Ikalawang Samuel
14 Nalaman ngayon ni Joab na anak ni Zeruias+ na nananabik na ang hari kay Absalom.+ 2 Kaya nagpakuha si Joab sa Tekoa+ ng isang babaeng marunong. Sinabi niya sa babae: “Pakisuyo, magkunwari kang nagdadalamhati, magsuot ka ng damit ng mga nagdadalamhati, at huwag kang magpahid ng langis.+ Magkunwari kang isang babae na matagal nang nagdadalamhati para sa isang namatay. 3 Pagkatapos, pumunta ka sa hari at ganito ang sabihin mo.” At itinuro sa kaniya ni Joab kung ano ang sasabihin niya.
4 Ang babaeng Tekoita ay pumunta sa hari at sumubsob para magbigay-galang. Sinabi niya: “Tulungan mo ako, O hari!” 5 Sinabi ng hari sa kaniya: “Ano ang nangyari?” Sumagot siya: “Biyuda na ako; patay na ang asawa ko. 6 At ako, ang iyong lingkod, ay may dalawang anak na lalaki, at nag-away sila sa bukid. Walang tao roon para awatin sila, at pinatay ng isa ang kapatid niya. 7 Ngayon, ang buong pamilya ay laban sa akin, sa iyong lingkod, at sinasabi nila, ‘Ibigay mo ang pumatay sa kapatid niya, para mapatay namin siya kapalit ng buhay ng kapatid na pinatay niya,+ kahit na walang matirang tagapagmana!’ Papatayin nila ang huling nagniningas na baga na natitira* sa akin, at walang maiiwang pangalan o anak* ang asawa ko sa ibabaw ng lupa.”
8 Pagkatapos, sinabi ng hari sa babae: “Umuwi ka na, at maglalabas ako ng utos may kinalaman sa iyo.” 9 Dahil dito, sinabi ng babaeng Tekoita sa hari: “O panginoon kong hari, ako nawa at ang sambahayan ng aking ama ang managot, at manatiling walang-sala ang hari at ang kaniyang trono.” 10 At sinabi ng hari: “Kung may sinumang magsalita pa sa iyo, dalhin mo siya sa akin, at hindi ka na niya guguluhin.” 11 Pero sinabi ng babae: “Pakisuyo, alalahanin nawa ng hari si Jehova na iyong Diyos, para ang tagapaghiganti ng dugo+ ay hindi magdala ng kapahamakan at patayin ang anak ko.” At sinabi ng hari: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova,+ walang isa mang buhok ng anak mo ang mahuhulog sa lupa.” 12 Sinabi ngayon ng babae: “Pakisuyo, hayaan mo nawa ang iyong lingkod na magsalita sa panginoon kong hari.” Kaya sinabi ng hari: “Sige, magsalita ka.”
13 Sinabi ng babae: “Bakit mo naisip na gawin ito laban sa bayan ng Diyos?+ Sa sinabi ng hari, hinahatulan na rin niya ang sarili niya, dahil hindi pa niya pinababalik ang sarili niyang anak na itinaboy niya.+ 14 Mamamatay tayo at magiging gaya ng tubig na ibinuhos sa lupa, na hindi na matitipon pa. Pero hindi papatay ang Diyos, at isinasaalang-alang niya ang mga dahilan kung bakit ang itinaboy ay hindi dapat manatiling nakahiwalay sa kaniya. 15 Pumunta ako rito para sabihin ito sa panginoon kong hari dahil tinakot ako ng bayan. Kaya sinabi ng iyong lingkod, ‘Pakisuyo, hayaan ninyong kausapin ko ang hari. Baka pagbigyan niya ang hinihiling ng kaniyang alipin. 16 Baka makinig ang hari at iligtas ang kaniyang alipin mula sa kamay ng taong gustong mag-alis sa akin at sa nag-iisa kong anak mula sa mana na ibinigay ng Diyos sa amin.’+ 17 Pagkatapos, sinabi ng iyong lingkod, ‘Magbigay nawa sa akin ng kaginhawahan ang sasabihin ng panginoon kong hari,’ dahil ang panginoon kong hari ay parang isang anghel ng tunay na Diyos sa pagkilala ng mabuti at ng masama. Sumaiyo nawa si Jehova na iyong Diyos.”
18 Sinabi ngayon ng hari sa babae: “Pakisuyo, sagutin mo ang anumang itatanong ko sa iyo at huwag kang maglihim.” Sumagot ang babae: “Pakisuyo, magsalita ang panginoon kong hari.” 19 Itinanong ng hari: “Si Joab ba ang nag-utos sa iyo na gawin ito?”+ Sumagot ang babae: “Sumusumpa ako sa iyo,* O panginoon kong hari, tama ang sinabi ng panginoon kong hari, dahil ang lingkod mong si Joab ang nag-utos sa akin at nagturo ng lahat ng sasabihin ng iyong lingkod. 20 Ginawa ito ng lingkod mong si Joab para mabago ang tingin mo sa sitwasyon, pero ang panginoon ko ay may karunungang gaya ng sa anghel ng tunay na Diyos at alam mo ang lahat ng nangyayari sa lupain.”
21 Pagkatapos, sinabi ng hari kay Joab: “Sige, gagawin ko ito.+ Puntahan mo at sunduin si Absalom.”+ 22 Dahil dito, sumubsob si Joab para magbigay-galang at pinuri niya ang hari. Sinabi ni Joab: “Alam na ngayon ng lingkod mo na nalulugod ka sa akin, O panginoon kong hari, dahil pinagbigyan ng hari ang hiling ng lingkod niya.” 23 Pagkatapos, tumayo si Joab at pumunta sa Gesur+ at dinala si Absalom sa Jerusalem. 24 Pero sinabi ng hari: “Makababalik siya sa bahay niya, pero hindi siya puwedeng humarap sa akin.” Kaya bumalik si Absalom sa bahay niya, at hindi siya humarap sa hari.
25 Sa buong Israel, si Absalom ang pinakahinahangaan dahil sa kaguwapuhan. Mula ulo hanggang paa, walang maipipintas sa kaniya. 26 Kapag ginugupit niya ang buhok niya—kailangan niya itong gupitin taon-taon dahil napakabigat nito para sa kaniya—ang timbang ng buhok niya sa ulo ay 200 siklo* ayon sa batong panimbang ng palasyo.* 27 Si Absalom ay nagkaroon ng tatlong anak na lalaki+ at isang anak na babae na ang pangalan ay Tamar. At napakaganda niyang babae.
28 At si Absalom ay patuloy na nanirahan sa Jerusalem nang dalawang taon, pero hindi siya humarap sa hari.+ 29 Kaya ipinatawag ni Absalom si Joab para isugo ito sa hari, pero hindi pumupunta sa kaniya si Joab. Ipinatawag niya ito ulit, sa ikalawang pagkakataon, pero ayaw pa rin nitong pumunta. 30 Kaya sinabi niya sa mga lingkod niya: “Magkatabi ang bukid namin ni Joab, at mayroon siyang sebada roon. Puntahan ninyo iyon at sunugin.” Kaya sinunog ng mga lingkod ni Absalom ang bukid. 31 Dahil dito, pumunta si Joab sa bahay ni Absalom at sinabi niya rito: “Bakit sinunog ng mga lingkod mo ang bukid ko?” 32 Sinabi ni Absalom kay Joab: “Nagpadala ako ng ganitong mensahe sa iyo, ‘Magpunta ka rito at isusugo kita sa hari para itanong: “Bakit pa ako umalis sa Gesur para pumunta rito?+ Mas mabuti pang nanatili na lang ako roon. Ngayon ay hayaan mo akong humarap sa hari, at kung may kasalanan ako, patayin niya ako.”’”
33 Kaya pumunta si Joab sa hari para sabihin ito. Pagkatapos, tinawag nito si Absalom, na pumunta naman sa hari at lumuhod at sumubsob sa harap ng hari. At hinalikan ng hari si Absalom.+