Ikalawang Samuel
17 Pagkatapos, sinabi ni Ahitopel kay Absalom: “Hayaan mo akong pumili ng 12,000 lalaki at hahabulin ko si David ngayong gabi. 2 Lulusubin ko siya habang pagod siya at walang lakas,*+ at gugulantangin ko siya; at tatakas ang lahat ng kasama niya, at ang hari lang ang papatayin ko.+ 3 Pagkatapos, ibabalik ko sa iyo ang buong bayan. Ang pagbabalik ng buong bayan ay nakadepende sa mangyayari sa lalaking hinahanap mo. At ang buong bayan ay magiging payapa.” 4 Nagustuhan ni Absalom at ng lahat ng matatandang lalaki ng Israel ang mungkahi.
5 Pero sinabi ni Absalom: “Pakisuyong tawagin din si Husai+ na Arkita, at pakinggan natin ang sasabihin niya.” 6 Kaya humarap si Husai kay Absalom. Pagkatapos, sinabi ni Absalom sa kaniya: “Ito ang ipinayo ni Ahitopel. Susundin ba natin ang payo niya? Kung hindi, sabihin mo sa amin.” 7 Sinabi ni Husai kay Absalom: “Sa pagkakataong ito, hindi maganda ang payo ni Ahitopel!”+
8 Sinabi pa ni Husai: “Alam na alam mong malakas ang iyong ama at ang mga tauhan niya,+ at mga desperado silang gaya ng oso na nawalan ng mga anak sa parang.+ Isa pa, mandirigma ang iyong ama,+ at hindi siya magpapalipas ng gabi kasama ng bayan. 9 Sa mga sandaling ito, nagtatago siya sa isa sa mga kuweba* o sa ibang lugar;+ at kung mauuna siyang sumalakay, sasabihin ng mga makaririnig nito, ‘Natalo ang mga sumusunod kay Absalom!’ 10 Kahit ang matapang na lalaki na ang puso ay gaya ng puso ng leon+ ay tiyak na manlalambot sa takot, dahil alam ng buong Israel na ang iyong ama ay isang malakas na mandirigma+ at matatapang ang mga tauhan niya. 11 Ito ang payo ko: Tipunin mo ang buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba,+ na sindami ng mga butil ng buhangin sa tabi ng dagat,+ at ikaw ang manguna sa kanila sa labanan. 12 Lalabanan natin siya saanman siya naroon, at sasalakayin natin siya gaya ng pagbagsak ng hamog sa lupa; at walang isa man sa kanila ang makaliligtas, siya o sinuman sa mga tauhan niya. 13 Kung tatakas siya papunta sa isang lunsod, ang buong Israel ay magdadala ng mga lubid sa lunsod na iyon, at kakaladkarin natin iyon papunta sa lambak, hanggang sa wala nang matira kahit isang maliit na bato.”
14 Sinabi ni Absalom at ng lahat ng lalaki ng Israel: “Mas maganda ang payo ni Husai na Arkita+ kaysa sa payo ni Ahitopel!” Dahil ipinasiya* ni Jehova na biguin ang magandang plano ni Ahitopel,+ para makapagdulot si Jehova ng kapahamakan kay Absalom.+
15 Nang maglaon, sinabi ni Husai sa mga saserdoteng sina Zadok at Abiatar:+ “Ganito ang ipinayo ni Ahitopel kay Absalom at sa matatandang lalaki ng Israel, at ganito naman ang ipinayo ko. 16 Magpadala agad kayo ng mensahe kay David para babalaan siya, ‘Huwag kang manatili sa mga tawiran* sa ilang ngayong gabi; tumawid ka, dahil baka malipol* ang hari at ang lahat ng kasama niya.’”+
17 Sina Jonatan+ at Ahimaas+ ay nanatili sa En-rogel+ dahil ayaw nilang mangahas na pumasok sa lunsod at makita ng mga tao; kaya isang lingkod na babae ang pumunta at nagbalita sa kanila, at sila naman ang nagbalita kay Haring David. 18 Pero isang lalaki ang nakakita sa kanila at nagsumbong kay Absalom. Kaya silang dalawa ay agad na umalis at pumunta sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim,+ na may balon sa bakuran. Bumaba sila roon, 19 at ang asawa ng lalaki ay naglagay ng pantabing sa ibabaw ng balon at nagbunton doon ng dinurog na butil; walang nakaaalam nito. 20 Ang mga lingkod ni Absalom ay pumunta sa babae sa bahay nito at nagtanong: “Nasaan si Ahimaas at si Jonatan?” Sumagot ang babae: “Dumaan sila rito papunta sa ilog.”+ Hinanap sila ng mga lalaki pero hindi sila nakita, kaya bumalik ang mga ito sa Jerusalem.
21 Pagkaalis ng mga lalaki, umahon sila sa balon at pumunta kay Haring David para magbalita. Sinabi nila sa kaniya: “Umalis kayo at tumawid agad sa ilog, dahil may ipinayo si Ahitopel na pakana laban sa inyo.”+ 22 Agad na umalis si David at ang lahat ng kasama niya at tumawid sila sa Jordan. Nang magbukang-liwayway, lahat sila ay nasa kabilang ibayo na ng Jordan.
23 Nang makita ni Ahitopel na hindi sinunod ang ipinayo niya, inihanda niya ang asno niya at umuwi sa kaniyang bahay sa sarili niyang bayan.+ Matapos pagbilinan ang sambahayan niya,+ nagbigti siya.+ Kaya namatay siya at inilibing sa libingan ng kaniyang mga ninuno.
24 Samantala, pumunta si David sa Mahanaim.+ Si Absalom naman at ang mga tagasunod niya sa Israel ay tumawid ng Jordan. 25 Hinirang ni Absalom si Amasa+ bilang pinuno ng hukbo kapalit ni Joab;+ si Amasa ay anak ng isang lalaking Israelita na si Itra, na sumiping kay Abigail+ na anak ni Nahas at kapatid ni Zeruias, ang ina ni Joab. 26 Ang mga Israelita at si Absalom ay nagkampo sa lupain ng Gilead.+
27 Pagdating ni David sa Mahanaim, si Sobi na anak ni Nahas mula sa Raba+ ng mga Ammonita, si Makir+ na anak ni Amiel mula sa Lo-debar, at si Barzilai+ na Gileadita mula sa Rogelim 28 ay nagdala ng mga higaan, mangkok, palayok, trigo, sebada, harina, binusang butil, habas,* lentehas, sinangag na butil, 29 pulot-pukyutan, mantikilya, tupa, at keso.* Inilabas nila ang lahat ng ito para may makain si David at ang mga kasama niya,+ dahil ang sabi nila: “Nagutom sila, napagod, at nauhaw sa ilang.”+