Unang Samuel
27 Pero sinabi ni David sa sarili: “Darating ang araw na papatayin ako ni Saul. Mabuti pang tumakas na ako+ papunta sa lupain ng mga Filisteo para tumigil na si Saul sa paghahanap sa akin sa buong teritoryo ng Israel+ at makatakas ako mula sa kamay niya.” 2 Kaya si David at ang 600 tauhan niya+ ay nagpunta sa hari ng Gat na si Akis,+ na anak ni Maoc. 3 Si David at ang mga tauhan niya, pati ang mga pamilya nila, ay nanirahan sa Gat kasama ni Akis. Kasama ni David ang dalawa niyang asawa, si Ahinoam+ ng Jezreel at si Abigail+ na Carmelita, ang biyuda ni Nabal. 4 Nang ibalita kay Saul na tumakas si David papuntang Gat, tumigil na siya sa paghahanap kay David.+
5 Pagkatapos, sinabi ni David kay Akis: “Kung nalulugod ka sa akin, pakisuyong bigyan mo ako ng isang lupain sa isa sa maliliit na lunsod, at doon ako titira. Bakit maninirahang kasama mo sa maharlikang lunsod ang iyong lingkod?” 6 Ibinigay ni Akis sa kaniya ang Ziklag+ nang araw na iyon. Kaya hanggang sa araw na ito, ang Ziklag ay pag-aari ng mga hari ng Juda.
7 Tumira si David sa maliit na lunsod ng mga Filisteo sa loob ng isang taon at apat na buwan.+ 8 Nang panahong iyon, nilulusob ni David at ng mga tauhan niya ang mga Gesurita,+ Girzita, at Amalekita,+ dahil nakatira ang mga ito mula sa Telam hanggang sa Sur+ at hanggang sa lupain ng Ehipto. 9 Kapag sinasalakay ni David ang lupain, wala siyang pinaliligtas na lalaki o babae,+ pero kinukuha niya ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at mga damit. Pagkatapos ay bumabalik siya kay Akis. 10 Tinatanong siya ni Akis: “Saan kayo sumalakay ngayon?” Sumasagot si David: “Sa timog* ng Juda”+ o “Sa timog ng mga Jerameelita”+ o “Sa timog ng mga Kenita.”+ 11 Lahat ng lalaki o babae ay pinapatay ni David para wala siyang dalhin sa Gat. Sinasabi niya: “Para walang magsumbong tungkol sa atin at magsabi, ‘Ganito ang ginawa ni David.’” (At ganoon ang ginagawa niya sa buong panahong nakatira siya sa maliit na lunsod ng mga Filisteo.) 12 Kaya pinaniwalaan ni Akis si David. Sinasabi niya sa sarili: ‘Siguradong kinasusuklaman na siya ngayon ng bayan niyang Israel, kaya magiging lingkod ko siya habang panahon.’