Mga Hukom
20 Kaya ang lahat ng Israelita mula sa Dan+ hanggang sa Beer-sheba at mula sa lupain ng Gilead+ ay lumabas at nagkakaisang* nagtipon sa harap ni Jehova sa Mizpa.+ 2 At ang mga pinuno ng bayan at ng lahat ng tribo ng Israel ay sumama sa kongregasyon ng bayan ng Diyos—400,000 sundalo na may espada.+
3 Nabalitaan ng mga Benjaminita na ang mga lalaki ng Israel ay nagpunta sa Mizpa.
Sinabi ng mga lalaki ng Israel: “Sabihin ninyo, paano nangyari ang karumal-dumal na bagay na ito?”+ 4 Sumagot ang lalaking Levita,+ ang asawa ng babaeng pinatay: “Nagpunta ako sa Gibeah+ ng Benjamin kasama ang asawa* ko para doon magpalipas ng gabi. 5 At sumugod ang mga taga-Gibeah* noong gabi at pinalibutan nila ang bahay. Ang gusto talaga nila ay patayin ako, pero ginahasa nila ang asawa ko at namatay siya.+ 6 Kaya kinuha ko ang katawan ng asawa ko at pinagputol-putol ito at ipinadala ang mga piraso nito sa buong lupain ng Israel,+ dahil gumawa sila ng isang karumal-dumal at kahiya-hiyang bagay sa Israel. 7 Ngayon, kayong lahat na mga Israelita, sabihin ninyo kung ano ang dapat gawin sa bagay na ito.”+
8 Pagkatapos, ang buong bayan ay sama-samang* tumayo at nagsabi: “Walang sinuman sa amin ang pupunta sa kaniyang tolda o babalik sa kaniyang bahay. 9 Ito ang gagawin natin ngayon sa Gibeah: Makikipagdigma tayo laban doon sa pamamagitan ng palabunutan.+ 10 Kukuha tayo ng 10 lalaki sa bawat 100 sa lahat ng tribo ng Israel, at 100 sa bawat 1,000 at 1,000 sa bawat 10,000. Kukuha sila ng mga kakailanganin ng hukbo para masalakay ng mga ito ang Gibeah ng Benjamin, dahil sa kahiya-hiyang bagay na ginawa ng mga Benjaminita sa Israel.” 11 Kaya ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipon laban sa lunsod, nagkakaisa* bilang magkakaalyado.
12 Pagkatapos, ang mga tribo ng Israel ay nagsugo ng mga lalaki sa buong tribo ng Benjamin para sabihin: “Ano itong karumal-dumal na bagay na ginawa ninyo? 13 Ibigay ninyo sa amin ngayon ang walang-kuwentang mga lalaki mula sa Gibeah,+ at papatayin namin sila para mawala ang kasamaan sa Israel.”+ Pero ayaw makinig ng mga Benjaminita sa mga kapatid nilang Israelita.
14 Pagkatapos, umalis sa mga lunsod ang mga Benjaminita at nagtipon-tipon sa Gibeah para makipagdigma sa mga lalaki ng Israel. 15 Nang araw na iyon, ang mga Benjaminita ay nakapagtipon mula sa mga lunsod nila ng 26,000 lalaking may espada, bukod pa sa 700 piling lalaki ng Gibeah. 16 Kasama sa hukbong ito ang 700 piling lalaki na kaliwete. Ang bawat isa sa mga ito ay asintado sa pagpapahilagpos ng bato at hindi nagmimintis kahit gabuhok.
17 Ang mga lalaki ng Israel, hindi kasali ang Benjamin, ay nakapagtipon ng 400,000 lalaking may espada,+ at ang bawat isa sa kanila ay makaranasan sa pakikipagdigma. 18 Nagpunta sila sa Bethel para sumangguni sa Diyos.+ Pagkatapos, sinabi ng mga Israelita: “Sino sa amin ang dapat manguna sa pakikipaglaban sa mga Benjaminita?” Sumagot si Jehova: “Ang Juda ang mangunguna.”
19 Kinaumagahan, nagkampo ang mga Israelita malapit sa Gibeah para makipaglaban dito.
20 Ang mga lalaki ng Israel ngayon ay lumabas at humanay sa mga puwesto nila para makipaglaban sa mga Benjaminita sa Gibeah. 21 Kaya lumabas ang mga Benjaminita mula sa Gibeah at pinabagsak ang 22,000 lalaki ng Israel nang araw na iyon. 22 Pero ang hukbo ng Israel ay nagpakalakas-loob, at kinabukasan, muli silang humanay sa lugar na pinuwestuhan nila noong unang araw na makipaglaban sila. 23 Gayundin, ang mga Israelita ay pumunta sa Bethel at umiyak sa harap ni Jehova hanggang gabi. Nagtanong sila kay Jehova: “Makikipaglaban ba kami ulit sa mga kapatid namin, sa mga Benjaminita?”+ Sumagot si Jehova: “Lumaban kayo sa kanila.”
24 Kaya lumusob ang mga Israelita sa mga Benjaminita nang ikalawang araw. 25 Sinalubong naman sila ng Benjamin mula sa Gibeah nang araw na iyon at nakapatay pa ng 18,000 Israelita,+ na lahat ay may espada. 26 Kaya ang lahat ng lalaki ng Israel ay pumunta sa Bethel. Umiyak sila at umupo roon sa harap ni Jehova,+ at nag-ayuno*+ sila nang araw na iyon hanggang gabi at nag-alay ng mga handog na sinusunog+ at mga handog na pansalo-salo+ sa harap ni Jehova. 27 Pagkatapos, sumangguni kay Jehova ang mga lalaki ng Israel,+ dahil naroon ang kaban ng tipan ng tunay na Diyos nang mga panahong iyon. 28 Si Pinehas+ na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, ay naglilingkod* sa harap ng Kaban nang mga panahong iyon. Itinanong nila: “Makikipaglaban ba kami ulit sa mga lalaki ng Benjamin na mga kapatid namin, o titigil na kami?”+ Sumagot si Jehova: “Lumaban kayo, dahil bukas ay ibibigay ko sila sa kamay ninyo.” 29 Pagkatapos, nagpuwesto ang Israel sa palibot ng Gibeah ng mga lalaking sasalakay rito.+
30 Noong ikatlong araw, nagpunta ang mga Israelita sa Gibeah at humanay para makipagdigma sa mga Benjaminita, gaya ng dati.+ 31 Nang lumabas ang mga Benjaminita para salubungin ang hukbo, napalayo ang mga Benjaminita sa lunsod.+ Pagkatapos, gaya ng dati, napatay nila ang ilan sa mga lalaki sa mga lansangang-bayan, ang isa ay paakyat sa Bethel at ang isa ay sa Gibeah. Kaya mga 30 lalaki ng Israel ang napatay sa parang.+ 32 Kaya sinabi ng mga Benjaminita: “Natatalo natin sila gaya ng dati.”+ Pero sinabi ng mga Israelita: “Uurong tayo at ilalayo natin sila sa lunsod papunta sa mga lansangang-bayan.” 33 Pagkatapos, ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipon-tipon sa Baal-tamar at humanay para makipagdigma. Samantala, ang mga Israelita namang nakaabang malapit sa Gibeah ay lumabas para sumalakay. 34 Kaya 10,000 piling lalaki mula sa buong Israel ang sumalakay sa Gibeah, at matindi ang naging labanan. Pero hindi alam ng mga Benjaminita na may naghihintay sa kanilang kapahamakan.
35 Tinalo ni Jehova ang Benjamin+ sa harap ng Israel, at nang araw na iyon ay pinabagsak ng mga Israelita ang 25,100 lalaki ng Benjamin, na lahat ay may espada.+
36 Inakala ng mga Benjaminita na matatalo ang mga lalaki ng Israel dahil umurong ang mga ito mula sa Benjamin,+ pero umurong ang mga lalaki ng Israel dahil may tiwala ang mga ito sa mga lalaking nakaabang sa palibot ng Gibeah at handang sumalakay.+ 37 Mabilis na sumalakay sa Gibeah ang mga lalaking nakaabang. Pagkatapos, kumalat sila sa buong lunsod at pinatay ang lahat ng naroon.
38 Ngayon, ang mga lalaki ng Israel ay may usapan na kapag nasalakay na ng mga lalaking nakaabang ang lunsod, magpapausok ang mga ito roon bilang hudyat.
39 Nang umurong ang mga Israelita sa pakikipaglaban, sumalakay ang mga lalaki ng Benjamin at nakapatay ng mga 30 lalaki ng Israel,+ at sinabi nila: “Natatalo na naman natin sila, gaya ng dati.”+ 40 Pero ang makapal na usok na nagsisilbing hudyat ay nagsimulang pumaitaas mula sa lunsod. Paglingon ng mga lalaki ng Benjamin, nakita nila ang usok na nanggagaling sa buong lunsod. 41 Hinarap sila ngayon ng mga lalaki ng Israel, at nanghina ang mga lalaki ng Benjamin nang makita nilang dumating na sa kanila ang kapahamakan. 42 Kaya umurong sila sa mga lalaki ng Israel at tumakas papunta sa ilang, pero hinabol sila ng mga lalaki ng Israel; tumulong din ang mga lalaking nagmula sa mga lunsod para pabagsakin sila. 43 Pinalibutan nila ang mga Benjaminita at hindi nilubayan ang pagtugis sa mga ito. Pinabagsak nila ang mga ito sa tapat mismo ng Gibeah sa gawing silangan. 44 Kaya 18,000 lalaki ng Benjamin ang namatay; lahat ng ito ay malalakas na mandirigma.+
45 Ang iba sa mga Benjaminita ay tumakas papunta sa ilang hanggang sa bundok ng Rimon.+ At 5,000 sa mga ito ang napatay ng mga Israelita sa mga lansangang-bayan, at patuloy nilang tinugis ang mga ito hanggang sa Gidom; kaya 2,000 lalaki pa ang napatay nila. 46 Ang lahat ng namatay sa Benjamin nang araw na iyon ay umabot nang 25,000 lalaking may espada;+ ang lahat ng ito ay malalakas na mandirigma. 47 Pero 600 ang tumakas papunta sa ilang hanggang sa bundok ng Rimon, at nanatili sila sa bundok ng Rimon nang apat na buwan.
48 At ang mga lalaki ng Israel ay bumalik sa Benjamin. Pinatay nila sa pamamagitan ng espada ang mga nasa lunsod, mula sa mga tao hanggang sa mga alagang hayop, ang lahat ng natira. Sinunog din nila ang lahat ng lunsod na dinaanan nila.