Deuteronomio
4 “At ngayon, O Israel, pakinggan mo ang mga tuntunin at ang mga hudisyal na pasiya na itinuturo ko sa inyo upang gawin ninyo, upang kayo ay mabuhay+ at makapasok nga at ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno. 2 Huwag ninyong daragdagan ang salita na iniuutos ko sa inyo, ni babawasan man ninyo iyon,+ upang matupad ninyo ang mga utos ni Jehova na inyong Diyos na iniuutos ko sa inyo.
3 “Ang inyong sariling mga mata ang nakakita sa ginawa ni Jehova may kinalaman sa Baal ng Peor,+ na ang bawat taong sumunod sa Baal ng Peor ang nilipol ni Jehova na iyong Diyos mula sa gitna mo.+ 4 Ngunit kayong mga nangungunyapit+ kay Jehova na inyong Diyos ay buháy pang lahat ngayon. 5 Narito, tinuruan ko kayo ng mga tuntunin+ at mga hudisyal na pasiya,+ gaya ng iniutos sa akin ni Jehova na aking Diyos, upang gawin ninyo ang gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. 6 At ingatan ninyo at gawin ninyo ang mga iyon, sapagkat ito ay karunungan+ sa ganang inyo at pagkaunawa+ sa ganang inyo sa paningin ng mga bayan na makaririnig ng lahat ng tuntuning ito, at tiyak na sasabihin nila, ‘Ang dakilang bansang ito ay walang alinlangang isang bayan na marunong at may unawa.’+ 7 Sapagkat anong dakilang bansa+ ang may mga diyos na malapit sa kanila na gaya ni Jehova na ating Diyos sa lahat ng pagtawag natin sa kaniya?+ 8 At anong dakilang bansa ang may matuwid na mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya na gaya ng buong kautusang ito na inilalagay ko sa harap ninyo ngayon?+
9 “Bantayan mo lamang ang iyong sarili at ingatan mong mabuti ang iyong kaluluwa,+ upang hindi mo makalimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata+ at upang hindi mahiwalay ang mga iyon sa iyong puso sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;+ at ipaaalam mo ang mga iyon sa iyong mga anak at sa iyong mga apo,+ 10 nang araw na tumayo ka sa harap ni Jehova na iyong Diyos sa Horeb,+ nang sabihin sa akin ni Jehova, ‘Tipunin mo sa akin ang bayan upang maiparinig ko sa kanila ang aking mga salita,+ upang matuto silang matakot+ sa akin sa lahat ng mga araw na sila ay buháy sa ibabaw ng lupa at upang maturuan nila ang kanilang mga anak.’+
11 “Kaya lumapit kayo at tumayo sa paanan ng bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy hanggang sa kalagitnaan ng langit; may kadiliman, ulap at makapal na karimlan.+ 12 At si Jehova ay nagsimulang magsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy.+ Ang tinig ng mga salita ang inyong naririnig, ngunit wala kayong nakikitang anyo+—wala kundi isang tinig.+ 13 At ipinahayag niya sa inyo ang kaniyang tipan,+ na iniutos niyang isagawa ninyo—ang Sampung Salita,+ pagkatapos ay isinulat niya ang mga iyon sa dalawang tapyas ng bato.+ 14 At ako ang siyang inutusan ni Jehova nang mismong panahong iyon upang turuan kayo ng mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya, upang maisagawa ninyo ang mga iyon sa lupain na tatawirin ninyo upang ariin.+
15 “At ingatan ninyong mabuti ang inyong mga kaluluwa,+ sapagkat wala kayong nakitang anumang anyo+ nang araw na magsalita si Jehova sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy, 16 upang hindi kayo gumawi nang kapaha-pahamak+ at hindi nga kayo gumawa para sa inyong sarili ng isang inukit na imahen, na anyo ng anumang sagisag, na kawangis ng lalaki o babae,+ 17 na kawangis ng anumang hayop na nasa lupa,+ na kawangis ng anumang may-pakpak na ibon na lumilipad sa langit,+ 18 na kawangis ng anumang bagay na gumagala sa lupa, na kawangis ng anumang isda+ na nasa tubig sa ilalim ng lupa; 19 at upang hindi mo itingin ang iyong mga mata sa langit at makita nga ang araw at ang buwan at ang mga bituin, ang buong hukbo ng langit, at madaya nga at yumukod sa mga iyon at maglingkod sa mga iyon,+ na binahagi ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng mga bayan sa silong ng buong langit.+ 20 Ngunit kayo ang kinuha ni Jehova upang mailabas niya kayo mula sa hurnong bakal,+ mula sa Ehipto, upang maging isang bayan na sarili niyang pag-aari+ gaya ng sa araw na ito.
21 “At nagalit si Jehova sa akin dahil sa inyo,+ kung kaya sumumpa siya na hindi ako tatawid ng Jordan o papasok sa mabuting lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana.+ 22 Sapagkat mamamatay ako sa lupaing ito.+ Hindi ako tatawid ng Jordan, ngunit kayo ay tatawid, at aariin ninyo ang mabuting lupaing ito. 23 Mag-ingat kayo upang hindi ninyo makalimutan ang tipan ni Jehova na inyong Diyos na ipinakipagtipan niya sa inyo+ at upang hindi kayo gumawa para sa inyong sarili ng isang inukit na imahen, na anyo ng anumang bagay na laban doon ay nag-utos sa iyo si Jehova na iyong Diyos.+ 24 Sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay isang apoy na tumutupok,+ isang Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.+
25 “Kung ikaw ay magkaanak at magkaapo at kayo ay makapanirahan nang matagal sa lupain at gumawi nang kapaha-pahamak+ at gumawa ng isang inukit na imahen,+ na anyo ng anumang bagay, at gumawa nga ng masama sa paningin ni Jehova na iyong Diyos+ upang galitin siya, 26 kinukuha ko bilang mga saksi laban sa inyo ngayon ang langit at ang lupa,+ na kayo ay talagang malilipol nang madali mula sa lupain na tatawirin ninyo sa Jordan upang ariin. Hindi ninyo mapahahaba ang inyong mga araw roon, sapagkat kayo ay talagang malilipol.+ 27 At tiyak na pangangalatin kayo ni Jehova sa gitna ng mga bayan,+ at maiiwan nga kayo na may kakaunting+ bilang sa gitna ng mga bansa na pagtatabuyan sa inyo ni Jehova. 28 At doon ay maglilingkod kayo sa mga diyos,+ na gawa ng mga kamay ng tao, kahoy at bato,+ na hindi makakita o makarinig o makakain o makaamoy.+
29 “Kung hahanapin ninyo si Jehova na iyong Diyos mula roon, tiyak na masusumpungan mo rin siya,+ sapagkat mag-uusisa ka para sa kaniya nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa.+ 30 Kapag ikaw ay nasa kagipitan at dumating sa iyo ang lahat ng mga salitang ito sa pagtatapos ng mga araw, kung magkagayon ay manunumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos+ at makikinig ka sa kaniyang tinig.+ 31 Sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay maawaing Diyos.+ Hindi ka niya pababayaan o ipapahamak o kalilimutan man niya ang tipan+ ng iyong mga ninuno na isinumpa niya sa kanila.
32 “Ngayon ay magtanong ka, pakisuyo, may kinalaman sa mga araw noong una+ na nangyari nang una sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Diyos ang tao sa ibabaw ng lupa+ at mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabilang dulo ng langit, May napangyari bang anumang dakilang bagay na tulad nito o may narinig bang anumang bagay na tulad nito?+ 33 Narinig na ba ng sinumang tao ang tinig ng Diyos na nagsasalita mula sa gitna ng apoy na gaya ng pagkarinig mo mismo roon, at nanatili pa ring buháy?+ 34 O tinangka ba ng Diyos na yumaon upang kumuha ng isang bansa para sa kaniyang sarili mula sa gitna ng ibang bansa sa pamamagitan ng mga pagpapatunay,+ ng mga tanda+ at ng mga himala+ at ng digmaan+ at ng isang malakas na kamay+ at ng isang unat na bisig+ at ng matinding kakilabutan+ na gaya ng lahat ng ginawa ni Jehova na inyong Diyos para sa inyo sa Ehipto sa harap ng iyong mga mata? 35 Ikaw—ikaw ay pinagpakitaan, upang makilala mong si Jehova ang tunay na Diyos;+ wala nang iba pa bukod sa kaniya.+ 36 Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kaniyang tinig upang ituwid ka; at sa ibabaw ng lupa ay ipinakita niya sa iyo ang kaniyang dakilang apoy, at ang kaniyang mga salita ay narinig mo mula sa gitna ng apoy.+
37 “At [gayunma’y nananatili kang buháy], sapagkat inibig niya ang iyong mga ninuno kung kaya pinili niya ang kanilang binhi na kasunod nila+ at inilabas ka mula sa Ehipto sa kaniyang paningin sa pamamagitan ng kaniyang dakilang kapangyarihan,+ 38 upang itaboy ang mga bansa na mas dakila at mas makapangyarihan kaysa sa iyo mula sa harap mo, upang maipasok ka, upang ibigay sa iyo ang kanilang lupain bilang mana gaya ng sa araw na ito.+ 39 At nalalaman mong lubos ngayon, at alalahanin mo sa iyong puso na si Jehova ang tunay na Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.+ Wala nang iba pa.+ 40 At tuparin mo ang kaniyang mga tuntunin+ at ang kaniyang mga utos na iniuutos ko sa iyo ngayon, upang mapabuti ka+ at ang iyong mga anak na kasunod mo, at upang mapahaba mo ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos,+ sa tuwina.”
41 Nang panahong iyon ay nagbukod si Moises ng tatlong lunsod sa panig ng Jordan sa dakong sikatan ng araw,+ 42 upang tumakas patungo roon ang mamamatay-tao na nakapatay ng kaniyang kapuwa nang hindi iyon nalalaman,+ gayong hindi niya ito dating kinapopootan;+ at tatakas siya patungo sa isa sa mga lunsod na ito at mabubuhay,+ 43 samakatuwid ay ang Bezer+ sa ilang na nasa talampas para sa mga Rubenita, at ang Ramot+ sa Gilead para sa mga Gadita, at ang Golan+ sa Basan para sa mga Manasita.+
44 At ito ang kautusan+ na inilagay ni Moises sa harap ng mga anak ni Israel. 45 Ito ang mga patotoo+ at ang mga tuntunin+ at ang mga hudisyal na pasiya+ na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel paglabas nila mula sa Ehipto, 46 sa pook ng Jordan sa libis na nasa tapat ng Bet-peor,+ sa lupain ni Sihon na hari ng mga Amorita, na tumatahan sa Hesbon,+ na tinalo ni Moises at ng mga anak ni Israel paglabas nila mula sa Ehipto.+ 47 At inari nila ang kaniyang lupain at ang lupain ni Og+ na hari ng Basan, ang dalawang hari ng mga Amorita na nasa pook ng Jordan sa dakong sikatan ng araw, 48 mula sa Aroer,+ na nasa pampang ng agusang libis ng Arnon, hanggang sa Bundok Sion, na siyang Hermon,+ 49 at ang buong Araba+ na nasa pook ng Jordan sa dakong silangan, at hanggang sa dagat ng Araba+ sa paanan ng mga dalisdis ng Pisga.+