Unang Samuel
26 Nang maglaon, ang mga taga-Zip+ ay nagpunta kay Saul sa Gibeah+ at nagsabi: “Nagtatago si David sa burol ng Hakila sa tapat ng Jesimon.”*+ 2 Kaya nagpunta si Saul sa ilang ng Zip kasama ang 3,000 lalaking pinili niya sa Israel para hanapin si David sa ilang ng Zip.+ 3 Nagkampo si Saul sa burol ng Hakila, na nasa tapat ng Jesimon, sa tabi ng daan. Si David ay nakatira noon sa ilang, at nalaman niyang sinundan siya ni Saul sa ilang. 4 Kaya nagsugo si David ng mga espiya para tiyakin kung dumating nga si Saul. 5 Nang maglaon, nagpunta si David sa pinagkakampuhan ni Saul, at nakita ni David kung saan natutulog si Saul at ang anak ni Ner na si Abner,+ ang pinuno ng hukbo nito; natutulog si Saul sa loob ng kampo kasama ang mga tauhan niya na nakapalibot sa kaniya. 6 Pagkatapos ay sinabi ni David kay Ahimelec na Hiteo+ at kay Abisai+ na anak ni Zeruias+ at kapatid ni Joab: “Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?” Sumagot si Abisai: “Sasama ako sa iyo.” 7 Kinagabihan, sina David at Abisai ay nakapasok sa kampo, at nakita nila si Saul na natutulog doon at ang sibat niya ay nakatusok sa lupa sa may ulunan niya; si Abner at ang mga tauhan niya ay nakahiga sa palibot niya.
8 Sinabi ngayon ni Abisai kay David: “Isinuko ngayon ng Diyos sa iyong kamay ang kaaway mo.+ At ngayon, pakisuyo, hayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa nang isang beses lang, at hindi ko na iyon kailangang ulitin pa.” 9 Pero sinabi ni David kay Abisai: “Huwag mo siyang saktan, dahil sino ang makapananakit sa pinili* ni Jehova+ at mananatiling walang-sala?”+ 10 Sinabi pa ni David: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, si Jehova mismo ang mananakit sa kaniya,+ o darating ang araw niya+ at mamamatay siya, o makikipagdigma siya at mamamatay.+ 11 Hinding-hindi ko sasaktan ang pinili* ni Jehova dahil hindi malulugod si Jehova!+ Kaya pakisuyo, kunin mo ang sibat na nasa ulunan niya at ang banga ng tubig, at umalis na tayo.” 12 Kaya kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul, at umalis na sila. Walang nakakita+ o nakapansin sa kanila at walang nagising; tulóg silang lahat dahil pinatulog sila nang mahimbing ni Jehova. 13 Pagkatapos, tumawid si David sa kabilang panig at tumayo sa tuktok ng bundok; malayo ang agwat nila.
14 Sumigaw si David sa mga sundalo at kay Abner+ na anak ni Ner: “Sumagot ka, Abner!” Sumagot si Abner: “Sino kang nambubulahaw sa hari?” 15 Sinabi ni David kay Abner: “Hindi ba lalaki ka at wala kang katulad sa Israel? Bakit hindi mo binantayan ang panginoon mong hari? May isang sundalo na pumasok sa kampo para patayin ang panginoon mong hari.+ 16 Hindi maganda ang ginawa mo. Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova, dapat kayong mamatay, dahil hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinili* ni Jehova.+ Tumingin kayo sa paligid! Nasaan ang sibat ng hari at ang banga ng tubig+ na nasa ulunan niya?”
17 Nakilala ni Saul ang boses ni David at sinabi: “Ikaw ba iyan, David, anak ko?”+ Sumagot si David: “Ako nga, panginoon kong hari.” 18 Sinabi pa niya: “Bakit hinahabol ng panginoon ko ang kaniyang lingkod?+ Ano ba ang nagawa ko? Ano ba ang kasalanan ko?+ 19 Panginoon kong hari, pakisuyo, makinig ka sa iyong lingkod: Kung si Jehova ang nag-udyok sa iyo na usigin ako, tanggapin* nawa niya ang handog kong mga butil. Pero kung mga tao ang nag-udyok sa iyo,+ paparusahan sila ni Jehova, dahil itinaboy nila ako ngayon mula sa mana ni Jehova,+ na sinasabi, ‘Umalis ka, maglingkod ka sa ibang mga diyos!’ 20 At ngayon, huwag mong hayaang tumulo ang dugo ko sa lupa na malayo sa harap ni Jehova, dahil ang hari ng Israel ay lumabas para hanapin ang isang pulgas,+ na para bang humahabol ng ibong perdis* sa kabundukan.”
21 Sinabi naman ni Saul: “Nagkasala ako.+ Bumalik ka na, David, anak ko, dahil hindi na kita sasaktan. Itinuring mong mahalaga ang buhay ko+ sa araw na ito. Oo, kumilos ako nang may kamangmangan at nakagawa ng malubhang pagkakamali.” 22 Sumagot si David: “Heto ang sibat ng hari. Papuntahin mo rito ang isa sa mga tauhan mo para kunin ito. 23 Si Jehova ang magbibigay ng gantimpala sa bawat taong matuwid+ at tapat. Ibinigay ka ni Jehova ngayon sa kamay ko, pero ayokong saktan ang pinili* ni Jehova.+ 24 Kung paanong naging mahalaga sa akin ang buhay mo sa araw na ito, maging mahalaga nawa ang buhay ko sa paningin ni Jehova, at iligtas niya nawa ako mula sa lahat ng kagipitan.”+ 25 Sinabi naman ni Saul kay David: “Pagpalain ka nawa, David, anak ko. Tiyak na gagawa ka ng kahanga-hangang mga bagay, at tiyak na magtatagumpay ka.”+ Pagkatapos, umalis na si David, at umuwi naman si Saul.+