Ezekiel
45 “‘Kapag hinati-hati ninyo ang lupain bilang mana,+ dapat kayong mag-abuloy kay Jehova ng isang banal na bahagi mula sa lupain.+ Dapat na 25,000 siko* ang haba nito at 10,000 siko ang lapad.+ Ang kabuoan nito* ay magiging isang banal na bahagi. 2 Mula sa lupaing iyon, isang kuwadradong bahagi ang ilalaan para sa banal na lugar, 500 siko ang haba at 500 siko ang lapad,+ at magiging pastulan ang 50 siko sa bawat panig nito.+ 3 Mula sa sukat na ito, susukat ka ng haba na 25,000 at lapad na 10,000, at sa loob nito ipupuwesto ang santuwaryo, na isang kabanal-banalang lugar. 4 Iyon ay magiging banal na bahagi ng lupain para sa mga saserdote,+ mga lingkod sa santuwaryo, na lumalapit kay Jehova para maglingkod.+ Doon nila itatayo ang mga bahay nila, at iyon ay magiging isang sagradong lugar para sa santuwaryo.
5 “‘Para sa mga Levita, na mga lingkod sa templo, magkakaroon sila ng isang bahagi na 25,000 siko ang haba at 10,000 siko ang lapad.+ Magkakaroon din sila ng 20 silid-kainan.*+
6 “‘Ibigay mo sa lunsod ang isang bahagi na 25,000 siko ang haba (kagaya ng banal na abuloy) at 5,000 siko ang lapad.+ Magiging pag-aari iyon ng buong sambahayan ng Israel.
7 “‘At para sa pinuno, magkakaroon siya ng lupain sa magkabilang panig ng banal na abuloy at bahaging pag-aari ng lunsod. Katabi iyon ng banal na abuloy at ng lupaing pag-aari ng lunsod, sa kanluran at sa silangan. Ang haba nito mula sa kanlurang hangganan hanggang sa silangang hangganan ay magiging kagaya ng lupaing pag-aari ng isa sa mga tribo.+ 8 Ang lupaing ito ang magiging pag-aari niya sa Israel. Hindi na pagmamalupitan ng aking mga pinuno ang bayan ko,+ at ibibigay nila ang lupain sa sambahayan ng Israel ayon sa tribo ng mga ito.’+
9 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Sobra na ang mga ginagawa ninyo, mga pinuno ng Israel!’
“‘Ihinto na ninyo ang karahasan at pang-aapi, at gawin ninyo kung ano ang makatarungan at matuwid.+ Huwag na ninyong agawin ang pag-aari ng bayan ko,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 10 ‘Dapat kayong gumamit ng wastong timbangan, wastong takal na epa* at wastong takal na bat.*+ 11 Dapat na hindi nagbabago ang takal na epa at takal na bat. Ang isang takal na bat ay maglalaman ng ikasampu ng isang homer,* at ang isang takal na epa ay maglalaman ng ikasampu ng isang homer. Ang homer ang magiging batayan ng sukat. 12 Ang siklo*+ ay katumbas ng 20 gerah.* Ang isang maneh* ay katumbas ng 20 siklo at 25 siklo at 15 siklo.’
13 “‘Ito ang abuloy na ihahandog ninyo: sangkanim ng epa para sa bawat homer ng trigo at sangkanim ng epa para sa bawat homer ng sebada. 14 Ang dami ng iaabuloy na langis ay nakabatay sa bat. Ang bat ay ikasampu ng kor,* at ang 10 bat ay isang homer, dahil ang 10 bat ay katumbas ng isang homer. 15 Mula sa mga alagang hayop ng Israel, dapat magbigay ng isang tupa mula sa bawat 200. Para ito sa handog na mga butil,+ buong handog na sinusunog,+ at mga haing pansalo-salo,+ na ipambabayad-sala para sa bayan,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
16 “‘Ito ang iaabuloy ng lahat ng nasa lupain+ para sa pinuno ng Israel. 17 Pero ang pinuno ang magbibigay ng mga buong handog na sinusunog,+ handog na mga butil,+ at handog na inumin sa panahon ng mga kapistahan,+ mga bagong buwan, mga Sabbath,+ at lahat ng iba pang kapistahan sa sambahayan ng Israel.+ Siya ang magbibigay ng handog para sa kasalanan, handog na mga butil, buong handog na sinusunog, at mga haing pansalo-salo, na ipambabayad-sala para sa sambahayan ng Israel.’
18 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Sa unang araw ng unang buwan, kukuha ka ng isang malusog na batang toro* mula sa bakahan, at dadalisayin mo ang santuwaryo mula sa kasalanan.+ 19 Ang saserdote ay kukuha ng dugo mula sa handog para sa kasalanan, at ilalagay niya iyon sa poste ng pinto ng templo,+ sa apat na kanto ng ikatlong bahagi ng altar, at sa poste ng pintuang-daan sa maliit na looban. 20 Iyan ang gagawin mo sa ikapitong araw ng buwan dahil sa sinumang nagkasala nang di-sinasadya o dahil sa kawalang-alam;+ at magbabayad-sala kayo para sa templo.+
21 “‘Sa ika-14 na araw ng unang buwan, ipagdiriwang ninyo ang kapistahan ng Paskuwa.+ Tinapay na walang pampaalsa ang dapat ninyong kainin sa loob ng pitong araw.+ 22 Sa araw na iyon, ang pinuno ay magbibigay ng isang batang toro bilang handog para sa kasalanan para sa sarili niya at sa lahat ng tao sa lupain.+ 23 Sa loob ng pitong-araw na kapistahan, araw-araw siyang magbibigay ng pitong malulusog na batang toro at pitong malulusog na lalaking tupa bilang buong handog na sinusunog para kay Jehova,+ gayundin ng isang lalaking kambing araw-araw bilang handog para sa kasalanan. 24 At para sa handog na mga butil, magbibigay rin siya ng isang epa para sa bawat batang toro at isang epa para sa bawat lalaking tupa, at isang hin* ng langis para sa bawat epa.
25 “‘Sa ikapitong buwan, mula sa ika-15 araw ng buwan, sa panahon ng kapistahan,+ pitong araw siyang magbibigay ng gayon ding handog para sa kasalanan, buong handog na sinusunog, handog na mga butil, at langis.’”