Nehemias
1 Ang mga salita ni Nehemias*+ na anak ni Hacalias: Noong ika-20 taon, buwan ng Kislev,* ako ay nasa palasyo* ng Susan.*+ 2 At dumating si Hanani,+ na isa sa mga kapatid ko, kasama ang iba pang lalaki mula sa Juda. Tinanong ko sila tungkol sa mga Judiong nakaligtas sa pagkabihag+ at tungkol sa Jerusalem. 3 Sumagot sila: “Kaawa-awa at kahiya-hiya ang kalagayan ng mga nasa nasasakupang distrito* na nakaligtas sa pagkabihag.+ Giba ang mga pader ng Jerusalem,+ at nasunog ang mga pintuang-daan nito.”+
4 Nang marinig ko ito, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno,*+ at nanalangin sa Diyos ng langit. 5 Sinabi ko: “O Jehova, ang Diyos ng langit, ang Diyos na dakila at kahanga-hanga,* na tumutupad sa kaniyang tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga nagmamahal sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya,+ 6 pakisuyo, pakinggan mo nawa at bigyang-pansin ang panalangin sa iyo ngayon ng iyong lingkod. Araw at gabi,+ nananalangin ako may kinalaman sa iyong mga lingkod na Israelita at sa mga kasalanan sa iyo ng bayang Israel. Nagkasala kami, ako at ang sambahayan ng aking ama.+ 7 Talagang nagkasala kami sa iyo+ dahil hindi namin sinunod ang mga utos, tuntunin, at desisyon* na ibinigay mo sa lingkod mong si Moises.+
8 “Pakisuyo, alalahanin mo ang sinabi* mo sa lingkod mong si Moises: ‘Kung hindi kayo magiging tapat, pangangalatin ko kayo sa mga bansa.+ 9 Pero kung manunumbalik kayo sa akin at susunod sa mga utos ko, kahit pa mangalat kayo hanggang sa dulo ng lupa, titipunin ko kayo+ at dadalhin sa lugar na pinili ko para doon maluwalhati ang pangalan ko.’+ 10 Sila ay iyong mga lingkod at iyong bayan, na tinubos mo sa pamamagitan ng iyong malakas na kapangyarihan at kamay.+ 11 O Jehova, pakisuyo, pakinggan mo* ang panalangin ng iyong lingkod at ang panalangin ng iyong mga lingkod na natatakot* sa pangalan mo, at pakisuyo, pagpalain mo ngayon ang iyong lingkod, at magpakita sana ng awa sa akin ang hari.”+
Ako noon ay katiwala ng kopa ng hari.+