwangwang na lunsod at tatahanan ang mga iyon,+ at magtatanim sila ng mga ubasan at iinumin ang alak ng mga iyon, at gagawa sila ng mga hardin at kakainin ang bunga ng mga iyon.’+
15 “ ‘At itatanim ko nga sila sa kanilang lupa, at hindi na sila bubunutin pa mula sa kanilang lupa na ibinigay ko sa kanila,’+ ang sabi ni Jehova na iyong Diyos.”