Obadias
1 Ang pangitain ni Obadias:
Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova tungkol sa Edom:+ “May ulat kaming narinig mula kay Jehova, at may sugo na ipinadala sa mga bansa, ‘Bumangon kayo, at bumangon tayo laban sa kaniya sa pagbabaka.’ ”+
2 “Narito! Ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa.+ Ikaw ay lubhang hinahamak.+ 3 Ang kapangahasan ng iyong puso ang siyang luminlang sa iyo,+ ikaw na tumatahan sa mga puwang ng malaking bato,+ sa kaitaasan na tinatahanan niya, na sinasabi sa kaniyang puso, ‘Sino ang magbababa sa akin sa lupa?’ 4 Kung gagawin mong mataas ang iyong kinalalagyan na parang agila, o kung sa gitna ng mga bituin ilalagay ang iyong pugad, mula roon ay ibababa kita,”+ ang sabi ni Jehova.
5 “Kung mga magnanakaw ang pumaroon sa iyo, kung mga mananamsam ang dumating sa gabi, hanggang sa anong antas ka patatahimikin?+ Hindi ba sila magnanakaw hanggang gusto nila? O kung mga tagapitas ng ubas ang pumaroon sa iyo, hindi ba sila mag-iiwan ng mahihimalay?+ 6 O gayon na lamang ang pagsisiyasat doon sa mga kay Esau!+ Gayon na lamang ang paghahanap sa kaniyang mga nakukubling kayamanan! 7 Hanggang sa hangganan ay isinugo ka nila. Nilinlang ka ng lahat ng mga lalaking may pakikipagtipan sa iyo.+ Ang mga lalaking may pakikipagpayapaan sa iyo ay nanaig laban sa iyo.+ Yaong mga kumakaing kasama mo ay maglalagay ng lambat sa ilalim mo gaya ng isa na walang kaunawaan.+ 8 Hindi ba ito mangyayari sa araw na iyon?” ang sabi ni Jehova.
“At tiyak na pupuksain ko ang marurunong mula sa Edom,+ at ang kaunawaan mula sa bulubunduking pook ng Esau. 9 At ang iyong makapangyarihang mga lalaki ay masisindak,+ O Teman,+ sa dahilang ang bawat isa ay lilipulin+ mula sa bulubunduking pook ng Esau, dahil sa isang pagpatay.+ 10 Dahil sa karahasan laban sa kapatid mong si Jacob,+ kahihiyan ang tatakip sa iyo,+ at lilipulin ka hanggang sa panahong walang takda.+ 11 Nang araw na tumayo ka lamang sa tabi, nang araw na dalhin ng mga taga-ibang bayan sa pagkabihag+ ang kaniyang hukbong militar at nang pasukin ng mga banyaga mismo ang kaniyang pintuang-daan+ at ang Jerusalem ay pinagpalabunutan nila,+ ikaw rin ay naging gaya ng isa sa kanila.
12 “At hindi mo sana minasdan ang tanawin sa araw ng iyong kapatid,+ sa araw ng kaniyang kasawian; at hindi ka sana nagsaya dahil sa mga anak ni Juda sa araw ng kanilang pagkapahamak;+ at hindi mo sana pinanatiling maluwang ang iyong bibig sa araw ng kanilang kabagabagan. 13 Hindi ka sana pumasok sa pintuang-daan ng aking bayan sa araw ng kanilang kasakunaan.+ Ikaw, ikaw nga, ay hindi sana nagmasid sa kaniyang kapahamakan sa araw ng kaniyang kasakunaan; at hindi ka sana nag-unat ng kamay sa kaniyang yaman sa araw ng kaniyang kasakunaan.+ 14 At hindi ka sana tumayo sa paghihiwalay ng mga daan, upang lipulin ang kaniyang mga takas;+ at hindi mo sana ibinigay ang mga natirang buháy sa kaniya sa araw ng kabagabagan.+ 15 Sapagkat ang araw ni Jehova laban sa lahat ng mga bansa ay malapit na.+ Kung paano mo ginawa, gayon ang gagawin sa iyo.+ Ang uri ng iyong pakikitungo ay babalik sa iyong sariling ulo.+ 16 Sapagkat kung paano kayo uminom sa ibabaw ng aking banal na bundok, ang lahat ng mga bansa ay gayon iinom na palagi.+ At sila ay tiyak na iinom at lalagok at magiging waring hindi umiral kailanman.
17 “At sa Bundok Sion ay doroon yaong mga makatatakas,+ at iyon ay magiging banal;+ at aariin ng sambahayan ni Jacob ang mga bagay na dapat nilang ariin.+ 18 At ang sambahayan ni Jacob ay magiging isang apoy,+ at ang sambahayan ni Jose ay isang liyab, at ang sambahayan ni Esau ay magiging gaya ng pinaggapasan;+ at palalagablabin nila sila at lalamunin sila. At walang matitirang buháy sa sambahayan ni Esau;+ sapagkat si Jehova mismo ang nagsalita nito. 19 At aariin nila ang Negeb, maging ang bulubunduking pook ng Esau,+ at ang Sepela, maging ang mga Filisteo.+ At aariin nila ang parang ng Efraim+ at ang parang ng Samaria;+ at aariin ng Benjamin ang Gilead.+ 20 At kung tungkol sa mga tapon ng muralyang ito,+ mapapasa mga anak ni Israel ang pag-aari ng mga Canaanita+ hanggang sa Zarepat.+ At aariin ng mga tapon mula sa Jerusalem, na nasa Separad, ang mga lunsod ng Negeb.+
21 “At ang mga tagapagligtas+ ay tiyak na sasampa sa Bundok Sion,+ upang hatulan ang bulubunduking pook ng Esau;+ at ang paghahari ay magiging kay Jehova.”+