Esther
4 Nang malaman ni Mardokeo+ ang lahat ng nangyari,+ pinunit niya ang damit niya at nagsuot siya ng telang-sako at naglagay ng abo sa sarili. Pagkatapos, lumabas siya papunta sa gitna ng lunsod, na umiiyak nang malakas dahil sa matinding kalungkutan. 2 Hanggang sa labas lang siya ng pintuang-daan ng hari dahil hindi puwedeng pumasok doon ang nakasuot ng telang-sako. 3 At sa bawat nasasakupang distrito+ kung saan nakaabot ang kautusan ng hari, ang mga Judio ay labis na nagdadalamhati. Sila ay nag-aayuno,*+ umiiyak, at humahagulgol. Marami ang nakahiga sa mga telang-sako at abo.+ 4 Nang magpunta kay Esther ang mga tagapaglingkod niyang babae at lalaki* at ibalita ang nangyari, nalungkot nang husto ang reyna. Pagkatapos ay nagpadala siya kay Mardokeo ng mga damit na pamalit sa suot nitong telang-sako, pero ayaw itong tanggapin ni Mardokeo. 5 Kaya ipinatawag ni Esther si Hatac, isa sa mga tagapaglingkod* ng hari na inatasang maglingkod sa reyna, at inutusan itong tanungin si Mardokeo kung bakit niya ginagawa iyon at kung ano ang nangyayari.
6 Kaya pinuntahan ni Hatac si Mardokeo sa liwasan* ng lunsod na nasa harap ng pintuang-daan ng hari. 7 Sinabi ni Mardokeo kay Hatac ang lahat ng nangyari sa kaniya at ang eksaktong halaga+ na ipinangako ni Haman na ibibigay sa kabang-yaman ng hari para sa paglipol sa mga Judio.+ 8 Nagbigay rin siya ng kopya ng kautusang mula sa Susan*+ tungkol sa paglipol sa kanila. Ibinilin niyang ipakita ito at ipaliwanag kay Esther at sabihin sa reyna+ na lumapit mismo sa hari para humingi ng tulong at makiusap para sa kaniyang bayan.
9 Bumalik si Hatac at ibinalita niya kay Esther ang mga sinabi ni Mardokeo. 10 Inutusan naman ni Esther si Hatac na sabihin kay Mardokeo:+ 11 “Alam ng lahat ng lingkod ng hari at ng mga mamamayan sa mga distritong sakop ng hari na may iisang batas na ipinatutupad para sa sinumang lalaki o babae na papasok sa looban ng palasyo+ nang hindi ipinapatawag ng hari: Papatayin siya, malibang iunat sa kaniya ng hari ang gintong setro.+ At ako, 30 araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Nang sabihin kay Mardokeo ang mensahe ni Esther, 13 ipinasabi niya kay Esther: “Huwag mong isipin na makaliligtas ka sa paglipol sa mga Judio dahil nasa sambahayan ka ng hari. 14 Kung mananahimik ka sa panahong ito, tiyak na may ibang tutulong at magliligtas sa mga Judio,+ pero ikaw at ang angkan ng iyong ama ay malilipol. Ano’ng malay mo? Baka ito ang dahilan kaya ka naging reyna.”+
15 Sumagot si Esther kay Mardokeo: 16 “Sige, tipunin mo ang lahat ng Judio sa Susan* at mag-ayuno kayo+ para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw,+ gabi at araw. Ako at ang mga tagapaglingkod kong babae ay mag-aayuno rin. Haharap ako sa hari, kahit labag sa batas. At kung kailangan kong mamatay, handa akong mamatay.” 17 Kaya umalis si Mardokeo at ginawa ang lahat ng iniutos ni Esther sa kaniya.