Ayon kay Marcos
11 Nang malapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at Betania+ sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa mga alagad niya+ 2 at sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at pagdating doon, may makikita kayong isang bisiro na nakatali at hindi pa nasasakyan ng sinuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 At kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo ginagawa iyan?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon; ibabalik din ito kaagad.’” 4 Kaya umalis sila at nakita ang bisiro na nakatali sa harap ng pintuan ng isang bahay sa tabi ng daan, at kinalagan nila ito.+ 5 Pero tinanong sila ng ilang taong nakatayo roon: “Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?” 6 Sinabi nila sa mga ito ang sinabi ni Jesus, at hinayaan nila silang makaalis.
7 At dinala nila kay Jesus ang bisiro,+ at ipinatong nila rito ang mga balabal nila, at sinakyan niya ito.+ 8 Inilatag din ng maraming tao ang mga balabal nila sa daan.+ Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga* mula sa bukid.+ 9 At ang mga taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kaniya ay patuloy na sumisigaw: “Iligtas nawa siya!+ Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova!+ 10 Pinagpala ang dumarating na Kaharian ng ama nating si David!+ Iligtas nawa siya, ang dalangin namin sa langit!” 11 At pumasok siya sa Jerusalem, sa templo, at tumingin siya sa buong palibot. Pero dahil gumagabi na, pumunta siya sa Betania kasama ang 12 apostol.+
12 Kinabukasan, nang paalis sila sa Betania, nagutom siya.+ 13 Nakita niya mula sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, at lumapit siya para tingnan kung may bunga iyon. Pero pagdating doon, wala siyang nakita kundi mga dahon, dahil hindi pa panahon ng igos. 14 Kaya sinabi niya rito: “Mula ngayon, wala nang kakain ng bunga mula sa iyo.”+ At narinig iyon ng mga alagad niya.
15 Nakarating sila sa Jerusalem. Pumasok siya sa templo at pinalayas ang mga nagtitinda at bumibili sa templo, at itinaob niya ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati,+ 16 at hindi niya pinayagan ang sinuman na may dalang kagamitan na gawing daanan ang templo. 17 Tinuruan niya sila. Sinabi niya: “Hindi ba nasusulat, ‘Ang bahay ko ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng bansa’?+ Pero ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”+ 18 Narinig ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at nagsimula silang maghanap ng paraan kung paano siya papatayin+ dahil natatakot sila sa kaniya. Namamangha kasi ang mga tao sa turo niya.+
19 Nang gumagabi na, umalis sila sa lunsod. 20 Pero kinaumagahan, habang naglalakbay sila sa daan, nakita nila ang puno ng igos na tuyot na mula sa mga ugat nito.+ 21 Naalaala ito ni Pedro, kaya sinabi niya kay Jesus: “Rabbi, tingnan mo! Tuyot na ang puno ng igos na isinumpa mo.”+ 22 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Manampalataya kayo sa Diyos. 23 Sinasabi ko sa inyo na sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Umangat ka at mahulog sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa puso niya kundi nananampalataya na ang sinasabi niya ay mangyayari, mangyayari iyon.+ 24 Kaya sinasabi ko sa inyo, lahat ng bagay na ipinapanalangin ninyo at hinihiling, manampalataya kayong tinanggap na ninyo iyon, at tatanggapin ninyo iyon.+ 25 At kapag kayo ay nakatayong nananalangin, patawarin ninyo ang anumang kasalanang nagawa sa inyo ng iba, para patawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit sa mga pagkakamali ninyo.”+ 26 ——
27 Muli silang nakarating sa Jerusalem. At habang naglalakad siya sa templo, ang mga punong saserdote at mga eskriba at matatandang lalaki ay lumapit sa kaniya 28 at nagsabi: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga ito?”+ 29 Sinabi ni Jesus sa kanila: “May itatanong ako sa inyo. Sagutin ninyo ako, at sasabihin ko sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito. 30 Ang awtoridad ba ni Juan na magbautismo+ ay galing sa langit o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”+ 31 Kaya nag-usap-usap sila: “Kung sasabihin natin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’ 32 Pero maglalakas-loob ba tayong sabihing ‘Sa mga tao’?” Natatakot sila sa mga tao dahil lahat ng ito ay naniniwalang talagang propeta si Juan.+ 33 Kaya sumagot sila kay Jesus: “Hindi namin alam.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito.”