Josue
5 At nangyari nga, nang marinig ng lahat ng mga hari ng mga Amorita,+ na nasa panig ng Jordan sa dakong kanluran, at ng lahat ng mga hari ng mga Canaanita,+ na nasa tabi ng dagat, na tinuyo ni Jehova ang tubig ng Jordan sa harap ng mga anak ni Israel hanggang sa makatawid sila, ang kanilang mga puso ay nagsimulang matunaw,+ at naglaho ang kanilang sigla dahil sa mga anak ni Israel.+
2 Nang mismong panahong iyon ay sinabi ni Jehova kay Josue: “Gumawa ka para sa iyong sarili ng mga kutsilyong batong pingkian at tuliin+ mong muli ang mga anak na lalaki ni Israel, sa ikalawang pagkakataon.” 3 Sa gayon ay gumawa si Josue ng mga kutsilyong batong pingkian para sa kaniyang sarili at tinuli niya ang mga anak na lalaki ni Israel sa Gibeat-haaralot.+ 4 At ito ang dahilan kung bakit ginawa ni Josue ang pagtutuli: ang buong bayan na lumabas mula sa Ehipto, ang mga lalaki, ang lahat ng mga lalaking mandirigma, ay namatay+ na sa ilang habang nasa daan nang lumalabas sila mula sa Ehipto. 5 Sapagkat ang buong bayan na lumabas ay tuli, ngunit ang buong bayan na ipinanganak sa ilang habang nasa daan nang lumalabas sila mula sa Ehipto ay hindi pa nila natutuli. 6 Sapagkat ang mga anak ni Israel ay lumakad nang apatnapung taon+ sa ilang, hanggang sa maubos ang buong bansa ng mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto na hindi nakinig sa tinig ni Jehova, na sa kanila ay isinumpa ni Jehova na hindi niya sila pahihintulutang makita ang lupain+ na isinumpa ni Jehova sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa atin,+ isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+ 7 At ang kanilang mga anak ay ibinangon niyang kahalili nila.+ Ang mga ito ang tinuli ni Josue, sapagkat sila ay di-tuli, sapagkat hindi nila natuli ang mga ito habang nasa daan.
8 At nangyari nga, nang matapos na nilang tuliin ang buong bansa, nanatili silang nakaupo sa kanilang dako sa kampo hanggang sa gumaling sila.+
9 Nang magkagayon ay sinabi ni Jehova kay Josue: “Ngayon ay iginulong ko ang pandurusta ng Ehipto mula sa inyo.”+ Kaya ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Gilgal+ hanggang sa araw na ito.
10 At ang mga anak ni Israel ay patuloy na nagkampo sa Gilgal, at ipinagdiwang nila ang paskuwa noong ikalabing-apat na araw ng buwan,+ nang kinagabihan, sa mga disyertong kapatagan ng Jerico. 11 At nagsimula silang kumain ng ani ng lupain nang araw na iyon pagkaraan ng paskuwa, mga tinapay na walang pampaalsa+ at binusang butil, nang mismong araw na ito. 12 Sa gayon ay naglikat ang manna nang sumunod na araw nang makakain na sila ng ani ng lupain, at hindi na nagkaroon pa ng manna para sa mga anak ni Israel,+ at nagsimula silang kumain ng bunga ng lupain ng Canaan nang taóng iyon.+
13 At nangyari nga nang si Josue ay malapit sa Jerico, itiningin niya ang kaniyang mga mata at tumanaw, at naroon ang isang lalaki+ na nakatayo sa harap niya na may hugót na tabak sa kamay nito.+ Kaya nilapitan siya ni Josue at sinabi sa kaniya: “Ikaw ba ay panig sa amin o panig sa aming mga kalaban?” 14 At sinabi niya: “Hindi, kundi ako—bilang prinsipe ng hukbo ni Jehova ang pagparito ko ngayon.”+ Sa gayon ay isinubsob ni Josue ang kaniyang mukha sa lupa at nagpatirapa+ at nagsabi sa kaniya: “Ano ang sasabihin ng aking panginoon sa kaniyang lingkod?” 15 Sinabi naman kay Josue ng prinsipe ng hukbo ni Jehova: “Hubarin mo ang iyong mga sandalyas mula sa iyong mga paa, sapagkat ang dako na kinatatayuan mo ay banal.” Kaagad na ginawa iyon ni Josue.+