Mga Bilang
22 Pagkatapos, umalis ang mga Israelita at nagkampo sa mga tigang na kapatagan ng Moab, sa panig ng Jordan na katapat ng Jerico.+ 2 At nakita ni Balak+ na anak ni Zipor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amorita, 3 at takot na takot ang Moab sa bayan dahil napakarami nila; ang Moab ay nanghina dahil sa takot sa mga Israelita.+ 4 Kaya sinabi ng Moab sa matatandang lalaki ng Midian:+ “Uubusin ng bayang* ito ang lahat ng nakapalibot sa atin, gaya ng pag-ubos ng toro sa damo sa parang.”
Si Balak na anak ni Zipor ang hari ng Moab nang panahong iyon. 5 Nagsugo siya ng mga mensahero kay Balaam na anak ni Beor sa Petor,+ na nasa tabi ng Ilog* sa lupain nito. Ipinatawag niya ito at ipinasabi: “Tingnan mo! Isang bayan ang lumabas sa Ehipto. Tinakpan nila ang ibabaw ng lupa,+ at naninirahan sila sa mismong harap ko. 6 Kaya pakisuyo, pumunta ka rito at sumpain ang bayang ito para sa akin+ dahil mas malakas sila kaysa sa akin. Baka sakaling matalo ko sila at mapalayas sa lupain, dahil alam na alam ko na ang sinumang pagpalain mo ay talagang pinagpapala at ang sinumang sumpain mo ay talagang tumatanggap ng sumpa.”
7 Kaya pumunta kay Balaam ang matatandang lalaki ng Moab at ng Midian dala ang bayad para sa pagsumpa,*+ at sinabi nila sa kaniya ang mensahe ni Balak. 8 Sinabi niya: “Dito na kayo magpalipas ng gabi, at sasabihin ko sa inyo ang anumang sabihin ni Jehova sa akin.” Kaya nanatili ang mga opisyal ng Moab kasama ni Balaam.
9 At nagpakita ang Diyos kay Balaam, at sinabi niya:+ “Sino ang mga lalaking ito na kasama mo?” 10 Sinabi ni Balaam sa tunay na Diyos: “May ipinaabot na mensahe sa akin si Balak, na anak ni Zipor at hari ng Moab, 11 ‘Tingnan mo! Natakpan ng bayang lumabas sa Ehipto ang ibabaw ng lupa. Kaya pumunta ka rito at sumpain mo sila para sa akin.+ Baka malabanan ko sila at mapalayas.’” 12 Pero sinabi ng Diyos kay Balaam: “Huwag kang sumama sa kanila. Huwag mong susumpain ang bayan, dahil pinagpala sila.”+
13 Nang magising si Balaam kinaumagahan, sinabi niya sa mga opisyal ni Balak: “Bumalik na kayo sa inyong lupain dahil hindi ako pinayagan ni Jehova na sumama sa inyo.” 14 Kaya bumalik kay Balak ang mga opisyal ng Moab, at sinabi nila: “Ayaw sumama sa amin ni Balaam.”
15 Pero nagsugo ulit si Balak ng mga opisyal, mas marami at mas prominente kaysa sa unang grupo. 16 Pumunta sila kay Balaam, at sinabi nila: “Ito ang sinabi ni Balak na anak ni Zipor, ‘Pakiusap, huwag mong hayaang may makapigil sa iyo sa pagpunta sa akin, 17 dahil bibigyan kita ng malaking gantimpala at gagawin ko ang lahat ng sabihin mo. Kaya pakiusap, pumunta ka at sumpain mo ang bayang ito para sa akin.’” 18 Pero sumagot si Balaam sa mga lingkod ni Balak: “Ibigay man sa akin ni Balak ang bahay niya na punô ng pilak at ginto, hindi pa rin ako makalilihis sa utos ni Jehova na aking Diyos kahit kaunti.+ 19 Pero dito muna kayo ngayong gabi para malaman ko kung ano pa ang sasabihin ni Jehova sa akin.”+
20 Pagkatapos, kinausap ng Diyos si Balaam noong gabi: “Kung sinusundo ka ng mga lalaking ito, sumama ka sa kanila. Pero ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang puwede mong sabihin.”+ 21 Kaya bumangon si Balaam kinaumagahan, inihanda ang asno niya, at sumama sa mga opisyal ng Moab.+
22 Pero galit na galit ang Diyos dahil sumama siya, at tumayo sa daan ang anghel ni Jehova para pigilan siya. Nakasakay noon si Balaam sa asno niya at kasama niya ang dalawang lingkod niya. 23 At nang makita ng asno ang anghel ni Jehova na nakatayo sa daan at may hawak na espada, lumihis ito sa daan papunta sa parang. Pero pinagpapalo ni Balaam ang asno para bumalik ito sa daan. 24 Pagkatapos, tumayo ang anghel ni Jehova sa makipot na daan sa pagitan ng dalawang ubasan, na may batong pader sa magkabilang panig. 25 Nang makita ng asno ang anghel ni Jehova, sumiksik ito sa pader at naipit ang paa ni Balaam, kaya pinagpapalo niya ulit ito.
26 Umalis ang anghel ni Jehova at tumayo ulit sa isang makipot na daan, kung saan wala nang madadaanan, sa kanan man o kaliwa. 27 Nang makita ng asno ang anghel ni Jehova, sumalampak ito habang nakasakay si Balaam, kaya galit na galit si Balaam at pinagpapalo niya ng tungkod ang asno. 28 Kaya pinagsalita na ni Jehova ang asno,+ at sinabi nito kay Balaam: “Ano ba ang ginawa ko sa iyo at tatlong beses mo na akong pinapalo?”+ 29 Sinagot ni Balaam ang asno: “Pinaglalaruan mo kasi ako. Kung may hawak lang akong espada, pinatay na kita!” 30 Sinabi ng asno kay Balaam: “Hindi ba buong buhay mo, ako lang ang sinasakyan mong asno? Dati ko na bang ginawa ito sa iyo?” Sumagot siya: “Hindi!” 31 At binuksan ni Jehova ang mga mata ni Balaam+ kaya nakita niya ang anghel ni Jehova na nakatayo sa daan at may hawak na espada. Agad siyang yumukod at sumubsob sa lupa.
32 Sinabi ng anghel ni Jehova: “Bakit tatlong beses mong pinagpapalo ang asno mo? Nandito ako para pigilan ka, kasi salungat sa kalooban ko ang ginagawa mo.+ 33 Nakita ako ng asno at tatlong beses akong iniwasan nito.+ Isipin mo na lang kung hindi ito umiwas! Tiyak na napatay na kita pero hindi ang asno.” 34 Sinabi ni Balaam sa anghel ni Jehova: “Nagkasala ako; hindi ko alam na ikaw ang nakatayo sa daan para salubungin ako. Ngayon, kung hindi mo gustong sumama ako sa mga taong ito, babalik na ako.” 35 Pero sinabi ng anghel ni Jehova kay Balaam: “Sumama ka sa mga lalaki, pero ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang puwede mong sabihin.” Kaya patuloy na naglakbay si Balaam kasama ng mga opisyal ni Balak.
36 Nang marinig ni Balak na sumama si Balaam, agad niya itong sinalubong sa lunsod ng Moab, na nasa pampang ng Arnon sa hangganan ng teritoryo. 37 Sinabi ni Balak kay Balaam: “Hindi ba ipinasundo kita? Bakit hindi ka pumunta sa akin? Iniisip mo ba na hindi kita kayang bigyan ng malaking gantimpala?”+ 38 Sumagot si Balaam kay Balak: “Nandito na ako. Pero ano ba ang puwede kong sabihin? Kung ano lang ang sabihin sa akin ng Diyos, iyon lang ang masasabi ko.”+
39 At sumama si Balaam kay Balak papuntang Kiriat-huzot. 40 Naghain si Balak ng mga baka at tupa, at binigyan niya nito si Balaam at ang mga kasama nitong opisyal. 41 Kinaumagahan, isinama ni Balak si Balaam sa Bamot-baal; mula roon, makikita nito ang buong bayan.+