-
Mateo 8:30-34Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
30 Sa may kalayuan, isang malaking kawan ng mga baboy ang nanginginain.+ 31 Kaya nagmakaawa sa kaniya ang mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy.”+ 32 Sinabi niya sa kanila: “Sige, umalis kayo!” Kaya lumabas sila at pumasok sa mga baboy; at ang buong kawan ay nagtakbuhan sa bangin, nahulog sa lawa, at nalunod. 33 Ang mga tagapag-alaga naman ng baboy ay nagtakbuhan papunta sa lunsod at ipinamalita ang lahat ng nangyari, pati ang tungkol sa mga lalaking sinasaniban ng demonyo. 34 At ang mga tao sa lunsod ay nagpunta kay Jesus, at pagkakita sa kaniya, pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang lupain.+
-
-
Marcos 5:11-17Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
11 Isang malaking kawan ng mga baboy+ ang nanginginain noon sa bundok.+ 12 Kaya nagmakaawa sa kaniya ang mga espiritu: “Payagan mo kaming pumasok sa mga baboy.” 13 At pinayagan niya sila. Kaya lumabas ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy, at ang mga baboy, na mga 2,000, ay nagtakbuhan sa bangin at nahulog sa lawa at nalunod. 14 Pero ang mga tagapag-alaga ng baboy ay nagtakbuhan at ipinamalita ito sa lunsod at sa kalapít na mga lugar, at dumating ang mga tao para tingnan ang nangyari.+ 15 Kaya pumunta sila kay Jesus, at nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng hukbo ng mga demonyo; nakaupo ito at nakadamit at nasa matinong pag-iisip. Natakot sila. 16 Ibinalita sa kanila ng mga nakasaksi kung ano ang nangyari sa lalaking sinasapian ng demonyo at sa mga baboy. 17 Kaya nakiusap sila kay Jesus na umalis sa lugar nila.+
-