-
Mateo 22:15-22Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
15 Pagkatapos, ang mga Pariseo ay umalis at nagsabuwatan para hulihin siya sa pananalita niya.+ 16 Kaya isinugo nila sa kaniya ang mga tagasunod nila, kasama ang mga tagasuporta ni Herodes,+ para sabihin sa kaniya: “Guro, alam naming lagi kang nagsasabi ng totoo at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos, at hindi mo hinahangad ang pabor ng mga tao, dahil hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo. 17 Kaya ano sa tingin mo? Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” 18 Alam ni Jesus na masama ang motibo nila kaya sinabi niya: “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari? 19 Ipakita ninyo sa akin ang baryang pambayad ng buwis.” Dinalhan nila siya ng isang denario.* 20 Sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at pangalan ito?” 21 Sinabi nila: “Kay Cesar.” Kaya sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ 22 Nang marinig nila iyon, namangha sila. Umalis sila at iniwan na si Jesus.
-
-
Marcos 12:13-17Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
13 Pagkatapos, pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo at ang mga tagasuporta ni Herodes para hulihin siya sa pananalita niya.+ 14 Pagdating nila, sinabi nila sa kaniya: “Guro, alam naming lagi kang nagsasabi ng totoo at hindi mo hinahangad ang pabor ng mga tao, dahil hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo, at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos. Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? 15 Dapat ba kaming magbayad o hindi?” Nahalata niya ang pagkukunwari nila, kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng isang denario.”* 16 Nagdala sila ng isang denario, at sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at pangalan ito?” Sinabi nila sa kaniya: “Kay Cesar.” 17 Kaya sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,+ pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ At namangha sila sa kaniya.
-