Deuteronomio
29 Ito ang iniutos ni Jehova kay Moises na ipakipagtipan sa mga Israelita sa lupain ng Moab, bukod pa sa ipinakipagtipan niya sa kanila sa Horeb.+
2 Kaya tinipon ni Moises ang buong Israel at sinabi: “Nakita ninyo mismo ang lahat ng ginawa ni Jehova sa Ehipto, sa Paraon at sa lahat ng lingkod niya at sa buong lupain niya,+ 3 ang matitinding hatol* na nakita ninyo mismo, ang kamangha-manghang mga tanda at himalang iyon.+ 4 Pero hindi kayo binigyan ni Jehova ng pusong nakauunawa at mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig hanggang sa araw na ito.+ 5 ‘Habang inaakay ko kayo sa ilang sa loob ng 40 taon,+ hindi naluma ang mga damit at sandalyas ninyo.+ 6 Hindi kayo kumain ng tinapay at uminom ng alak o anumang inuming de-alkohol para malaman ninyo na ako ang Diyos ninyong si Jehova.’ 7 Nang maglaon, nakarating kayo sa lugar na ito, at nakipagdigma sa atin si Sihon na hari ng Hesbon+ at si Og na hari ng Basan,+ pero natalo natin sila.+ 8 Pagkatapos, kinuha natin ang lupain nila at ibinigay iyon bilang mana sa mga Rubenita, Gadita, at sa kalahati ng tribo ng mga Manasita.+ 9 Kaya tuparin ninyo at sundin ang mga salita sa tipang ito para magtagumpay ang lahat ng gagawin ninyo.+
10 “Kayong lahat ay nakatayo ngayon sa harap ng Diyos ninyong si Jehova—ang mga pinuno ng inyong mga tribo, matatandang lalaki, mga opisyal, bawat lalaki sa Israel, 11 ang inyong mga anak, asawa,+ at dayuhang naninirahan+ sa kampo ninyo, mula sa tagakuha ninyo ng kahoy hanggang sa tagaigib ng tubig. 12 Narito kayo para tanggapin ang pakikipagtipan ng Diyos ninyong si Jehova na pinagtibay ng Diyos ninyong si Jehova sa pamamagitan ng panunumpa,+ 13 para kayo ngayon ay maging bayan niya+ at siya ang maging Diyos ninyo,+ gaya ng ipinangako niya sa inyo at gaya ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno na sina Abraham,+ Isaac,+ at Jacob.+
14 “Ang pakikipagtipan at panunumpa kong ito ay hindi lang para sa inyo, 15 kundi para sa lahat ng nakatayong kasama natin ngayon sa harap ng Diyos nating si Jehova at sa mga hindi natin kasama ngayon. 16 (Dahil alam na alam ninyo ang naging buhay natin sa Ehipto at ang paglalakbay natin sa gitna ng iba’t ibang bansa.+ 17 At nakikita ninyo noon sa gitna nila ang kanilang kasuklam-suklam na mga bagay at nakapandidiring mga idolo*+ na gawa sa kahoy at bato at sa pilak at ginto.) 18 Mag-ingat kayo para hindi magkaroon ng isang lalaki o babae o isang pamilya o tribo sa gitna ninyo ngayon na tumalikod* sa Diyos ninyong si Jehova at naglingkod sa mga diyos ng mga bansang iyon,+ para hindi magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na pagmumulan ng nakalalasong bunga at ahenho.+
19 “Kung narinig ng isang tao ang panunumpang ito at ipinagmayabang pa rin niya sa kaniyang sarili, ‘Magtatagumpay ako kahit sundin ko ang kagustuhan* ko,’ at nagdala siya ng kapahamakan sa lahat,* 20 hindi siya patatawarin ni Jehova.+ Lalagablab ang matinding galit ni Jehova sa taong iyon, at ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito ay mapapasakaniya,+ at buburahin ni Jehova ang pangalan niya sa ibabaw ng lupa.* 21 At ibubukod siya ni Jehova mula sa lahat ng tribo ng Israel para ipahamak siya, kaayon ng lahat ng sumpang nasa tipan, na nakasulat sa aklat na ito ng Kautusan.
22 “Kapag nakita ng susunod na henerasyon ng inyong mga anak at ng dayuhan mula sa malayong lupain ang mga salot sa lupain, ang mga kapahamakang pinasapit dito ni Jehova— 23 asupre at asin at apoy, kung kaya hindi na matatamnan o tutubuan ng anumang pananim ang buong lupain, gaya ng pagwasak sa Sodoma at Gomorra+ at Adma at Zeboiim,+ na winasak ni Jehova dahil sa kaniyang galit at poot— 24 sasabihin nila at ng lahat ng bansa, ‘Bakit ito ginawa ni Jehova sa lupaing ito?+ Bakit napakatindi ng galit niya?’ 25 At sasabihin nila, ‘Dahil iniwan nila ang tipan ni Jehova,+ na Diyos ng kanilang mga ninuno, na ipinakipagtipan niya sa kanila nang ilabas niya sila sa Ehipto.+ 26 Naglingkod sila at yumukod sa ibang mga diyos, mga diyos na hindi nila kilala at ipinagbawal niyang sambahin nila.*+ 27 Kaya lumagablab ang galit ni Jehova sa lupaing iyon at pinasapit doon ang buong sumpa na nakasulat sa aklat na ito.+ 28 Kaya dahil sa galit, pagngangalit, at matinding poot ni Jehova, binunot niya sila mula sa kanilang lupain+ at itinapon sa ibang lupain, kung nasaan sila ngayon.’+
29 “Alam ng Diyos nating si Jehova ang lahat ng lihim,+ pero may mga bagay na isiniwalat at ipinagkatiwala sa atin at sa mga inapo natin magpakailanman, para masunod natin ang lahat ng salita sa Kautusang ito.+