Unang Cronica
15 At patuloy siyang nagtayo ng mga bahay para sa sarili niya sa Lunsod ni David, at naghanda siya ng isang lugar para sa Kaban ng tunay na Diyos at nagtayo ng isang tolda para dito.+ 2 Noon ay sinabi ni David: “Walang sinumang magdadala ng Kaban ng tunay na Diyos kundi ang mga Levita, dahil sila ang pinili ni Jehova para magdala ng Kaban ni Jehova at maglingkod sa kaniya palagi.”+ 3 Pagkatapos, tinipon ni David ang buong Israel sa Jerusalem para dalhin ang Kaban ni Jehova sa lugar na inihanda niya para dito.+
4 Tinipon ni David ang mga inapo ni Aaron+ at ang mga Levita:+ 5 sa mga Kohatita, ang pinunong si Uriel at ang 120 sa mga kapatid niya; 6 sa mga Merarita, ang pinunong si Asaias+ at ang 220 sa mga kapatid niya; 7 sa mga Gersomita, ang pinunong si Joel+ at ang 130 sa mga kapatid niya; 8 sa mga inapo ni Elisapan,+ ang pinunong si Semaias at ang 200 sa mga kapatid niya; 9 sa mga inapo ni Hebron, ang pinunong si Eliel at ang 80 sa mga kapatid niya; 10 sa mga inapo ni Uziel,+ ang pinunong si Aminadab at ang 112 sa mga kapatid niya. 11 Pagkatapos, tinawag ni David ang mga saserdoteng sina Zadok+ at Abiatar+ at ang mga Levitang sina Uriel, Asaias, Joel, Semaias, Eliel, at Aminadab, 12 at sinabi niya sa kanila: “Kayo ang mga ulo ng mga angkan ng mga Levita. Pabanalin ninyo ang inyong sarili, kayo at ang mga kapatid ninyo, at dalhin ninyo ang Kaban ni Jehova na Diyos ng Israel sa lugar na inihanda ko para dito. 13 Noong una itong dalhin, sumiklab ang galit ni Jehova na ating Diyos laban sa atin+ dahil hindi kayo ang nagbuhat nito;+ hindi natin inalam ang tamang pamamaraan.”+ 14 Kaya pinabanal ng mga saserdote at ng mga Levita ang sarili nila para madala nila ang Kaban ni Jehova na Diyos ng Israel.
15 Pagkatapos, binuhat ng mga Levita sa balikat nila ang Kaban ng tunay na Diyos gamit ang mga pingga,*+ gaya ng iniutos ni Moises ayon sa sinabi ni Jehova. 16 Pagkatapos, sinabi ni David sa mga pinuno ng mga Levita na atasan ang mga kapatid nilang mang-aawit na umawit nang masaya, kasabay ng mga instrumentong pangmusika: mga instrumentong de-kuwerdas, alpa,+ at simbalo.*+
17 Kaya inatasan ng mga Levita si Heman+ na anak ni Joel at, mula sa mga kapatid niya, si Asap+ na anak ni Berekias at, mula sa mga Merarita na mga kapatid nila, si Etan+ na anak ni Kusaias. 18 Kasama nila ang mga kapatid nila sa ikalawang pangkat,+ sina Zacarias, Ben, Jaaziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaias, Maaseias, Matitias, Elipelehu, at Mikneias, at sina Obed-edom at Jeiel na mga bantay ng pintuang-daan. 19 Ang mga mang-aawit na sina Heman,+ Asap,+ at Etan ang tumugtog ng mga tansong simbalo;+ 20 at sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maaseias, at Benaias ang tumugtog ng mga instrumentong de-kuwerdas na nakatono sa Alamot;*+ 21 at sina Matitias,+ Elipelehu, Mikneias, Obed-edom, Jeiel, at Azazias ang tumugtog ng mga alpa na nakatono sa Seminit*+ at nagsilbing mga direktor. 22 Si Kenanias+ na pinuno ng mga Levita ang nangasiwa sa pagdadala sa Kaban, dahil bihasa siya, 23 at sina Berekias at Elkana ang mga tagapagbantay ng Kaban. 24 Ang mga saserdoteng sina Sebanias, Josapat, Netanel, Amasai, Zacarias, Benaias, at Eliezer ang humihip nang malakas sa mga trumpeta sa harap ng Kaban ng tunay na Diyos,+ at sina Obed-edom at Jehias ay naging mga tagapagbantay rin ng Kaban.
25 Pagkatapos, si David at ang matatandang lalaki ng Israel at ang mga pinuno ng libo-libo ay sumama sa paglalakad para dalhin nang may pagsasaya ang kaban ng tipan ni Jehova mula sa bahay ni Obed-edom.+ 26 Nang tulungan ng tunay na Diyos ang mga Levita na nagdala ng kaban ng tipan ni Jehova, naghain sila ng pitong batang toro* at pitong lalaking tupa.+ 27 Nakasuot si David ng damit na walang manggas na gawa sa magandang klase ng tela, pati na ang lahat ng Levita na nagdadala ng Kaban, ang mga mang-aawit, at si Kenanias na nangangasiwa sa pagdadala ng Kaban at sa mga mang-aawit; nakasuot din si David ng linong epod.*+ 28 Dinala ng lahat ng Israelita ang kaban ng tipan ni Jehova habang nagsisigawan sila sa tuwa,+ humihihip ng tambuli at mga trumpeta,+ nagpapatunog ng mga simbalo, at malakas na tumutugtog ng mga instrumentong de-kuwerdas at mga alpa.+
29 Pero nang makarating ang kaban ng tipan ni Jehova sa Lunsod ni David,+ ang anak ni Saul na si Mical+ ay dumungaw sa bintana at nakita niya si Haring David na naglululukso at nagdiriwang; at hinamak niya ito sa kaniyang puso.+