Exodo
27 “Gagawa ka ng altar na yari sa kahoy ng akasya;+ limang siko* ang haba at limang siko ang lapad nito. Ang altar ay dapat na parisukat at tatlong siko ang taas.+ 2 Gagawa ka ng mga sungay+ sa tuktok ng apat na kanto nito; ang mga sungay at ang altar ay gagawin mo nang walang dugtong, at babalutan mo ng tanso ang altar.+ 3 Gagawa ka ng mga timba para sa pag-aalis ng abo* nito, pati ng mga pala, mangkok, tinidor, at lalagyan ng baga,* at ang lahat ng kagamitan nito ay gagawin mong yari sa tanso.+ 4 Gagawa ka para sa altar ng isang parilya* na yari sa tanso, at lalagyan mo ito ng apat na argolyang* tanso sa apat na kanto nito. 5 Ilalagay mo iyon sa bandang gitna ng altar, sa ilalim ng panggilid na nakapalibot dito. 6 Gagawa ka para sa altar ng mga pingga* na yari sa kahoy ng akasya, at babalutan mo ng tanso ang mga iyon. 7 Ang mga pingga ay ipapasok sa mga argolya, kaya nasa dalawang gilid ng altar ang mga pingga kapag binubuhat iyon.+ 8 Gagawin mo ang altar na gaya ng isang kahon na yari sa mga tabla. Dapat itong gawin gaya ng ipinakita Niya sa iyo sa bundok.+
9 “Gagawa ka ng looban+ para sa tabernakulo. Para sa timugang bahagi, ang panig na iyon ng looban ay lalagyan ng nakasabit na tabing na gawa sa magandang klase ng pinilipit na lino na 100 siko ang haba.+ 10 Magkakaroon ito ng 20 haligi at 20 may-butas na patungang yari sa tanso. Ang mga kawit ng mga haligi at ang mga pandugtong* nito ay yari sa pilak. 11 Ang haba ng nakasabit na tabing para sa hilagang bahagi ay 100 siko rin; mayroon din itong 20 haligi at 20 may-butas na patungang yari sa tanso, pati mga pilak na kawit at pandugtong* para sa mga haligi. 12 Ang haba ng nakasabit na tabing sa kanlurang bahagi ng looban ay 50 siko; mayroon itong 10 haligi at 10 may-butas na patungan. 13 Ang lapad ng silangang bahagi ng looban na nakaharap sa sikatan ng araw ay 50 siko. 14 Ang nakasabit na tabing sa isang panig nito ay 15 siko; mayroon itong tatlong haligi at tatlong may-butas na patungan.+ 15 At ang nakasabit na tabing sa kabilang panig nito ay 15 siko; mayroon itong tatlong haligi at tatlong may-butas na patungan.
16 “Ang pasukan ng looban ay dapat lagyan ng pantabing* na 20 siko ang haba, na hinabi gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino;+ mayroon itong apat na haligi at apat na may-butas na patungan.+ 17 Ang lahat ng haligi na nakapalibot sa looban ay may mga pangkabit at kawit na yari sa pilak, pero ang may-butas na mga patungan ng mga ito ay yari sa tanso.+ 18 Ang looban ay may haba na 100 siko,+ lapad na 50 siko, at taas na 5 siko, at yari sa magandang klase ng pinilipit na lino, at mayroon itong may-butas na mga patungang yari sa tanso. 19 Dapat na yari sa tanso ang lahat ng kagamitan para sa paglilingkod sa tabernakulo, pati na ang mga tulos na pantolda nito at lahat ng tulos sa looban.+
20 “Uutusan mo ang mga Israelita na magdala sa iyo ng purong langis mula sa napigang olibo para sa mga ilawan nang hindi mamatay ang apoy ng mga ito.+ 21 Sa tolda ng pagpupulong, sa labas ng kurtina na malapit sa Patotoo,+ titiyakin ni Aaron at ng mga anak niya na laging may sindi ang mga ilawan mula gabi hanggang umaga sa harap ni Jehova.+ Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa lahat ng henerasyon nila na isasagawa ng mga Israelita.+