Jeremias
38 Narinig ngayon ni Sepatias na anak ni Mattan, ni Gedalias na anak ni Pasur, ni Jucal+ na anak ni Selemias, at ni Pasur+ na anak ni Malkias ang sinasabi ni Jeremias sa buong bayan: 2 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa espada, sa taggutom, at sa salot.*+ Pero ang susuko* sa mga Caldeo ay patuloy na mabubuhay; ang buhay niya ang magiging samsam niya* at mabubuhay siya.’+ 3 Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ang lunsod na ito ay ibibigay sa kamay ng hukbo ng hari ng Babilonya, at sasakupin niya ito.’”+
4 Sinabi ng matataas na opisyal sa hari: “Pakisuyo, ipapatay mo ang lalaking ito.+ Dahil sa mga sinasabi niya, pinahihina niya ang loob* ng mga mandirigmang natitira sa lunsod na ito, pati ng buong bayan. Dahil gusto ng lalaking ito ng kapahamakan, hindi ng kapayapaan, para sa bayang ito.” 5 Sumagot si Haring Zedekias: “Kayo na ang bahala sa kaniya, dahil hindi kayo mapigilan ng hari.”
6 Kaya kinuha nila si Jeremias at inihulog sa imbakan ng tubig ni Malkias na anak ng hari, na nasa Looban ng Bantay.+ Ibinaba nila si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. Walang tubig sa imbakan ng tubig, kundi puro putik, at si Jeremias ay nagsimulang lumubog sa putik.
7 Nalaman ng Etiope na si Ebed-melec,+ isang opisyal* sa bahay* ng hari, na inilagay nila si Jeremias sa imbakan ng tubig. Ang hari ay nakaupo noon sa Pintuang-Daan ng Benjamin,+ 8 kaya lumabas si Ebed-melec sa bahay* ng hari, at sinabi niya sa hari: 9 “O panginoon kong hari, napakasama ng ginawa ng mga lalaking ito sa propetang si Jeremias! Inihulog nila siya sa imbakan ng tubig, at mamamatay siya roon sa gutom, dahil wala nang tinapay sa lunsod.”+
10 Inutusan ng hari ang Etiope na si Ebed-melec: “Magsama ka ng 30 lalaki mula rito, at iahon mo ang propetang si Jeremias mula sa imbakan ng tubig bago siya mamatay.” 11 Kaya isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki at pumunta sila sa bahay* ng hari, sa ilalim ng kabang-yaman,+ at kumuha sila roon ng sira-sirang mga basahan at sira-sirang mga piraso ng tela at inilagay sa lubid, at ibinaba nila ito kay Jeremias na nasa imbakan ng tubig. 12 Pagkatapos ay sinabi ng Etiope na si Ebed-melec kay Jeremias: “Pakisuyo, ilagay mo ang mga basahan at ang mga piraso ng tela sa pagitan ng kilikili mo at ng lubid.” Ginawa iyon ni Jeremias, 13 at iniahon nila si Jeremias mula sa imbakan ng tubig gamit ang lubid. At nanatili si Jeremias sa Looban ng Bantay.+
14 Ipinatawag ni Haring Zedekias ang propetang si Jeremias para magkita sila sa ikatlong pasukan, na nasa bahay ni Jehova, at sinabi ng hari kay Jeremias: “May itatanong ako sa iyo. Huwag kang maglihim sa akin ng anuman.” 15 Sinabi ni Jeremias kay Zedekias: “Kung sasabihin ko sa iyo, siguradong ipapapatay mo ako. At kung papayuhan kita, hindi ka naman makikinig.” 16 Kaya palihim na sumumpa si Haring Zedekias kay Jeremias: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na nagbigay sa atin ng buhay, hindi kita ipapapatay, at hindi kita ibibigay sa kamay ng mga lalaking gustong pumatay sa iyo.”
17 At sinabi ni Jeremias kay Zedekias: “Ito ang sinabi ni Jehova, ang Diyos ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Kung susuko* ka sa matataas na opisyal ng hari ng Babilonya, hindi ka papatayin, at hindi susunugin ang lunsod na ito, at ikaw at ang sambahayan mo ay makaliligtas.+ 18 Pero kung hindi ka susuko* sa matataas na opisyal ng hari ng Babilonya, ibibigay ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo, at susunugin nila ito,+ at hindi ka makatatakas mula sa kamay nila.’”+
19 At sinabi ni Haring Zedekias kay Jeremias: “Natatakot ako sa mga Judio na kumampi sa mga Caldeo, dahil kapag ibinigay ako sa kanila, baka pahirapan nila ako.” 20 Pero sinabi ni Jeremias: “Hindi ka ibibigay sa kanila. Pakisuyo, makinig ka sa tinig ni Jehova, sa mga sinasabi ko sa iyo, at mapapabuti ka at patuloy na mabubuhay. 21 Pero kung hindi ka susuko,* ito ang ipinakita sa akin ni Jehova sa pangitain: 22 Ang lahat ng babae na natira sa bahay* ng hari ng Juda ay dinadala sa matataas na opisyal ng hari ng Babilonya,+ at sinasabi nila,
‘Nilinlang ka ng mga lalaking pinagkatiwalaan mo, at nanaig sila sa iyo.+
Pinalubog nila sa putik ang paa mo.
Iniwan ka na nila ngayon.’
23 At ang lahat ng asawa at anak mo ay ibinibigay nila sa mga Caldeo, at hindi ka makatatakas mula sa kamay nila, kundi huhulihin ka ng hari ng Babilonya,+ at dahil sa iyo ay susunugin ang lunsod na ito.”+
24 At sinabi ni Zedekias kay Jeremias: “Huwag mong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa mga bagay na ito, para hindi ka mamatay. 25 Sakaling malaman ng matataas na opisyal na kinausap kita at pumunta sila sa iyo at magsabi, ‘Pakisuyo, sabihin mo sa amin ang sinabi mo sa hari. Huwag kang maglihim sa amin ng anuman, at hindi ka namin papatayin.+ Ano ang sinabi sa iyo ng hari?’ 26 sabihin mo sa kanila, ‘Hiniling ko sa hari na huwag na akong ibalik sa bahay ni Jehonatan dahil mamamatay ako roon.’”+
27 Nang maglaon, pinuntahan ng lahat ng matataas na opisyal si Jeremias at pinagtatanong siya. Sinabi niya sa kanila ang lahat ng iniutos ng hari na sabihin niya. Kaya tumahimik na sila, dahil walang nakarinig sa pag-uusap nila. 28 Hanggang noong masakop ang Jerusalem, nanatili si Jeremias sa Looban ng Bantay;+ naroon pa rin siya nang masakop ang Jerusalem.+