Exodo
6 Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Paraon.+ Dahil sa makapangyarihan kong kamay, mapipilitan siyang paalisin sila, at dahil sa makapangyarihan kong kamay, mapipilitan siyang itaboy sila mula sa lupain niya.”+
2 Sinabi pa ng Diyos kay Moises: “Ako si Jehova. 3 At nagpakita ako noon kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat,+ pero may kinalaman sa pangalan kong Jehova+ ay hindi ko lubusang ipinakilala ang sarili ko.+ 4 Nakipagtipan din ako sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain kung saan sila tumira bilang mga dayuhan.+ 5 Narinig ko ngayon ang pagdaing ng bayang Israel, na inaalipin ng mga Ehipsiyo, at hindi ko nakakalimutan ang aking tipan.+
6 “Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Jehova, at palalayain ko kayo mula sa puwersahang pagpapatrabaho ng mga Ehipsiyo at ililigtas ko kayo mula sa pang-aalipin nila,+ at babawiin ko kayo sa pamamagitan ng makapangyarihang* bisig at mabibigat na hatol.+ 7 Ituturing ko kayo bilang aking bayan, at ako ang magiging Diyos ninyo,+ at tiyak na malalaman ninyo na ako ang Diyos ninyong si Jehova na nagpapalaya sa inyo mula sa puwersahang pagpapatrabaho ng Ehipto. 8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko* kina Abraham, Isaac, at Jacob; at ibibigay ko iyon sa inyo bilang pag-aari.+ Ako si Jehova.’”+
9 At sinabi ni Moises ang mensaheng ito sa mga Israelita, pero hindi sila nakinig kay Moises dahil sa panghihina ng loob at malupit na pang-aalipin sa kanila.+
10 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: 11 “Pumunta ka sa Paraon, na hari ng Ehipto, at sabihin mo na dapat niyang payagan ang mga Israelita na umalis sa lupain niya.” 12 Pero sumagot si Moises kay Jehova: “Hindi nakinig sa akin ang mga Israelita;+ paano makikinig sa akin ang Paraon, gayong hindi ako mahusay magsalita?”*+ 13 Pero sinabi ulit ni Jehova kina Moises at Aaron ang mga utos na dapat nilang sabihin sa mga Israelita at sa Paraon, na hari ng Ehipto, para mailabas ang mga Israelita sa lupain ng Ehipto.
14 Ito ang mga ulo ng sambahayan ng mga ama nila: Ang mga anak ni Ruben, na panganay ni Israel,+ ay sina Hanok, Palu, Hezron, at Carmi.+ Ito ang mga pamilya ni Ruben.
15 Ang mga anak ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar, at si Shaul na anak ng isang babaeng Canaanita.+ Ito ang mga pamilya ni Simeon.
16 Ito ang pangalan ng mga anak ni Levi,+ ayon sa mga angkan nila: Gerson, Kohat, at Merari.+ Nabuhay si Levi nang 137 taon.
17 Ang mga anak ni Gerson, na itinala ayon sa mga pamilya nila, ay sina Libni at Simei.+
18 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izhar, Hebron, at Uziel.+ Nabuhay si Kohat nang 133 taon.
19 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahali at Musi.
Ito ang mga pamilya ng mga Levita, ayon sa mga angkan nila.+
20 At kinuha ni Amram si Jokebed, na kapatid na babae ng kaniyang ama, para maging asawa.+ Isinilang nito sina Aaron at Moises.+ Nabuhay si Amram nang 137 taon.
21 Ang mga anak ni Izhar ay sina Kora,+ Nepeg, at Zicri.
22 Ang mga anak ni Uziel ay sina Misael, Elsapan,+ at Sitri.
23 At kinuha ni Aaron bilang asawa si Elisheba, na anak na babae ni Aminadab at kapatid ni Nason.+ Isinilang nito sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar.+
24 Ang mga anak ni Kora ay sina Asir, Elkana, at Abiasap.+ Ito ang mga pamilya ng mga Korahita.+
25 Kinuha ng anak ni Aaron na si Eleazar+ ang isa sa mga anak na babae ni Putiel para maging asawa. Isinilang nito si Pinehas.+
Ito ang mga ulo ng mga angkan* ng mga Levita, ayon sa mga pamilya nila.+
26 Sila ang Aaron at Moises na sinabihan ni Jehova: “Ilabas ninyo ang bayang Israel sa lupain ng Ehipto na gaya ng isang hukbo.”+ 27 Sila nga ang Moises at Aaron na nakipag-usap sa Paraon, na hari ng Ehipto, para ilabas ang bayang Israel mula sa Ehipto.+
28 Nang araw na makipag-usap si Jehova kay Moises sa lupain ng Ehipto, 29 sinabi ni Jehova: “Ako si Jehova. Sabihin mo sa Paraon, na hari ng Ehipto, ang lahat ng sinasabi ko sa iyo.” 30 At sinabi ni Moises sa harap ni Jehova: “Hindi ako mahusay magsalita,* kaya paano makikinig sa akin ang Paraon?”+