Deuteronomio
3 “Pagkatapos, lumiko tayo at dumaan sa Daan ng Basan. At si Og, na hari ng Basan, kasama ang buong hukbo niya ay nakipagdigma sa atin sa Edrei.+ 2 Kaya sinabi ni Jehova sa akin, ‘Huwag kang matakot sa kaniya, dahil siya at ang buong bayan niya at lupain ay ibibigay ko sa iyo, at gagawin mo sa kaniya ang gaya ng ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amorita, na nakatira noon sa Hesbon.’ 3 Kaya ibinigay rin sa atin ng Diyos nating si Jehova si Haring Og ng Basan at ang buong bayan niya, at pinabagsak natin sila hanggang sa wala nang matirang buháy sa kanila. 4 At wala tayong itinirang bayan sa kanila. Sinakop natin ang lahat ng lunsod—60 lunsod, ang buong rehiyon ng Argob, na kaharian ni Og sa Basan.+ 5 Ang lahat ng lunsod na ito ay may matataas na pader, mga pintuang-daan, at halang. Sinakop din natin ang napakaraming maliliit na bayan. 6 Pero winasak natin* ang mga iyon,+ gaya ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Hesbon. Winasak natin ang bawat lunsod at pinatay ang mga lalaki, babae, at bata.+ 7 At kinuha natin ang lahat ng alagang hayop at samsam sa mga lunsod.
8 “Kinuha natin noon ang lupain ng dalawang Amoritang hari+ na nasa rehiyon ng Jordan, mula sa Lambak* ng Arnon hanggang sa Bundok Hermon+ 9 (ang bundok na tinatawag noon na Sirion ng mga Sidonio at Senir ng mga Amorita), 10 ang lahat ng lunsod sa talampas, ang buong Gilead, at ang buong Basan hanggang sa Saleca at Edrei,+ na mga lunsod ng kaharian ni Og sa Basan. 11 Si Haring Og ng Basan ang pinakahuling Repaim. Gawa sa bakal* ang kabaong* niya, at naroon pa rin iyon sa Raba ng mga Ammonita. Siyam na siko* ang haba nito at apat na siko ang lapad, ayon sa karaniwang sukat. 12 Ito ang lupaing kinuha natin noon: mula sa Aroer,+ na nasa tabi ng Lambak* ng Arnon, at ang kalahati ng mabundok na rehiyon ng Gilead, at ibinigay ko ang mga lunsod nito sa mga Rubenita at sa mga Gadita.+ 13 At ang natira sa Gilead at ang lahat ng sakop ng kaharian ni Og sa Basan ay ibinigay ko sa kalahati ng tribo ni Manases.+ Ang buong rehiyon ng Argob, na nasa Basan, ay tinatawag noon na lupain ng mga Repaim.
14 “Kinuha ni Jair+ na anak ni Manases ang buong rehiyon ng Argob+ hanggang sa hangganan ng mga Gesurita at ng mga Maacateo+ at ang mga nayong iyon ng Basan ay isinunod sa pangalan niya, Havot-jair,*+ hanggang sa araw na ito. 15 At ibinigay ko ang Gilead kay Makir.+ 16 At sa mga Rubenita at sa mga Gadita,+ ibinigay ko ang mula sa Gilead hanggang sa Lambak* ng Arnon (ang gitna ng lambak ang hangganan), at hanggang sa Jabok, ang lambak na hangganan ng mga Ammonita, 17 at ang Araba at ang Jordan at ang baybayin nito, mula sa Kineret hanggang sa Dagat ng Araba, na Dagat Asin,* na nasa paanan ng mga dalisdis ng Pisga sa silangan.+
18 “Kaya iniutos ko sa inyo: ‘Ibinigay na ng Diyos ninyong si Jehova ang lupaing ito para kunin ninyo bilang pag-aari. Maghahanda ang lahat ng inyong matatapang na lalaki para makipagdigma, at mauuna silang tumawid sa inyong mga kapatid, ang mga Israelita.+ 19 Ang maiiwan lang para tumira sa mga lunsod na ibinigay ko sa inyo ay ang inyong mga asawa, anak, at alagang hayop (alam kong napakarami ninyong alagang hayop), 20 hanggang sa bigyan ni Jehova ng kapahingahan ang mga kapatid ninyo, gaya ng ginawa niya para sa inyo, at makuha rin nila ang lupain sa kabila ng Jordan na ibibigay sa kanila ng Diyos ninyong si Jehova. Pagkatapos, babalik kayo sa pag-aaring ibinigay ko sa inyo.’+
21 “Inutusan ko noon si Josue:+ ‘Nakita mo mismo ang ginawa ng Diyos ninyong si Jehova sa dalawang haring ito. Ganiyan din ang gagawin ni Jehova sa lahat ng kaharian na makakalaban mo pagtawid mo.+ 22 Huwag kayong matakot sa kanila dahil ang Diyos ninyong si Jehova ang makikipaglaban para sa inyo.’+
23 “Nakiusap ako noon kay Jehova, 24 ‘O Kataas-taasang Panginoong Jehova, ipinakita mo sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at malakas na bisig;+ sinong diyos sa langit o sa lupa ang makapapantay sa makapangyarihan mong mga gawa?+ 25 Pakisuyo, hayaan mo akong tumawid at makita ang magandang lupain sa kabila ng Jordan, ang mabundok na rehiyong ito at ang Lebanon.’+ 26 Pero galit na galit pa rin sa akin si Jehova dahil sa inyo,+ at ayaw niyang makinig sa akin. Sinabi ni Jehova, ‘Tama na! Huwag mo na akong kausapin tungkol diyan. 27 Umakyat ka sa itaas ng Pisga;+ tumingin ka sa kanluran, hilaga, timog, at silangan, at tanawin mo ang lupain dahil hindi ka tatawid sa Jordang ito.+ 28 Atasan mo si Josue;+ patibayin mo siya at palakasin dahil siya ang mangunguna sa bayang ito sa pagtawid+ at sa pagkuha ng lupaing matatanaw mo.’ 29 Nangyari ang lahat ng ito noong naninirahan tayo sa lambak sa tapat ng Bet-peor.+