Jeremias
21 Dumating kay Jeremias ang salita mula kay Jehova nang isugo sa kaniya ni Haring Zedekias+ si Pasur+ na anak ni Malkias at ang saserdoteng si Zefanias+ na anak ni Maaseias para makiusap: 2 “Pakisuyong sumangguni ka kay Jehova para sa amin, dahil si Haring Nabucodonosor* ng Babilonya ay nakikipagdigma sa amin.+ Baka sakaling gumawa si Jehova ng kamangha-manghang mga bagay alang-alang sa amin, para iwan na niya kami.”+
3 Sinabi ni Jeremias sa kanila: “Ito ang sabihin ninyo kay Zedekias, 4 ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: “Ibabaling ko sa inyo* ang mga sandatang hawak ninyo, na ipinanlalaban ninyo sa hari ng Babilonya+ at sa mga Caldeo na nasa labas ng pader at nakapalibot sa inyo. At titipunin ko ang mga ito sa gitna ng lunsod na ito. 5 At ako mismo ay makikipaglaban sa inyo+ sa pamamagitan ng malakas* na kamay at makapangyarihang bisig, nang may galit at matinding poot.+ 6 Pupuksain ko ang mga nakatira sa lunsod na ito, kapuwa ang tao at ang hayop. Mamamatay sila sa matinding salot.”’*+
7 “‘“At pagkatapos niyan,” ang sabi ni Jehova, “ibibigay ko si Haring Zedekias ng Juda at ang mga lingkod niya at ang mga tao sa lunsod na ito—ang mga nakaligtas sa salot, sa espada, at sa taggutom—sa kamay ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya, sa kamay ng mga kaaway nila, at sa kamay ng mga gustong pumatay sa kanila.+ Pababagsakin niya sila sa pamamagitan ng espada. Hindi siya mahahabag o maaawa sa kanila.”’+
8 “At sabihin mo sa bayang ito, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Inilalagay ko sa harap ninyo ang daan ng buhay at ang daan ng kamatayan. 9 Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa espada, sa taggutom, at sa salot. Pero ang lalabas at susuko sa mga Caldeo na nakapalibot sa inyo ay mananatiling buháy, at ang buhay niya ang magiging samsam niya.”’*+
10 “‘“Dahil itinakwil ko na ang lunsod na ito at daranas ito ng kapahamakan at hindi ng mabuti,”+ ang sabi ni Jehova. “Ibibigay ito sa kamay ng hari ng Babilonya,+ at susunugin niya ito.”+
11 “‘Sa sambahayan ng hari ng Juda: Pakinggan ninyo ang salita ni Jehova. 12 O sambahayan ni David, ito ang sinabi ni Jehova:
“Itaguyod ninyo ang katarungan bawat umaga,
At iligtas ninyo ang ninanakawan mula sa kamay ng mandaraya,+
Para ang poot ko ay hindi maglagablab+
At magningas na gaya ng apoy na walang sinumang makapapatay
Dahil sa masasama ninyong ginagawa.”’+
13 ‘Ako ay laban sa iyo, O ikaw na nakatira sa lambak,*
O bato sa patag na lupain,’ ang sabi ni Jehova.
‘Kung tungkol sa inyo na nagsasabi: “Sino ang kakalaban sa atin?
At sino ang sasalakay sa mga tirahan natin?”
‘At pagliliyabin ko ang kagubatan niya,
At tutupukin ng apoy ang lahat ng nasa palibot niya.’”+