Mga Bilang
19 Muling nakipag-usap si Jehova kina Moises at Aaron: 2 “Ito ay isang batas mula sa kautusang ibinigay ni Jehova, ‘Sabihin mo sa mga Israelita na magdala sa iyo ng isang malusog at pulang baka na walang depekto+ at hindi pa nakapasan ng pamatok. 3 Ibibigay ninyo iyon kay Eleazar na saserdote, at aakayin niya iyon sa labas ng kampo, at papatayin iyon sa harap niya. 4 Pagkatapos, isasawsaw ni Eleazar na saserdote ang daliri niya sa dugo nito at pitong ulit na patutuluin ang dugo nang nakaharap sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.+ 5 At susunugin ang baka sa harap niya. Susunugin ang balat, karne, at dugo nito, kasama ang dumi nito.+ 6 At ang saserdote ay kukuha ng kahoy ng sedro, isopo,+ at matingkad-na-pulang sinulid at ihahagis ang mga iyon sa apoy na pinagsusunugan sa baka. 7 At lalabhan ng saserdote ang mga kasuotan niya at maliligo siya, at makakapasok na siya sa kampo; pero ang saserdote ay magiging marumi hanggang gabi.
8 “‘Ang nagsunog ng baka ay maglalaba ng mga kasuotan niya at maliligo, at magiging marumi siya hanggang gabi.
9 “‘Titipunin ng isang taong malinis ang abo ng baka+ at ilalagay iyon sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo, at iyon ay dapat itabi para magamit ng bayang Israel sa paghahanda ng tubig na panlinis.+ Ito ay handog para sa kasalanan. 10 Ang nagtipon ng abo ng baka ay maglalaba ng mga kasuotan niya at magiging marumi hanggang gabi.
“‘Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa mga Israelita at sa dayuhang naninirahang kasama nila.+ 11 Ang sinumang humipo ng namatay na tao* ay magiging marumi nang pitong araw.+ 12 Sa ikatlong araw, pababanalin niya ang sarili niya gamit ang tubig, at magiging malinis siya sa ikapitong araw. Pero kung hindi niya pinabanal ang sarili niya sa ikatlong araw, hindi siya magiging malinis sa ikapitong araw. 13 Kung may sinumang humipo ng namatay na tao* at hindi niya pinabanal ang sarili niya, dinumhan niya ang tabernakulo ni Jehova+ at dapat siyang alisin* sa Israel.+ Dahil hindi naiwisik sa kaniya ang tubig na panlinis,+ siya ay nananatiling marumi. Ang kaniyang karumihan ay nasa kaniya pa rin.
14 “‘Ito ang kautusan kapag may taong namatay sa tolda: Lahat ng papasok sa tolda at lahat ng nasa loob na ng tolda ay magiging marumi nang pitong araw. 15 Lahat ng lalagyan na hindi nakasarang mabuti* ay marumi.+ 16 Lahat ng nasa parang na humipo ng sinumang namatay sa espada o ng bangkay, buto ng tao, o libingan ay magiging marumi nang pitong araw.+ 17 Dapat silang kumuha para sa taong marumi ng abo ng sinunog na handog para sa kasalanan, at ilalagay nila iyon sa isang sisidlan at bubuhusan ng sariwang tubig. 18 At ang isang taong malinis+ ay kukuha ng isopo+ at isasawsaw iyon sa tubig at iwiwisik iyon sa tolda at sa lahat ng sisidlan at sa mga taong naroon at sa humipo ng buto, ng napatay, ng bangkay, o ng libingan. 19 Sa ikatlo at ikapitong araw, iwiwisik iyon ng taong malinis sa taong marumi, at sa ikapitong araw ay dadalisayin* siya nito mula sa kasalanan;+ at dapat siyang maglaba ng mga kasuotan at maligo sa tubig, at magiging malinis siya sa gabi.
20 “‘Pero ang taong marumi na hindi nagpabanal sa sarili niya ay papatayin,*+ dahil dinumhan niya ang santuwaryo ni Jehova. Hindi naiwisik sa kaniya ang tubig na panlinis, kaya siya ay marumi.
21 “‘Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa kanila: Ang taong nagwisik ng tubig na panlinis+ ay dapat maglaba ng mga kasuotan niya, at ang taong humipo ng tubig na panlinis ay magiging marumi hanggang gabi. 22 Anumang bagay na mahipo ng taong marumi ay magiging marumi, at ang taong humipo rito ay magiging marumi hanggang gabi.’”+