Josue
24 At tinipon ni Josue sa Sikem ang lahat ng tribo ng Israel at ipinatawag ang matatandang lalaki ng Israel, ang mga ulo nito, ang mga hukom nito, at ang mga opisyal nito,+ at tumayo sila sa harap ng tunay na Diyos. 2 Sinabi ni Josue sa buong bayan: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Sa kabilang ibayo ng Ilog* nakatira noon+ ang inyong mga ninuno+—si Tera na ama nina Abraham at Nahor—at dati silang naglilingkod sa ibang mga diyos.+
3 “‘Pero kinuha ko ang inyong ninunong si Abraham+ mula sa kabilang ibayo ng Ilog* at pinalakad ko siya sa buong lupain ng Canaan at pinarami ang kaniyang mga supling.*+ Ibinigay ko sa kaniya si Isaac.+ 4 Pagkatapos ay ibinigay ko kay Isaac sina Jacob at Esau.+ At ibinigay ko kay Esau ang Bundok Seir;+ at si Jacob at ang mga anak niya ay bumaba sa Ehipto.+ 5 Pagkatapos, isinugo ko sina Moises at Aaron,+ at pinasapitan ko ng mga salot ang Ehipto;+ at saka ko kayo inilabas doon. 6 Nang inilalabas ko ang inyong mga ama mula sa Ehipto+ at nakarating kayo sa dagat, ang inyong mga ama ay hinabol ng mga Ehipsiyo na may mga karwaheng pandigma at mga kabalyero hanggang sa Dagat na Pula.+ 7 Nagsimula silang humingi ng tulong kay Jehova,+ kaya naglagay siya ng kadiliman sa pagitan ninyo at ng mga Ehipsiyo at itinabon niya sa kanila ang dagat at tinakpan sila,+ at nakita ng sarili ninyong mga mata kung ano ang ginawa ko sa Ehipto.+ At tumira kayo sa ilang nang maraming taon.*+
8 “‘At dinala ko kayo sa lupain ng mga Amorita na nakatira sa kabilang ibayo* ng Jordan, at nakipaglaban sila sa inyo.+ Pero ibinigay ko sila sa inyong kamay para masakop ninyo ang lupain nila, at nilipol ko sila sa harap ninyo.+ 9 At si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab, ay nakipaglaban sa Israel. Ipinatawag niya si Balaam na anak ni Beor para sumpain kayo.+ 10 Pero hindi ko pinakinggan si Balaam.+ Kaya pinagpala niya kayo nang paulit-ulit,+ at iniligtas ko kayo mula sa kamay niya.+
11 “‘At tumawid kayo sa Jordan+ at nakarating sa Jerico.+ At ang mga pinuno* ng Jerico, ang mga Amorita, mga Perizita, mga Canaanita, mga Hiteo, mga Girgasita, mga Hivita, at ang mga Jebusita ay nakipaglaban sa inyo, pero ibinigay ko sila sa kamay ninyo.+ 12 Sinira ko ang loob nila,* kaya tumakas sila mula sa harap ninyo+—ang dalawang hari ng mga Amorita. Hindi iyon dahil sa inyong espada at pana.+ 13 Sa gayon ay binigyan ko kayo ng isang lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo,+ at tumira kayo sa mga ito. Kumakain kayo ng bunga mula sa mga ubasan at taniman ng olibo na hindi ninyo itinanim.’+
14 “Kaya matakot kayo kay Jehova at maglingkod sa kaniya nang buong katapatan,*+ at alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog* at sa Ehipto,+ at maglingkod kayo kay Jehova. 15 Pero kung ayaw ninyong maglingkod kay Jehova, pumili kayo ngayon kung sino ang paglilingkuran ninyo,+ kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng mga ninuno ninyo sa kabilang ibayo ng Ilog*+ o ang mga diyos ng mga Amorita sa lupaing tinitirhan ninyo.+ Pero para sa akin at sa sambahayan ko, maglilingkod kami kay Jehova.”
16 Sumagot ang bayan: “Malayong mangyari na iwan namin si Jehova at maglingkod kami sa ibang diyos. 17 Si Jehova na Diyos natin ang naglabas sa atin at sa ating mga ama mula sa lupain ng Ehipto,+ kung saan tayo inalipin;*+ siya ang gumawa ng kamangha-manghang mga himalang ito na nakita natin+ at ang nagbantay sa atin sa buong paglalakbay natin at sa lahat ng bayang dinaanan natin.+ 18 Pinalayas ni Jehova ang lahat ng bayan, kasama ang mga Amorita na dating naninirahan sa lupaing ito. Kaya kami rin ay maglilingkod kay Jehova, dahil siya ang Diyos namin.”
19 Sinabi ni Josue sa bayan: “Hindi kayo makapaglilingkod kay Jehova, dahil siya ay isang banal na Diyos;+ siya ay isang Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.*+ Hindi niya pagpapaumanhinan ang pagsuway* at ang mga kasalanan ninyo.+ 20 Kung iiwan ninyo si Jehova at maglilingkod kayo sa mga diyos ng mga banyaga, tatalikuran din niya kayo at lilipulin kahit gumawa siya noon ng mabuti sa inyo.”+
21 Sinabi naman ng bayan kay Josue: “Hindi. Si Jehova ang paglilingkuran namin!”+ 22 Kaya sinabi ni Josue sa bayan: “Kayo ay mga saksi laban sa inyong sarili na sa sarili ninyong kagustuhan ay pinili ninyong paglingkuran si Jehova.”+ Sinabi naman nila: “Mga saksi kami.”
23 “Kung gayon, alisin ninyo ang mga diyos ng mga banyaga sa gitna ninyo, at maglingkod kayo nang buong puso kay Jehova na Diyos ng Israel.” 24 Sinabi ng bayan kay Josue: “Maglilingkod kami kay Jehova na aming Diyos, at makikinig kami sa tinig niya!”
25 Kaya si Josue ay nakipagtipan sa bayan nang araw na iyon at nagbigay sa kanila ng tuntunin at kautusan sa Sikem. 26 Pagkatapos, isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng Kautusan ng Diyos+ at kumuha siya ng malaking bato+ at inilagay iyon sa ilalim ng malaking puno na nasa tabi ng santuwaryo ni Jehova.
27 Sinabi ni Josue sa buong bayan: “Ang batong ito ang magsisilbing saksi laban sa atin,+ dahil narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ni Jehova, at magsisilbi itong saksi laban sa inyo, para hindi ninyo maikaila ang inyong Diyos.” 28 Pagkatapos, pinauwi ni Josue ang bayan, bawat isa sa kaniyang minanang lupain.+
29 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Jehova, ay namatay sa edad na 110.+ 30 Kaya inilibing nila siya sa minana niyang lupain, ang Timnat-sera,+ na nasa mabundok na rehiyon ng Efraim, sa hilaga ng Bundok Gaas. 31 Patuloy na naglingkod kay Jehova ang Israel habang nabubuhay si Josue at habang nabubuhay ang matatandang lalaki na mas huling namatay kaysa kay Josue at nakaaalam ng lahat ng ginawa ni Jehova para sa Israel.+
32 Ang mga buto ni Jose,+ na dinala ng mga Israelita mula sa Ehipto, ay inilibing sa Sikem sa bahagi ng parang na binili ni Jacob mula sa mga anak ni Hamor,+ na ama ni Sikem, sa halagang 100 piraso ng salapi;*+ at naging mana iyon ng mga anak ni Jose.+
33 Gayundin, si Eleazar na anak ni Aaron ay namatay.+ Inilibing nila siya sa Burol ni Pinehas na kaniyang anak,+ na ibinigay sa kaniya sa mabundok na rehiyon ng Efraim.