Mga Bilang
27 At lumapit ang mga anak na babae ni Zelopehad,+ na anak ni Heper, na anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, na mula sa mga pamilya ni Manases na anak ni Jose. Ang mga anak niya ay sina Maala, Noa, Hogla, Milca, at Tirza. 2 Humarap sila kay Moises, kay Eleazar na saserdote, sa mga pinuno,+ at sa buong kapulungan sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, at sinabi nila: 3 “Namatay ang ama namin sa ilang, pero hindi siya kasama sa grupong nagrebelde kay Jehova, ang mga tagasuporta ni Kora;+ namatay siya dahil sa sarili niyang kasalanan at wala siyang mga anak na lalaki. 4 Bakit mawawala ang pangalan ng ama namin mula sa pamilya niya dahil lang sa wala siyang anak na lalaki? Bigyan ninyo kami ng pag-aari kasama ng mga kapatid ng ama namin.” 5 Kaya dinala ni Moises ang usapin nila sa harap ni Jehova.+
6 Sinabi ni Jehova kay Moises: 7 “Tama ang mga anak na babae ni Zelopehad. Dapat mo nga silang bigyan ng pag-aari bilang mana nila kasama ng mga kapatid ng kanilang ama, at ibigay mo sa kanila ang mana ng ama nila.+ 8 At sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung mamatay ang isang tao nang walang anak na lalaki, ibigay ninyo sa anak niyang babae ang kaniyang mana. 9 Kung wala siyang anak na babae, ibigay ninyo sa mga kapatid niya ang kaniyang mana. 10 Kung wala siyang kapatid, ibigay ninyo sa mga kapatid ng ama niya ang kaniyang mana. 11 At kung walang kapatid ang ama niya, ibigay ninyo sa pinakamalapit niyang kadugo ang kaniyang mana, at iyon ay magiging pag-aari nito. Ito ay isang batas batay sa hudisyal na pasiya para sa mga Israelita, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.’”
12 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Umakyat ka sa bundok na ito ng Abarim,+ at tingnan mo ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita.+ 13 Kapag nakita mo na iyon, mamamatay ka at ililibing gaya ng mga ninuno mo,*+ gaya rin ng kapatid mong si Aaron,+ 14 dahil nang makipag-away sa akin ang bayan sa ilang ng Zin, hindi mo sinunod ang utos ko sa iyo na pabanalin ako sa pamamagitan ng tubig.+ Ito ang tubig ng Meriba+ sa Kades+ sa ilang ng Zin.”+
15 Sinabi ni Moises kay Jehova: 16 “Mag-atas nawa si Jehova, ang Diyos na nagbibigay ng buhay* sa lahat ng tao, ng isang lalaki para sa bayan 17 na mangunguna sa kanila sa lahat ng bagay at susundin nila sa lahat ng bagay, para hindi maging tulad ng mga tupang walang pastol ang bayan ni Jehova.” 18 Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Tawagin mo si Josue na anak ni Nun, isang lalaking may kakayahan,* at ipatong mo sa kaniya ang kamay mo.+ 19 At patayuin mo siya sa harap ni Eleazar na saserdote at ng buong bayan, at atasan mo siya sa harap nila.+ 20 Ibahagi mo sa kaniya ang awtoridad* mo+ para pakinggan siya ng buong bayan ng Israel.+ 21 Tatayo siya sa harap ni Eleazar na saserdote, na siya namang sasangguni kay Jehova para sa kaniya gamit ang Urim,+ para malaman ang desisyon ng Diyos. Kapag binigyan sila ng utos, susunod siya at ang lahat ng Israelita, ang buong bayan.”
22 At ginawa ni Moises ang iniutos ni Jehova sa kaniya. Pinatayo niya si Josue sa harap ni Eleazar na saserdote at ng buong bayan, 23 at ipinatong niya rito ang mga kamay niya at inatasan ito,+ gaya ng sinabi ni Jehova kay Moises.+