Ezekiel
12 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2 “Anak ng tao, namumuhay kang kasama ng isang rebeldeng sambahayan. May mga mata sila para makakita pero hindi sila nakakakita at may mga tainga para makarinig pero hindi sila nakaririnig,+ dahil rebeldeng sambahayan sila.+ 3 Ikaw, anak ng tao, maghanda ka ng bagahe na dadalhin sa pagkatapon. At sa araw, habang nakatingin ang mga tao, maglakbay ka na gaya ng isang ipinatapon. Habang nakatingin sila, umalis ka sa iyong bahay papunta sa ibang lugar na gaya ng isang ipinatapon. Baka magbigay-pansin sila, kahit rebeldeng sambahayan sila. 4 Sa araw, ilabas mo ang bagahe para sa pagkatapon habang nakatingin sila, at kapag hapon na, habang nakatingin sila, umalis ka na gaya ng isang ipinatapon.+
5 “Habang nakatingin sila, bumutas ka sa pader, at ilabas mo roon ang mga dala mo.+ 6 Habang nakatingin sila, ipasan mo sa balikat ang mga dala mo at ilabas ang mga ito kapag dumilim na. Takpan mo ang iyong mukha para hindi mo makita ang lupa, dahil gagawin kitang isang tanda para sa sambahayan ng Israel.”+
7 Ginawa ko ang iniutos sa akin. Samantalang araw, dinala ko ang bagahe ko na parang bagahe para sa pagkatapon, at nang hapon na, bumutas ako sa pader gamit ang kamay ko. Nang dumilim na, habang nakatingin sila, inilabas ko ang mga dala ko na nakapasan sa aking balikat.
8 Kinaumagahan, dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 9 “Anak ng tao, hindi ba nagtanong ang sambahayan ng Israel, ang rebeldeng sambahayan, ‘Ano ang ginagawa mo?’ 10 Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Ang kapahayagang ito ay para sa pinuno+ ng Jerusalem at sa buong sambahayan ng Israel na nasa lunsod.”’
11 “Sabihin mo, ‘Nagsilbi akong tanda para sa inyo.+ Kung ano ang ginawa ko, gayon ang gagawin sa kanila. Ipatatapon sila at magiging bihag.+ 12 Kung tungkol sa pinuno nila, papasanin niya sa balikat ang mga gamit niya at aalis habang madilim. Bubutas siya sa pader at ilalabas doon ang mga dala niya.+ Tatakpan niya ang mukha niya para hindi niya makita ang lupa.’ 13 Ihahagis ko sa kaniya ang aking lambat para sa pangangaso at mahuhuli siya nito.+ At dadalhin ko siya sa Babilonya, sa lupain ng mga Caldeo, pero hindi niya iyon makikita; at doon siya mamamatay.+ 14 At ang lahat ng nakapalibot sa kaniya, ang mga lingkod niya at hukbo, ay pangangalatin ko sa lahat ng direksiyon;+ at huhugot ako ng espada na hahabol sa kanila.+ 15 At malalaman nila na ako si Jehova kapag pinangalat ko sila sa mga bansa at lupain. 16 Pero hahayaan kong makaligtas ang ilan sa kanila mula sa espada, taggutom, at salot, para maipaalám nila sa mga bansang paroroonan nila ang lahat ng kanilang kasuklam-suklam na gawain; at malalaman nila na ako si Jehova.”
17 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 18 “Anak ng tao, kainin mo ang iyong tinapay nang may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig nang may pagkabalisa at takot.+ 19 Sabihin mo sa mga tao sa lupain, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova sa mga nakatira sa Jerusalem sa lupain ng Israel: “Kakainin nila ang kanilang tinapay nang may pagkabalisa at iinumin ang kanilang tubig nang may takot, dahil ang lupain nila ay lubusang matitiwangwang+ dahil sa karahasan ng lahat ng naninirahan doon.+ 20 Mawawasak ang tinitirhang mga lunsod, at ang lupain ay magiging tiwangwang;+ at malalaman ninyo na ako si Jehova.”’”+
21 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 22 “Anak ng tao, ano itong kasabihan ninyo sa Israel, ‘Lumilipas ang mga araw, pero hindi naman natutupad ang anumang pangitain’?+ 23 Kaya sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Papawiin ko ang kasabihang ito, at hindi na nila gagamitin ang kasabihang ito sa Israel.”’ At sabihin mo sa kanila, ‘Malapit na ang mga araw,+ at mangyayari ang bawat pangitain.’ 24 Dahil hindi na magkakaroon ng anumang di-totoong pangitain o mapanlinlang* na hula sa sambahayan ng Israel.+ 25 ‘“Dahil akong si Jehova ang magsasalita. Anumang sabihin ko ay hindi maaantala.+ Sa inyong mga araw,+ O rebeldeng sambahayan, magsasalita ako at gagawin ko iyon,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.’”
26 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 27 “Anak ng tao, ito ang sinasabi ng bayan* ng Israel, ‘Matagal pa bago matupad ang pangitaing nakikita niya, at humuhula siya tungkol sa hinaharap na napakalayo pa.’+ 28 Kaya sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “‘Ang lahat ng sinasabi ko ay malapit nang matupad; anumang sabihin ko ay mangyayari,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”’”