-
Marcos 14:66-72Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
66 Habang si Pedro ay nasa ibaba sa looban, dumating ang isa sa mga alilang babae ng mataas na saserdote.+ 67 Pagkakita kay Pedro na nagpapainit, tumitig ang babae sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin ng Nazareno, ng Jesus na iyon.” 68 Pero ikinaila niya ito: “Hindi ko siya kilala at hindi ko alam* ang sinasabi mo.” At pumunta siya sa may labasan. 69 Nakita siya roon ng alilang babae at sinabi nito sa mga nakatayo roon: “Isa siya sa kanila.”+ 70 Muli niya itong ikinaila. Mayamaya, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro: “Siguradong isa ka sa kanila, dahil taga-Galilea ka.” 71 Pero sinabi ni Pedro na sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya. At sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72 Agad na tumilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon,+ at naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ At nanlupaypay siya at humagulgol.
-
-
Lucas 22:55-62Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
55 Nagpaningas sila ng apoy sa gitna ng looban at umupong magkakasama; si Pedro ay nakaupo ring kasama nila.+ 56 Pero nang makita ng isang alilang babae si Pedro na nakaupo sa tabi ng apoy, tiningnan niya itong mabuti at sinabi: “Kasama rin niya ang taong ito.” 57 Pero nagkaila si Pedro: “Hindi ko siya kilala.”+ 58 Mayamaya lang, may isa pang nakakita sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin nila.” Pero sinabi ni Pedro: “Hindi!”+ 59 Pagkalipas ng mga isang oras, ipinilit ng isa pang lalaki: “Siguradong kasama rin niya ang lalaking ito dahil taga-Galilea siya!” 60 Pero sinabi ni Pedro: “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” At agad na tumilaok ang tandang habang nagsasalita pa siya. 61 Nang pagkakataong iyon, lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro, at naalaala ni Pedro ang sinabi sa kaniya ng Panginoon: “Bago tumilaok ang tandang sa araw na ito, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ 62 At lumabas siya at humagulgol.
-
-
Juan 18:15-17Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
15 Si Simon Pedro, pati na ang isa pang alagad, ay sumusunod kay Jesus.+ Ang alagad na iyon ay kilala ng mataas na saserdote, at sumama siya kay Jesus sa looban ng bahay ng mataas na saserdote, 16 pero si Pedro ay naiwan sa labas ng pinto.* Kaya ang alagad na kilala ng mataas na saserdote ay lumabas at nakipag-usap sa bantay sa pinto at isinama si Pedro sa loob. 17 At sinabi kay Pedro ng alilang babae na nagbabantay sa pinto: “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Sinabi niya: “Hindi.”+
-