Josue
7 At ang mga anak ni Israel ay gumawa ng kawalang-katapatan may kaugnayan sa bagay na nakatalaga sa pagkapuksa nang si Acan+ na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, ng tribo ni Juda, ay kumuha ng ilan sa bagay na nakatalaga sa pagkapuksa.+ Dahil dito ay nag-init ang galit ni Jehova laban sa mga anak ni Israel.+
2 At si Josue ay nagsugo ng mga lalaki mula sa Jerico patungo sa Ai,+ na malapit sa Bet-aven,+ sa dakong silangan ng Bethel,+ at nagsabi sa kanila: “Umahon kayo at tiktikan ninyo ang lupain.” Sa gayon ay umahon ang mga lalaki at naniktik sa Ai.+ 3 Pagkatapos ay bumalik sila kay Josue at nagsabi sa kaniya: “Huwag mong paahunin ang buong bayan. Mga dalawang libong lalaki o mga tatlong libong lalaki ang paahunin mo at saktan nila ang Ai. Huwag mong panghimagurin ang buong bayan sa pagpunta roon, sapagkat sila ay kakaunti.”
4 Kaya mga tatlong libong lalaki ng bayan ang umahon doon, ngunit tumakas sila sa harap ng mga lalaki ng Ai.+ 5 At ang mga lalaki ng Ai ay nakapagpabagsak ng mga tatlumpu’t anim na lalaki sa kanila, at tinugis sila ng mga iyon+ mula sa harap ng pintuang-daan hanggang sa Sebarim at patuloy silang pinabagsak sa dakong palusong. Kaya ang puso ng bayan ay nagsimulang matunaw at naging gaya ng tubig.+
6 Sa gayon ay hinapak ni Josue ang kaniyang mga balabal at isinubsob ang kaniyang mukha+ sa lupa sa harap ng kaban ni Jehova hanggang sa kinagabihan, siya at ang matatandang lalaki ng Israel, at patuloy silang naglalagay ng alabok sa kanilang mga ulo.+ 7 At sinabi ni Josue: “Ay, Soberanong Panginoong Jehova, bakit mo itinawid ang bayang ito hanggang sa dakong ito ng Jordan, upang ibigay lamang kami sa kamay ng mga Amorita upang puksain nila kami? At kung nagpasiya lamang sana kami sa aming sarili at patuloy na nanahanan sa kabilang ibayo ng Jordan!+ 8 Pagpaumanhinan mo ako, O Jehova, ngunit ano ang masasabi ko pagkatapos na tumalikod ang Israel mula sa harap ng kaniyang mga kaaway? 9 At maririnig ng mga Canaanita at ng lahat ng tumatahan sa lupain ang tungkol dito, at tiyak na palilibutan nila kami at papawiin ang aming pangalan mula sa lupa;+ at ano ang gagawin mo para sa iyong dakilang pangalan?”+
10 Sinabi naman ni Jehova kay Josue: “Tumindig ka! Bakit mo isinusubsob ang iyong mukha? 11 Ang Israel ay nagkasala, at nilabag din nila ang aking tipan+ na ibinigay ko sa kanila bilang utos; at kumuha rin sila ng ilan sa bagay na nakatalaga sa pagkapuksa+ at nagnakaw+ rin at iningatan din itong lihim+ at inilagay rin itong kasama ng sarili nilang mga kagamitan.+ 12 At hindi makatitindig ang mga anak ni Israel laban sa kanilang mga kaaway.+ Ang likod ang siyang ihaharap nila sa kanilang mga kaaway, sapagkat sila ay naging isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa. Hindi ako sasainyong muli malibang lipulin ninyo mula sa gitna ninyo ang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa.+ 13 Tumindig ka! Pabanalin mo ang bayan,+ at sabihin mo, ‘Pabanalin ninyo ang inyong sarili bukas, sapagkat ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: “Isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa ang nasa gitna mo, O Israel.+ Hindi ka makatitindig laban sa iyong mga kaaway hanggang sa maalis ninyo ang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa mula sa gitna ninyo. 14 At haharap kayo sa kinaumagahan, tribu-tribo, at mangyayari nga na ang tribo na pipiliin ni Jehova+ ay lalapit, pami-pamilya, at ang pamilya na pipiliin ni Jehova ay lalapit, samba-sambahayan, at ang sambahayan na pipiliin ni Jehova ay lalapit, bawat matipunong lalaki. 15 At mangyayari nga na ang napili na nagtataglay ng bagay na nakatalaga sa pagkapuksa ay susunugin sa apoy,+ siya at ang lahat ng sa kaniya, sapagkat nilabag niya ang tipan+ ni Jehova at sapagkat gumawa siya ng isang kadusta-dustang kahibangan sa Israel.” ’ ”+
16 Sa gayon ay maagang bumangon si Josue sa kinaumagahan at pinalapit ang Israel, ayon sa bawat tribo nito, at ang tribo ni Juda ang napili. 17 Sumunod ay pinalapit niya ang mga pamilya ni Juda at pinili ang pamilya ng mga Zerahita,+ at pagkatapos ay pinalapit niya ang pamilya ng mga Zerahita, bawat matipunong lalaki, at si Zabdi ang napili. 18 Sa katapus-tapusan ay pinalapit niya ang sambahayan nito, bawat matipunong lalaki, at si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa tribo ni Juda, ang napili.+ 19 Sa gayon ay sinabi ni Josue kay Acan: “Anak ko, pakisuyo, mag-ukol ka ng kaluwalhatian kay Jehova na Diyos ng Israel+ at magtapat ka sa kaniya,+ at sabihin mo sa akin,+ pakisuyo, Ano ang ginawa mo? Huwag mong ilihim+ iyon sa akin.”
20 At si Acan ay sumagot kay Josue at nagsabi: “Sa katotohanan nga ako—ako ay nagkasala laban kay Jehova na Diyos ng Israel,+ at ganito at ganoon ang ginawa ko. 21 Nang makita+ ko sa samsam ang isang opisyal na kasuutan mula sa Sinar,+ isa nga na maganda, at ang dalawang daang siklo na pilak at isang barang ginto, na limampung siklo ang bigat, ninasa ko nga ang mga iyon,+ at kinuha ko;+ at, narito! ang mga iyon ay nakatago sa lupa sa loob ng aking tolda at ang salapi ay nasa ilalim nito.”+
22 Kaagad na nagsugo si Josue ng mga mensahero, at tumakbo sila sa tolda, at, narito! iyon ay nakatago sa kaniyang tolda at ang salapi ay nasa ilalim nito. 23 Kaya kinuha nila ang mga iyon mula sa loob ng tolda at dinala kay Josue at sa lahat ng mga anak ni Israel at ibinuhos sa harap ni Jehova. 24 Kinuha ngayon ni Josue, at ng buong Israel na kasama niya, si Acan+ na anak ni Zera at ang pilak at ang opisyal na kasuutan at ang barang ginto+ at ang kaniyang mga anak na lalaki at ang kaniyang mga anak na babae at ang kaniyang toro at ang kaniyang asno at ang kaniyang kawan at ang kaniyang tolda at ang lahat ng bagay na kaniya at iniahon nila ang mga ito sa mababang kapatagan ng Acor.+ 25 At sinabi ni Josue: “Bakit ka nagdala sa amin ng sumpa?+ Si Jehova ay magdadala sa iyo ng sumpa sa araw na ito.” Nang magkagayon ay pinagpupukol siya ng buong Israel ng mga bato,+ at pagkatapos ay sinunog nila sila sa apoy.+ Sa gayon ay binato nila sila ng mga bato. 26 At binuntunan nila siya ng isang malaking bunton ng mga bato, hanggang sa araw na ito.+ Sa gayon ay tumalikod si Jehova mula sa kaniyang mainit na galit.+ Kaya naman ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Mababang Kapatagan ng Acor,+ hanggang sa araw na ito.