Unang Samuel
18 Matapos makipag-usap si David kay Saul, naging matalik na magkaibigan sina Jonatan+ at David, at minahal ni Jonatan si David na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sarili.+ 2 Mula nang araw na iyon, kinuha na ni Saul si David bilang lingkod niya, at hindi na niya ito pinahintulutang bumalik sa bahay ng ama nito.+ 3 At si Jonatan at si David ay gumawa ng isang tipan,+ dahil minahal niya ito na gaya ng sarili niya.+ 4 Hinubad ni Jonatan ang kaniyang damit na walang manggas at ibinigay ito kay David, pati ang kaniyang kasuotang pandigma, espada, pana, at sinturon. 5 Saanman isugo ni Saul si David para makipaglaban ay nagtatagumpay ito.*+ Kaya ginawa niya itong pinuno ng hukbo,+ at ikinatuwa ito ng buong bayan at ng mga lingkod ni Saul.
6 Tuwing magbabalik si David at ang mga kasama niya mula sa pagpapabagsak sa mga Filisteo, lumalabas ang mga babae mula sa lahat ng lunsod ng Israel. Masaya silang umaawit+ at sumasayaw sa pagsalubong kay Haring Saul, habang tumutugtog ng mga tamburin+ at laud.* 7 Ang mga babaeng nagdiriwang ay umaawit ng ganito:
“Si Saul ay nagpabagsak ng libo-libo,
At si David ay ng sampu-sampung libo.”+
8 Dahil dito, galit na galit+ si Saul, at nainis siya sa awit na ito. Sinabi niya: “Sinabi nilang sampu-sampung libo ang pinabagsak ni David, pero ako, libo-libo lang. Kulang na lang, gawin nila siyang hari!”+ 9 Mula noon, lagi nang naghihinala si Saul kay David.
10 Nang sumunod na araw, hinayaan ng Diyos na mapangibabawan si Saul ng masamang kaisipan,*+ at nagsimula siyang kumilos nang kakaiba* sa loob ng bahay, habang tumutugtog si David ng alpa+ gaya ng dati. May hawak na sibat si Saul,+ 11 at inihagis niya ang sibat.+ Sinabi niya sa sarili: ‘Itutuhog ko si David sa dingding!’ Pero dalawang beses siyang natakasan ni David. 12 Natakot si Saul kay David dahil si Jehova ay sumasakaniya,+ pero si Saul ay iniwan ng Diyos.+ 13 Kaya inilayo ni Saul si David at ginawa itong pinuno ng isang libo, at pinangungunahan ni David ang hukbo sa pakikipaglaban.*+ 14 Si David ay laging nagtatagumpay*+ sa lahat ng ginagawa niya, at si Jehova ay sumasakaniya.+ 15 At nang makita ni Saul na lubhang matagumpay si David, natakot siya rito. 16 Pero mahal ng buong Israel at Juda si David, dahil pinangungunahan niya sila sa mga labanan.
17 Nang maglaon, sinabi ni Saul kay David: “Heto ang panganay kong anak na si Merab.+ Ibibigay ko siya sa iyo bilang asawa.+ Pero patuloy mo akong paglingkuran nang buong tapang at ipakipaglaban mo ang mga digmaan ni Jehova.”+ Iniisip ni Saul: ‘Hindi ko siya sasaktan. Ang mga Filisteo ang magpapabagsak sa kaniya.’+ 18 Sumagot si David kay Saul: “Sino ako at sino ang mga kamag-anak ko, ang pamilya ng aking ama sa Israel, para maging manugang ako ng hari?”+ 19 Pero nang panahon na para ibigay kay David ang anak ni Saul na si Merab, naibigay na ito kay Adriel+ na Meholatita bilang asawa.
20 Ngayon, ang anak ni Saul na si Mical+ ay umiibig kay David. May nagsabi nito kay Saul, at ikinatuwa niya ito. 21 Kaya sinabi ni Saul: “Ibibigay ko siya kay David para maging pain sa kaniya at mapatay siya ng mga Filisteo.”+ Sinabi ngayon ni Saul kay David sa ikalawang pagkakataon: “Magiging manugang kita ngayon.”* 22 Iniutos din ni Saul sa mga lingkod niya: “Kausapin ninyo nang palihim si David at sabihin, ‘Natutuwa sa iyo ang hari at ang lahat ng lingkod niya. Kaya pakasalan mo na ang anak ng hari.’” 23 Nang sabihin ito kay David ng mga lingkod ni Saul, sinabi ni David: “Sa tingin ba ninyo, simpleng bagay lang ang maging manugang ng hari? Mahirap lang ako at walang maipagmamalaki.”+ 24 Pagkatapos, sinabi kay Saul ng mga lingkod niya: “Ito ang sinabi ni David.”
25 Kaya sinabi ni Saul: “Ito ang sasabihin ninyo kay David, ‘Hindi humihingi ng dote+ ang hari, kundi ng 100 dulong-balat+ ng mga Filisteo, bilang paghihiganti sa mga kaaway ng hari.’” Pakana ito ni Saul para mapatay si David ng mga Filisteo. 26 Nang sabihin ito kay David ng mga lingkod ni Saul, gusto na niyang maging manugang ng hari.+ Bago ang itinakdang panahon, 27 nakipaglaban si David at ang mga tauhan niya at nakapagpabagsak sila ng 200 lalaking Filisteo, at dinala ni David ang mga dulong-balat ng lahat ng lalaking ito, para maging manugang siya ng hari. Kaya ibinigay ni Saul kay David ang anak niyang si Mical bilang asawa.+ 28 Nakita ni Saul na pinapatnubayan ni Jehova si David+ at na mahal ito ng anak niyang si Mical.+ 29 Kaya lalong natakot si Saul kay David, at naging kaaway siya ni David hanggang sa mamatay siya.+
30 Ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nakikipagdigma sa kanila, pero sa bawat pagkakataon ay nagiging mas matagumpay* si David kaysa sa lahat ng lingkod ni Saul;+ at nakilala ang pangalan niya.+