Josue
22 Pagkatapos, ipinatawag ni Josue ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahati ng tribo ni Manases 2 at sinabi sa kanila: “Ginawa ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ni Jehova,+ at sinunod ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo.+ 3 Hindi ninyo iniwan ang mga kapatid ninyo hanggang sa araw na ito;+ at sinunod ninyo ang utos ni Jehova na inyong Diyos.+ 4 Ngayon ay binigyan ni Jehova na inyong Diyos ng kapahingahan ang mga kapatid ninyo, gaya ng ipinangako niya sa kanila.+ Kaya ngayon ay makababalik na kayo sa inyong mga tolda sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Jehova sa kabilang ibayo* ng Jordan.+ 5 Sundin lang ninyong mabuti ang mga utos at ang Kautusan na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Jehova,+ sa pamamagitan ng pagmamahal kay Jehova na inyong Diyos,+ paglakad sa lahat ng kaniyang daan,+ pagtupad sa mga utos niya,+ pananatiling tapat sa kaniya,+ at paglilingkod sa kaniya+ nang inyong buong puso at nang inyong buong kaluluwa.”+
6 Pagkatapos, pinagpala sila ni Josue at pinauwi, at nagpunta sila sa mga tolda nila. 7 At ang kalahati ng tribo ni Manases ay binigyan ni Moises ng mana sa Basan,+ at ang kalahati pa ng tribo nito ay binigyan ni Josue ng lupain sa kanluran ng Jordan,+ kasama ng mga kapatid nila. At nang pauwiin sila ni Josue sa mga tolda nila, pinagpala niya sila 8 at sinabi sa kanila: “Bumalik kayo sa mga tolda ninyo dala ang maraming kayamanan at napakaraming alagang hayop, pilak at ginto, tanso at bakal, at napakaraming damit.+ Kunin ninyo ang parte ninyo sa mga nakuha sa inyong mga kaaway,+ at hatian ninyo ang mga kapatid ninyo.”
9 Pagkatapos, ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahati ng tribo ni Manases ay humiwalay sa iba pang Israelita at umalis sa Shilo sa lupain ng Canaan. At bumalik sila sa Gilead,+ ang lupaing ibinigay sa kanila para tirahan gaya ng iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.+ 10 Pagdating nila sa mga rehiyon ng Jordan sa lupain ng Canaan, ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahati ng tribo ni Manases ay nagtayo ng altar doon sa may Jordan, isang malaki at kahanga-hangang altar. 11 Nang maglaon, narinig ng ibang mga Israelita na sinabi:+ “Ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahati ng tribo ni Manases ay nagtayo ng altar sa hangganan ng lupain ng Canaan sa mga rehiyon ng Jordan sa bahaging pag-aari natin.” 12 Nang marinig ito ng mga Israelita, ang buong Israel ay nagtipon sa Shilo+ para makipagdigma sa kanila.
13 Pagkatapos, isinugo ng mga Israelita si Pinehas,+ na anak ni Eleazar na saserdote, sa mga Rubenita, mga Gadita, at sa kalahati ng tribo ni Manases sa lupain ng Gilead, 14 at may kasama siyang 10 pinuno, isang pinuno sa bawat angkan ng lahat ng tribo ng Israel; ang bawat isa sa kanila ay ulo ng angkan sa libo-libo* ng Israel.+ 15 Nang makarating sila sa mga Rubenita, mga Gadita, at sa kalahati ng tribo ni Manases sa lupain ng Gilead, sinabi nila sa mga ito:
16 “Ito ang sinabi ng buong bayan ni Jehova: ‘Paano ninyo nagawang magtaksil+ sa Diyos ng Israel? Tinalikuran ninyo ngayon si Jehova nang magtayo kayo ng isang altar at magrebelde kay Jehova.+ 17 Hindi pa ba sapat ang kasalanang nagawa natin sa Peor? Pinagdurusahan pa rin natin ang epekto ng pagkakamaling iyon, kahit dumanas na ng salot ang bayan ni Jehova.+ 18 At ngayon, gusto ninyong tumalikod kay Jehova! Kung magrerebelde kayo ngayon kay Jehova, bukas ay magagalit siya sa buong bayan ng Israel.+ 19 Ngayon, kung marumi ang lupaing pag-aari ninyo, tumawid kayo sa lupaing pag-aari ni Jehova+ kung saan naroon ang tabernakulo ni Jehova+ at tumira kayong kasama namin, pero huwag kayong magrebelde kay Jehova at huwag ninyo kaming gawing mga rebelde dahil sa pagtatayo ninyo ng altar bukod pa sa altar ni Jehova na Diyos natin.+ 20 Nang si Acan+ na anak ni Zera ay hindi naging tapat may kinalaman sa mga bagay na dapat wasakin, hindi ba’t nagalit ang Diyos sa buong Israel?+ At hindi lang siya ang namatay dahil sa kamalian niya.’”+
21 Sumagot ang mga Rubenita, ang mga Gadita, at ang kalahati ng tribo ni Manases sa mga ulo ng libo-libo ng Israel:+ 22 “Ang Diyos ng mga diyos,* si Jehova! Ang Diyos ng mga diyos, si Jehova!+ Alam niya, at malalaman din ng Israel. Kung nagrebelde kami at nagtaksil kay Jehova, huwag niya nawa kaming iligtas sa araw na ito. 23 Kung nagtayo kami ng altar para magrebelde kay Jehova at mag-alay ng mga handog na sinusunog, handog na mga butil, at mga haing pansalo-salo sa ibabaw nito, si Jehova ang magpaparusa sa amin.+ 24 Pero iba ang dahilan kaya namin ito ginawa. Naisip namin na sa hinaharap, baka sabihin ng mga anak ninyo sa mga anak namin: ‘Ano ang kinalaman ninyo kay Jehova na Diyos ng Israel? 25 Inilagay ni Jehova ang Jordan na hangganan sa pagitan namin at ninyo, ng mga Rubenita, at ng mga Gadita. Wala kayong kinalaman kay Jehova.’ At hahadlangan ng mga anak ninyo ang mga anak namin sa pagsamba* kay Jehova.
26 “Kaya sinabi namin, ‘Kumilos tayo at gumawa ng altar, hindi para sa mga handog na sinusunog o sa mga hain, 27 kundi para maging saksi sa pagitan namin at ninyo+ at ng ating mga inapo* na maglilingkod kami sa harap ni Jehova sa pamamagitan ng aming mga handog na sinusunog at ng aming mga hain at ng aming mga haing pansalo-salo,+ para hindi sabihin ng mga anak ninyo sa mga anak namin sa hinaharap: “Wala kayong kinalaman kay Jehova.”’ 28 Naisip namin, ‘Kung sasabihin nila iyan sa amin at sa mga inapo* namin sa hinaharap, sasabihin naman namin: “Tingnan ninyo ang altar na ginawa namin na kagaya ng altar ni Jehova na ginawa ng mga ninuno namin, hindi para sa mga handog na sinusunog o para sa mga hain, kundi para maging saksi sa pagitan namin at ninyo.”’ 29 Hindi namin magagawang magrebelde kay Jehova at tumalikod kay Jehova+ sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang altar para sa mga handog na sinusunog, handog na mga butil, at mga hain. Maghahandog lang kami sa altar ni Jehova na ating Diyos na nasa harap ng kaniyang tabernakulo!”+
30 Nang marinig ni Pinehas na saserdote at ng kasama niyang mga pinuno ng bayan at mga ulo ng libo-libo ng Israel ang sinabi ng mga inapo ni Ruben, Gad, at Manases, natuwa sila.+ 31 Kaya sinabi ni Pinehas, na anak ni Eleazar na saserdote, sa mga inapo ni Ruben, Gad, at Manases: “Alam na namin ngayon na si Jehova ay nasa gitna natin, dahil hindi kayo nagtaksil kay Jehova. Iniligtas ninyo ang mga Israelita mula sa kamay ni Jehova.”
32 Matapos kausapin ni Pinehas na anak ni Eleazar na saserdote at ng mga pinuno ang mga Rubenita at mga Gadita sa lupain ng Gilead, nagbalik sila sa lupain ng Canaan, at sinabi nila sa iba pang Israelita ang nangyari. 33 At natuwa ang mga Israelita sa ulat. Pagkatapos, pinuri ng mga Israelita ang Diyos, at hindi na nila muling pinag-usapan ang tungkol sa pakikipagdigma sa mga Rubenita at mga Gadita at sa pagwasak sa lupaing tinitirhan ng mga ito.
34 At pinangalanan ng mga Rubenita at mga Gadita ang altar,* dahil “iyon ay saksi sa pagitan natin na si Jehova ang tunay na Diyos.”