Ikalawang Samuel
2 Pagkatapos, nagtanong si David kay Jehova:+ “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Pumunta ka.” At sinabi ni David: “Saan pong lunsod?” Sumagot siya: “Sa Hebron.”+ 2 Kaya nagpunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawa, si Ahinoam+ ng Jezreel at si Abigail+ na biyuda ni Nabal na Carmelita. 3 Isinama rin ni David ang mga tauhan niya+ at ang kani-kanilang pamilya, at nanirahan sila sa mga lunsod sa palibot ng Hebron. 4 Pagkatapos, dumating ang mga lalaki ng Juda, at doon ay pinahiran nila ng langis si David bilang hari sa sambahayan ng Juda.+
Sinabi nila kay David: “Ang mga lalaki ng Jabes-gilead ang naglibing kay Saul.” 5 Kaya nagsugo si David ng mga mensahero sa mga lalaki ng Jabes-gilead para sabihin sa kanila: “Pagpalain nawa kayo ni Jehova, dahil nagpakita kayo ng tapat na pag-ibig sa panginoon ninyong si Saul nang ilibing ninyo siya.+ 6 Pagpakitaan nawa kayo ni Jehova ng tapat na pag-ibig at ng katapatan. Magpapakita rin ako sa inyo ng kabaitan dahil ginawa ninyo iyon.+ 7 Ngayon ay magpakatatag kayo* at magpakatapang, dahil ang panginoon ninyong si Saul ay patay na, at pinahiran ako ng langis ng sambahayan ng Juda bilang hari nila.”
8 Pero kinuha ni Abner,+ na anak ni Ner at pinuno ng hukbo ni Saul, ang anak ni Saul na si Is-boset,+ at itinawid niya ito ng ilog papunta sa Mahanaim+ 9 at ginawang hari sa Gilead,+ sa mga Ashurita, sa Jezreel,+ sa Efraim,+ sa Benjamin, at sa buong Israel. 10 Si Is-boset, na anak ni Saul, ay 40 taóng gulang nang maging hari sa Israel, at namahala siya sa loob ng dalawang taon. Pero ang sambahayan ng Juda ay sumuporta kay David.+ 11 Si David ay naghari sa Hebron sa sambahayan ng Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan.+
12 Nang maglaon, si Abner na anak ni Ner at ang mga lingkod ni Is-boset, na anak ni Saul, ay lumabas ng Mahanaim+ at nagpunta sa Gibeon.+ 13 Lumabas din si Joab+ na anak ni Zeruias+ at ang mga lingkod ni David, at nagkita sila sa may tipunan ng tubig ng Gibeon; ang isang grupo ay umupo sa isang panig ng tipunan, at ang isa namang grupo ay sa kabilang panig ng tipunan. 14 At sinabi ni Abner kay Joab: “Patayuin natin ang ating mga tauhan at paglabanin sa harap natin.” Sinabi ni Joab: “Sige.” 15 Kaya tumayo at nagsalubong ang dalawang grupo na magkapareho ang bilang: 12 Benjaminita mula sa panig ng anak ni Saul na si Is-boset at 12 mula sa mga lingkod ni David. 16 Sinunggaban nila ang isa’t isa sa ulo, at sinaksak ng bawat isa ang tagiliran ng kalaban niya, at pare-pareho silang nabuwal. Kaya ang lugar na iyon, na nasa Gibeon, ay tinawag na Helkat-hazurim.
17 Napakatindi ng sumunod na labanan nang araw na iyon, at bandang huli ay natalo ng mga lingkod ni David si Abner at ang mga lalaki ng Israel. 18 Naroon ang tatlong anak ni Zeruias+—sina Joab,+ Abisai,+ at Asahel;+ at napakabilis tumakbo ni Asahel, simbilis ng isang gasela* sa parang. 19 Hinabol ni Asahel si Abner, at hindi siya tumigil sa pagtugis dito. 20 Lumingon si Abner at nagtanong, “Ikaw ba iyan, Asahel?” Sumagot ito, “Ako nga.” 21 Sinabi rito ni Abner: “Huwag mo na akong habulin; hulihin mo ang isa sa mga lalaki at kunin mo ang makukuha mo sa kaniya.” Pero ayaw tumigil ni Asahel sa pagtugis sa kaniya. 22 Kaya sinabi ulit ni Abner kay Asahel: “Huwag mo na akong habulin. Baka mapatay kita. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa kapatid mong si Joab?” 23 Pero ayaw tumigil ni Asahel sa paghabol, kaya sinaksak siya ni Abner sa tiyan gamit ang kabilang dulo ng sibat nito+ at tumagos ang sibat sa likod niya; at nabuwal siya roon at namatay. Ang lahat ng dumadaan sa lugar na iyon kung saan nabuwal at namatay si Asahel ay napapatigil.
24 Hinabol nina Joab at Abisai si Abner. Nang papalubog na ang araw, nakarating sila sa burol ng Amma, na nasa tapat ng Gia sa daan papunta sa ilang ng Gibeon. 25 At nagtipon ang mga Benjaminita sa likod ni Abner, at bumuo sila ng isang grupo at pumuwesto sa ibabaw ng isang burol. 26 Pagkatapos, sumigaw si Abner kay Joab: “Hindi ba tayo titigil sa pagpapatayan? Hindi mo ba alam na wala itong ibubunga kundi kasawian? Kailan mo pa sasabihin sa bayan na tumigil na sa pagtugis sa mga kapatid nila?” 27 Sumagot si Joab: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy ang tunay na Diyos, kung hindi ka nagsabi, sa kinaumagahan pa titigil ang bayan sa pagtugis sa mga kapatid nila.” 28 Hinipan ni Joab ang tambuli, at tumigil ang mga tauhan niya sa paghabol sa Israel, at huminto ang labanan.
29 Si Abner naman at ang mga tauhan niya ay naglakad sa Araba+ nang buong gabing iyon, tumawid ng Jordan, dumaan sa dalisdis,* at nakarating sa Mahanaim.+ 30 Pagkatapos tumigil ni Joab sa pagtugis kay Abner, tinipon niya ang buong hukbo. Sa mga lingkod ni David, 19 ang nawala, bukod pa kay Asahel. 31 Pero tinalo ng mga lingkod ni David ang mga Benjaminita at ang mga tauhan ni Abner, at 360 sa mga ito ang namatay. 32 Kinuha nila si Asahel+ at inilibing sa libingan ng kaniyang ama sa Betlehem.+ Pagkatapos, magdamag na naglakad si Joab at ang mga tauhan niya, at nakarating sila sa Hebron+ pagsapit ng bukang-liwayway.