Mga Bilang
30 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga pinuno+ ng mga tribo ng Israel: “Ito ang iniutos ni Jehova: 2 Kung ang isang tao ay manata+ o sumumpa kay Jehova,+ isang panata ng pagkakait sa sarili,* dapat niya itong tuparin.+ Dapat niyang tuparin ang lahat ng sinabi niyang gagawin niya.+
3 “Kung ang isang babae ay gumawa ng panata kay Jehova o panata ng pagkakait sa sarili habang kabataan pa siya at nakatira sa bahay ng ama niya, 4 at narinig ng ama niya ang kaniyang panata o panata ng pagkakait sa sarili at hindi tumutol ang ama niya, magkakabisa ang lahat ng kaniyang panata at panata ng pagkakait sa sarili. 5 Pero kung tumutol ang ama niya matapos marinig ang ginawa niyang mga panata o panata ng pagkakait sa sarili, hindi magkakabisa ang mga ito. Patatawarin siya ni Jehova dahil tumutol ang ama niya.+
6 “Kung mag-asawa siya habang may bisa ang kaniyang panata o padalos-dalos na pangako, 7 at marinig iyon ng asawang lalaki at hindi tumutol sa araw na marinig iyon, hindi mawawalan ng bisa ang kaniyang mga panata o panata ng pagkakait sa sarili. 8 Pero kung pagbawalan siya ng asawa niya sa araw na marinig nito ang kaniyang panata o padalos-dalos na pangako, puwede nitong ipawalang-bisa iyon,+ at patatawarin siya ni Jehova.
9 “Kung isang biyuda o diborsiyada ang manata, lahat ng panata niya ay magkakabisa.
10 “Pero kung ang isang babae ay gumawa ng panata o panata ng pagkakait sa sarili habang nasa bahay ng asawa niya 11 at narinig iyon ng asawa niya at hindi ito tumutol o hindi siya pinagbawalan nito, magkakabisa ang lahat ng kaniyang panata o panata ng pagkakait sa sarili. 12 Pero kung tumutol ang asawa niya sa araw na marinig nito ang anumang panata niya o panata ng pagkakait sa sarili, hindi iyon magkakabisa.+ Tutol ang asawa niya kaya patatawarin siya ni Jehova. 13 May kinalaman sa anumang panata o sumpa, isang panata ng pagkakait sa sarili, ang asawa niya ang magpapasiya kung tutuparin niya iyon o hindi. 14 Kung hindi tumutol ang asawa niya sa paglipas ng mga araw, pinagtitibay nito ang lahat ng kaniyang panata o panata ng pagkakait sa sarili. Pinagtitibay iyon ng asawang lalaki dahil hindi siya tumutol nang araw na marinig niyang nanata ang asawa niya. 15 Pero kung ipawalang-bisa niya iyon makalipas ang araw na narinig niya iyon, siya ang mananagot sa pagkakamali ng asawa niya.+
16 “Ito ang mga tuntuning ibinigay ni Jehova kay Moises may kinalaman sa asawang lalaki at asawa nito at sa ama at anak nitong kabataang babae na nakatira sa bahay nito.”