Mga Hukom
7 Pagkatapos, si Jerubaal, na siyang si Gideon,+ at ang buong bayan na kasama niya ay bumangon nang maaga. Nagkampo sila sa may Bukal ng Harod samantalang nasa hilaga nito ang kampo ng Midian, sa lambak* na malapit sa burol ng More. 2 Sinabi ngayon ni Jehova kay Gideon: “Napakarami mong kasamang mandirigma.+ Kung ibibigay ko ang Midian sa kamay nila, baka magyabang sa akin ang Israel at magsabi, ‘Iniligtas ako ng sarili kong kamay.’+ 3 Kaya pakisuyo, sabihin mo sa kanila: ‘Ang sinumang natatakot at nanginginig ay makakauwi na.’”+ Nang sabihin ito ni Gideon, 22,000 ang umuwi, at 10,000 ang naiwan.
4 Pero sinabi ni Jehova kay Gideon: “Napakarami pa rin nila. Papuntahin mo sila sa batis para masubok ko sila roon para sa iyo. Kapag sinabi ko sa iyo, ‘Ang isang ito ay sasama sa iyo,’ isasama mo siya, pero kapag sinabi ko sa iyo, ‘Ang isang ito ay hindi sasama sa iyo,’ hindi mo siya isasama.” 5 Kaya dinala niya sa batis ang mga mandirigma.
Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Gideon: “Ang lahat ng humihimod ng tubig mula sa kamay niya, kung paanong hinihimod ng aso ang tubig, ay ihiwalay mo sa mga lumuluhod at sumusubsob para uminom.” 6 Ang bilang ng mga humimod ng tubig, na uminom sa kanilang kamay, ay 300. Ang iba naman ay lumuhod at sumubsob para uminom.
7 Sinabi ngayon ni Jehova kay Gideon: “Ililigtas ko kayo sa pamamagitan ng 300 lalaki na humimod ng tubig, at ibibigay ko ang Midian sa kamay mo.+ Pero ang lahat ng iba pang mandirigma ay makakauwi na.” 8 Kaya 300 mandirigma lang ang pinaiwan ni Gideon at pinauwi niya ang iba pang lalaki sa Israel matapos nilang kunin ang mga pagkain at tambuli ng mga ito. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa lambak.+
9 Nang gabing iyon, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Bumangon ka, salakayin mo ang kampo, dahil ibinigay ko na iyon sa kamay mo.+ 10 Pero kung natatakot kang sumalakay, bumaba ka sa kampo kasama ng tagapaglingkod mong si Pura. 11 Pakinggan mo ang mga sinasabi nila, at lalakas ang loob* mo na salakayin ang kampo.” Kaya siya at ang tagapaglingkod niyang si Pura ay bumaba papunta sa hangganan ng nagkakampong hukbo.
12 Ngayon ang lambak ay punô ng mga Midianita, Amalekita, at ng lahat ng taga-Silangan.+ Kasindami sila ng mga balang, at napakarami ng mga kamelyo nila,+ kasindami ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat. 13 Pagdating doon ni Gideon, may isang lalaking nagkukuwento ng panaginip niya sa kasama niya. Sinabi ng lalaki: “Ganito ang napanaginipan ko. May isang bilog na tinapay na sebada na gumugulong papunta sa kampo ng Midian. Tumama ito nang napakalakas sa isang tolda kaya bumagsak ito.+ Oo, tumaob ang tolda at nawasak.” 14 Sumagot ang kasama niya: “Tiyak na iyon ang espada ni Gideon+ na anak ni Joas, na isang Israelita. Ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong kampo sa kamay niya.”+
15 Nang marinig ni Gideon ang kuwento ng lalaki tungkol sa panaginip nito at ang paliwanag dito,+ yumukod siya para sumamba. Pagkatapos, bumalik siya sa kampo ng Israel at nagsabi: “Bangon na, dahil ibinigay ni Jehova ang kampo ng Midian sa inyong kamay.” 16 Pagkatapos, hinati niya sa tatlong grupo ang 300 lalaki at binigyan silang lahat ng tambuli+ at malaking banga na may sulo sa loob. 17 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Pagmasdan ninyo ako at gayahin ninyo ang gagawin ko. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, gawin ninyo ang gagawin ko. 18 Kapag hinipan ko at ng mga kasama ko ang mga tambuli, hipan din ninyo ang mga tambuli sa kinatatayuan ninyo sa palibot ng kampo, at sumigaw kayo, ‘Para kay Jehova at kay Gideon!’”
19 Si Gideon at ang 100 lalaking kasama niya ay nakarating sa hangganan ng kampo bago maghatinggabi,* noong katatapos lang magpalitan ng mga bantay. Hinipan nila ang mga tambuli+ at binasag ang hawak nilang malalaking bangang pantubig.+ 20 Kaya hinipan ng tatlong grupo ang mga tambuli at binasag ang malalaking banga. Hawak nila sa kaliwang kamay ang mga sulo habang hinihipan ang mga tambuli na nasa kanang kamay nila. At sumigaw sila: “Ang espada ni Jehova at ni Gideon!” 21 Ang bawat isa sa kanila ay nanatiling nakatayo sa kani-kaniyang puwesto sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan, na sumisigaw habang tumatakas.+ 22 Patuloy na hinipan ng 300 mandirigma ang mga tambuli, at pinaglaban-laban ni Jehova ang mga lalaki sa buong kampo at sila-sila ang nagpatayan;+ at ang hukbo ay tumakas sa Bet-sita, hanggang sa Zerera, at sa mga hangganan ng Abel-mehola,+ na malapit sa Tabat.
23 At tinawag ang mga lalaki ng Israel mula sa Neptali, Aser, at sa buong Manases,+ at hinabol nila ang Midian. 24 Nagsugo si Gideon ng mga mensahero sa buong mabundok na rehiyon ng Efraim para sabihin: “Bumaba kayo at salakayin ang Midian, at unahan ninyo sila sa Bet-bara at sa Ilog Jordan, at pabantayan ninyo ang mga tawiran nito.” Kaya nagsama-sama ang mga lalaki ng Efraim, at nauna sila sa Bet-bara at sa Ilog Jordan at pinabantayan ang mga tawiran nito. 25 Nabihag din nila ang dalawang matataas na opisyal ng Midian, sina Oreb at Zeeb; pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb,+ at pinatay nila si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Patuloy nilang hinabol ang Midian,+ at ang ulo nina Oreb at Zeeb ay dinala nila kay Gideon sa rehiyon ng Jordan.