Lucas
18 Nang magkagayon ay inilahad pa rin niya sa kanila ang isang ilustrasyon may kinalaman sa pangangailangan na lagi silang manalangin at huwag manghimagod,+ 2 na sinasabi: “Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang paggalang sa tao. 3 Ngunit may isang babaing balo sa lunsod na iyon at patuloy siyang pumaparoon+ sa kaniya, na sinasabi, ‘Tiyakin mong magkakamit ako ng katarungan mula sa aking kalaban sa batas.’ 4 Buweno, sa sandaling panahon ay ayaw niya, ngunit pagkatapos ay sinabi niya sa kaniyang sarili, ‘Bagaman hindi ako natatakot sa Diyos o gumagalang sa tao, 5 gayunpaman, dahil sa patuloy na panggugulo+ sa akin ng babaing balong ito, titiyakin kong magkamit siya ng katarungan, upang hindi na siya laging pumarito at pahirapan+ ako nang lubusan.’ ” 6 Sa gayon ay sinabi ng Panginoon: “Pakinggan ninyo kung ano ang sinabi ng hukom, bagaman di-matuwid! 7 Kung gayon nga, hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan+ ang kaniyang mga pinili na sumisigaw sa kaniya araw at gabi, bagaman mayroon siyang mahabang-pagtitiis+ sa kanila? 8 Sinasabi ko sa inyo, Pangyayarihin niya na mabilis silang mabigyan ng katarungan.+ Gayunpaman, kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang pananampalataya?”
9 Ngunit inilahad din niya ang ilustrasyong ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili na sila ay matuwid+ at itinuturing na walang kabuluhan ang iba:+ 10 “Dalawang tao ang umahon sa templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa pa ay maniningil ng buwis. 11 Ang Pariseo ay tumayo+ at pinasimulang ipanalangin+ ang mga bagay na ito sa kaniyang sarili, ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako gaya ng ibang tao, mga mangingikil, mga di-matuwid, mga mangangalunya, o maging ng maniningil ng buwis na ito.+ 12 Nag-aayuno akong makalawang ulit sa isang sanlinggo, ibinibigay ko ang ikasampu ng lahat ng bagay na aking natatamo.’+ 13 Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay ayaw man lamang itingala sa langit ang kaniyang mga mata, kundi patuloy na dinadagukan ang kaniyang dibdib,+ na sinasabi, ‘O Diyos, magmagandang-loob ka sa akin na isang makasalanan.’+ 14 Sinasabi ko sa inyo, Ang taong ito ay bumaba patungo sa kaniyang tahanan at napatunayang higit na matuwid+ kaysa sa taong iyon; sapagkat ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, ngunit siya na nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”+
15 At pinasimulan ding dalhin sa kaniya ng mga tao ang kanilang mga sanggol upang hipuin niya ang mga ito; ngunit sa pagkakita nito ay pinasimulan silang sawatain ng mga alagad.+ 16 Gayunman, tinawag ni Jesus ang mga sanggol, na sinasabi: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang tangkaing pigilan. Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga tulad nito.+ 17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang bata ay hindi sa anumang paraan makapapasok dito.”+
18 At isang tagapamahala ang nagtanong sa kaniya, na sinasabi: “Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako ay magmana ng buhay na walang hanggan?”+ 19 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.+ 20 Alam mo ang mga utos,+ ‘Huwag kang mangangalunya,+ Huwag kang papaslang,+ Huwag kang magnanakaw,+ Huwag kang magpapatotoo nang may kabulaanan,+ Parangalan mo ang iyong ama at ina.’ ”+ 21 Sa gayon ay sinabi niya: “Ang lahat ng mga ito ay tinutupad ko mula pa sa pagkabata.”+ 22 Pagkarinig nito, sinabi ni Jesus sa kaniya: “May isa pang bagay na kulang sa iyo: Ipagbili mo ang lahat ng mga bagay na taglay mo at ipamahagi mo sa mga taong dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at halika maging tagasunod kita.”+ 23 Nang marinig niya ito, siya ay lubhang napighati, sapagkat napakayaman niya.+
24 Tumingin si Jesus sa kaniya at nagsabi: “Kay hirap na bagay nga para roon sa mga may salapi ang pumasok sa kaharian ng Diyos!+ 25 Sa katunayan, mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom na panahi kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.”+ 26 Yaong mga nakarinig nito ay nagsabi: “Sino nga ba ang makaliligtas?” 27 Sinabi niya: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.”+ 28 Ngunit sinabi ni Pedro: “Narito! Iniwan na namin ang aming sariling mga bagay at sumunod sa iyo.”+ 29 Sinabi niya sa kanila: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang sinumang nag-iwan ng bahay o asawang babae o mga kapatid o mga magulang o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos+ 30 ang hindi sa anumang paraan tatanggap ng lalong marami pa sa yugtong ito ng panahon, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.”+
31 Sa gayon ay ibinukod niya ang labindalawa at sinabi sa kanila: “Narito! Paahon tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa pamamagitan ng mga propeta+ may kinalaman sa Anak ng tao ay malulubos.+ 32 Bilang halimbawa, siya ay ibibigay sa mga tao ng mga bansa at gagawing katatawanan+ at pakikitunguhan nang walang pakundangan+ at duduraan;+ 33 at pagkahagupit+ sa kaniya ay papatayin+ nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay babangon siya.”+ 34 Gayunman, hindi nila nakuha ang kahulugan ng alinman sa mga bagay na ito; kundi ang pananalitang ito ay lingid sa kanila, at hindi nila nalalaman ang mga bagay na sinabi.+
35 At habang papalapit siya sa Jerico ay may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos.+ 36 Dahil may narinig siyang pulutong na dumaraan ay nagsimula siyang magtanong kung ano ang kahulugan nito. 37 Sinabi nila sa kaniya: “Dumaraan si Jesus na Nazareno!”+ 38 Sa gayon ay sumigaw siya, na sinasabi: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!”+ 39 At pinasimulan siyang pagsabihan niyaong mga nauuna na tumahimik siya, ngunit lalo pa siyang patuloy na sumisigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.”+ 40 Nang magkagayon ay huminto si Jesus at iniutos na dalhin sa kaniya ang lalaki.+ Nang makalapit na siya, tinanong siya ni Jesus: 41 “Ano ang nais mong gawin ko para sa iyo?”+ Sinabi niya: “Panginoon, panumbalikin mo ang aking paningin.”+ 42 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Manumbalik ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”+ 43 At kaagad na nanumbalik ang kaniyang paningin,+ at siya ay nagsimulang sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Diyos.+ Gayundin, ang lahat ng mga tao, sa pagkakita nito, ay nagbigay ng papuri sa Diyos.