Levitico
24 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Utusan mo ang mga Israelita na magdala sa iyo ng purong langis mula sa napigang olibo para sa mga ilawan nang hindi mamatay ang apoy ng mga ito.+ 3 Sa labas ng kurtina ng Patotoo sa tolda ng pagpupulong, titiyakin ni Aaron na laging may sindi ang mga ilawan sa harap ni Jehova mula gabi hanggang umaga. Mananatili ang batas na ito na kailangang sundin ng lahat ng henerasyon ninyo. 4 Lagi niyang titiyakin na maayos ang mga ilawan sa kandelero+ na yari sa purong ginto sa harap ni Jehova.
5 “Kumuha ka ng magandang klase ng harina at gumawa ng 12 tinapay na hugis-singsing. Dalawang-ikasampu ng isang epa* ang gagamitin para sa bawat tinapay. 6 Hatiin mo ang mga ito sa dalawang salansan, na may tig-anim na magkakapatong na tinapay.+ Ilagay mo ang mga ito sa ibabaw ng mesa na yari sa purong ginto sa harap ni Jehova.+ 7 Lagyan mo ng purong olibano ang ibabaw ng bawat salansan, at magsisilbi itong alaalang handog* para sa tinapay,+ isang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy. 8 Palagi niyang aayusin iyon sa harap ni Jehova sa bawat araw ng Sabbath.+ Ito ay isang tipan sa mga Israelita hanggang sa panahong walang takda. 9 Mapupunta iyon kay Aaron at sa mga anak niya,+ at kakainin nila iyon sa isang banal na lugar,+ dahil iyon ay kabanal-banalang bagay para sa kaniya mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy; ito ay isang tuntunin hanggang sa panahong walang takda.”
10 Sa gitna ng mga Israelita ay may isang lalaki na anak ng isang babaeng Israelita at lalaking Ehipsiyo,+ at nag-away sila ng isang lalaking Israelita sa kampo. 11 Nilapastangan ng anak ng babaeng Israelita ang Pangalan* at isinumpa iyon.+ Kaya dinala nila siya kay Moises.+ At ang pangalan ng kaniyang ina ay Selomit, na anak ni Dibri ng tribo ni Dan. 12 Hindi nila siya hinayaang umalis hanggang sa maging malinaw sa kanila ang desisyon ni Jehova.+
13 At sinabi ni Jehova kay Moises: 14 “Ilabas ninyo sa kampo ang sumumpa, at ang lahat ng nakarinig sa kaniya ay magpapatong ng mga kamay nila sa ulo niya, at dapat siyang batuhin ng buong kapulungan.+ 15 At dapat mong sabihin sa mga Israelita, ‘Kung isumpa ng sinuman ang kaniyang Diyos, mananagot siya sa kasalanan niya. 16 Kaya ang lumalapastangan sa pangalan ni Jehova ay dapat patayin.+ Dapat siyang batuhin ng buong kapulungan. Ang dayuhang naninirahang kasama ninyo na lumapastangan sa Pangalan ay dapat patayin gaya rin ng katutubo.
17 “‘Kung ang isang tao ay pumatay ng isang tao,* dapat siyang patayin.+ 18 Sinumang manakit at pumatay ng isang alagang hayop* ay dapat magbayad, buhay para sa buhay.* 19 Kung pinsalain ng isang tao ang kapuwa niya, gagawin sa kaniya kung ano ang ginawa niya rito.+ 20 Bali para sa bali, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, anumang pinsala ang idinulot niya sa kapuwa niya ay gagawin din sa kaniya.+ 21 Kung manakit at pumatay ng hayop ang isang tao, dapat siyang magbayad para dito.+ Pero kung manakit at pumatay siya ng isang tao, dapat siyang patayin.+
22 “‘Iisang hudisyal na pasiya ang susundin ng katutubo at ng dayuhang naninirahang kasama ninyo,+ dahil ako ang Diyos ninyong si Jehova.’”
23 Pagkatapos, kinausap ni Moises ang mga Israelita, at inilabas nila sa kampo ang sumumpa at binato ito.+ Kaya ginawa ng mga Israelita ang iniutos ni Jehova kay Moises.