Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
2 Ipinasiya kong huwag na kayong palungkutin pagbalik ko sa inyo. 2 Dahil kung palulungkutin ko kayo, kayo na nagpapasaya sa akin, sino na ang magpapasaya sa akin? 3 Kaya nga sumulat ako noon sa inyo, para pagpunta ko diyan, matutuwa ako at hindi malulungkot dahil sa inyo,+ dahil nagtitiwala ako na ang mga nagpapasaya sa akin ay nagpapasaya rin sa inyong lahat. 4 Dahil noong sumulat ako sa inyo ay lungkot na lungkot ako at punô ng pag-aalala ang puso ko at umiiyak ako. Pero hindi ako sumulat para mapalungkot kayo,+ kundi para ipaalám sa inyo kung gaano ko kayo kamahal.
5 Ngayon kung ang sinuman sa inyo ay nakapagpalungkot,+ hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa paanuman ay kayong lahat—pasensiya na sa pagiging deretsahan. 6 Ang saway na ito na ibinigay ng karamihan ay sapat na para sa gayong tao;+ 7 dapat na ninyo siyang patawarin nang buong puso at aliwin+ para hindi siya madaig ng sobrang kalungkutan.+ 8 Kaya pinapayuhan ko kayong tiyakin sa kaniya na mahal ninyo siya.+ 9 Ito rin ang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon: para malaman kung magiging masunurin kayo sa lahat ng bagay. 10 Ang sinumang pinatatawad ninyo ay pinatatawad ko rin. Ang totoo, anumang bagay na pinatawad ko (kung mayroon man akong pinatawad) ay ginawa ko alang-alang sa inyo sa paningin ng Kristo, 11 para hindi tayo malamangan ni Satanas,+ dahil alam naman natin ang mga pakana niya.+
12 Nang dumating ako sa Troas+ para ihayag ang mabuting balita tungkol sa Kristo at isang pinto ang nabuksan sa akin sa gawain ng Panginoon, 13 hindi ako napanatag dahil hindi ko nakita ang kapatid kong si Tito.+ Kaya nagpaalam ako sa kanila, at pumunta ako sa Macedonia.+
14 Pero salamat sa Diyos! Lagi niya tayong inaakay sa isang prusisyon ng tagumpay kasama ng Kristo, at ginagamit niya tayo para ipalaganap ang halimuyak ng kaalaman tungkol sa kaniya sa lahat ng lugar! 15 Dahil para sa Diyos, tayo ay mabangong amoy ni Kristo sa gitna ng mga inililigtas at sa gitna ng mga malilipol; 16 sa mga malilipol ay amoy ng kamatayan na umaakay sa kamatayan+ at sa mga inililigtas ay halimuyak ng buhay na umaakay sa buhay. At sino ang lubusang kuwalipikado para sa mga bagay na ito? 17 Kami nga, dahil hindi kami tagapaglako ng salita ng Diyos+ gaya ng marami, kundi taimtim kaming nagsasalita bilang mga isinugo ng Diyos, oo, bilang mga tagasunod ni Kristo sa harap ng Diyos.