Ezekiel
18 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2 “Ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito na ginagamit ninyo sa Israel, ‘Ang mga ama ang kumain ng hilaw na ubas, pero ang ngipin ng mga anak ang nangingilo’?+
3 “‘Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘hindi na ninyo gagamitin ang kasabihang ito sa Israel. 4 Ang lahat ng buhay*—akin ang mga iyon. Sa akin ang buhay ng ama at ng anak. Ang taong* nagkakasala ang siyang mamamatay.
5 “‘Ipagpalagay nang matuwid ang isang tao at ginagawa niya kung ano ang makatarungan at tama. 6 Hindi siya kumakain ng mga inihain sa idolo sa mga bundok;+ hindi siya umaasa sa karima-rimarim na mga idolo* ng sambahayan ng Israel; hindi niya dinurungisan ang asawa ng kapuwa niya+ at hindi siya nakikipagtalik sa babaeng nireregla;+ 7 wala siyang inaapi,+ kundi ibinabalik niya sa may utang ang panagot na ibinigay nito;+ hindi siya nagnanakaw,+ kundi ibinibigay niya sa gutom ang sarili niyang pagkain+ at binibigyan ng damit ang hubad;+ 8 hindi siya nagpapatong ng tubo at hindi niya pinagkakakitaan ang mga may utang+—iniiwasan niyang maging di-makatarungan;+ patas siya kapag humatol sa pagitan ng dalawang tao;+ 9 at patuloy niyang sinusunod ang mga batas ko at isinasagawa ang aking mga hudisyal na pasiya para maging tapat siya. Matuwid ang taong iyon at patuloy siyang mabubuhay,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
10 “‘Pero kung ang ama ay nagkaanak ng isang magnanakaw+ o mamamatay-tao+ o gumagawa ng anumang katulad ng mga ito 11 (kahit hindi ginawa ng ama ang alinman sa mga bagay na ito)—kumakain siya ng inihain sa mga idolo sa mga bundok, dinurungisan niya ang asawa ng kapuwa niya, 12 inaapi niya ang mga nangangailangan at mahihirap,+ nagnanakaw siya, hindi niya ibinabalik ang panagot, umaasa siya sa karima-rimarim na mga idolo,+ gumagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay,+ 13 pinagkakakitaan ang mga may utang at nagpapatong ng tubo+—hindi mananatiling buháy ang anak. Tiyak na papatayin siya dahil sa lahat ng ginawa niyang kasuklam-suklam na bagay. Siya ang dahilan ng sarili niyang kamatayan.*
14 “‘Pero ipagpalagay nang ang isang ama ay may anak na nakakakita sa lahat ng ginagawa niyang kasalanan, pero hindi ginawa ng anak ang mga bagay na iyon. 15 Ang anak ay hindi kumakain ng mga inihain sa idolo sa mga bundok; hindi siya umaasa sa karima-rimarim na mga idolo ng sambahayan ng Israel; hindi niya dinurungisan ang asawa ng kapuwa niya; 16 wala siyang inaapi; hindi niya sapilitang kinukuha ang panagot; hindi siya nagnanakaw; ibinibigay niya sa gutom ang sarili niyang pagkain at binibigyan ng damit ang hubad; 17 hindi niya pinahihirapan ang dukha; hindi niya pinagkakakitaan ang mga may utang at hindi siya nagpapatong ng tubo; at isinasagawa niya ang aking mga hudisyal na pasiya at sinusunod ang mga batas ko. Ang taong iyon ay hindi mamamatay dahil sa kasalanan ng kaniyang ama. Patuloy siyang mabubuhay. 18 Pero dahil ang kaniyang ama ay nandaraya, nagnanakaw sa kapatid, at gumagawa ng masama sa gitna ng bayan nito, mamamatay ito dahil sa sarili nitong kasalanan.
19 “‘Pero sasabihin ninyo: “Bakit hindi pagbabayaran ng anak ang kasalanan ng ama niya?” Ginawa ng anak kung ano ang makatarungan at matuwid at sinunod niya ang lahat ng batas ko, kaya patuloy siyang mabubuhay.+ 20 Ang taong* nagkakasala ang siyang mamamatay.+ Hindi pagbabayaran ng anak ang kasalanan ng ama, at hindi pagbabayaran ng ama ang kasalanan ng anak. Ang matuwid ay hahatulan batay sa sarili niyang katuwiran, at ang masama ay hahatulan batay sa sarili niyang kasamaan.+
21 “‘Pero kapag tinalikuran ng masama ang lahat ng ginagawa niyang kasalanan at sinunod ang mga batas ko at ginawa kung ano ang makatarungan at matuwid, tiyak na patuloy siyang mabubuhay. Hindi siya mamamatay.+ 22 Hindi gagamitin laban sa kaniya* ang alinman sa nagawa niyang kasalanan.+ Patuloy siyang mabubuhay dahil sa paggawa ng matuwid.’+
23 “‘Natutuwa ba ako kapag namatay ang masama?’+ ang sabi ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova. ‘Hindi ba mas gusto kong talikuran niya ang kaniyang landasin at patuloy siyang mabuhay?’+
24 “‘Pero kapag tinalikuran ng matuwid ang pagiging matuwid niya at ginawa ang mali,* ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa ng masama, patuloy ba siyang mabubuhay? Hindi aalalahanin ang alinman sa mga ginawa niyang matuwid.+ Mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at pagiging di-tapat.+
25 “‘Pero sasabihin ninyo: “Hindi makatarungan ang daan ni Jehova.”+ Pakisuyo, makinig kayo, O sambahayan ng Israel. Ang daan ko ba ang hindi makatarungan?+ O ang daan ninyo ang hindi makatarungan?+
26 “‘Kapag tinalikuran ng matuwid ang pagiging matuwid niya at ginawa ang mali at namatay siya dahil dito, namatay siya dahil sa sarili niyang kasalanan.
27 “‘At kapag tinalikuran ng masama ang kaniyang kasamaan at sinimulan niyang gawin kung ano ang makatarungan at matuwid, maiingatan niyang buháy ang sarili niya.+ 28 Kapag nakapag-isip-isip siya at itinigil niya ang lahat ng ginagawa niyang kasalanan, tiyak na patuloy siyang mabubuhay. Hindi siya mamamatay.
29 “‘Pero sasabihin ng sambahayan ng Israel: “Hindi makatarungan ang daan ni Jehova.” O sambahayan ng Israel, ang daan ko ba talaga ang hindi makatarungan?+ O ang daan ninyo ang hindi makatarungan?’
30 “‘Kaya hahatulan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa kaniyang landasin,+ O sambahayan ng Israel,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Talikuran ninyo ang lahat ng ginagawa ninyong kasalanan, oo, lubusan ninyo itong talikuran para hindi ito maging katitisuran na magdadala ng parusa sa inyo. 31 Itigil ninyo ang lahat ng ginagawa ninyong kasalanan+ at baguhin ninyo ang inyong puso at kaisipan,*+ dahil bakit kailangan ninyong mamatay,+ O sambahayan ng Israel?’
32 “‘Hindi ako natutuwa sa kamatayan ng sinuman,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Kaya manumbalik kayo at patuloy na mabuhay.’”+