Ruth
3 Sinabi ngayon sa kaniya ng biyenan niyang si Noemi: “Anak ko, hindi kaya dapat kitang ihanap ng tahanan*+ para mapabuti ka? 2 Hindi ba kamag-anak natin si Boaz?+ Lingkod niya ang mga babaeng nakasama mo. Ngayong gabi, magtatahip siya ng sebada sa giikan. 3 Kaya maligo ka at magpahid ng mabangong langis; magsuot ka ng magandang damit* at pumunta sa giikan. Huwag kang magpakita sa kaniya hanggang sa matapos siyang kumain at uminom. 4 Paghiga niya, tandaan mo kung saan siya pumuwesto; pagkatapos, lumapit ka at alisin mo ang nakatakip sa mga paa niya at humiga ka. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
5 Sumagot si Ruth: “Gagawin ko po ang lahat ng sinabi ninyo.” 6 Kaya pumunta siya sa giikan at ginawa ang lahat ng sinabi ng biyenan niya. 7 Samantala, si Boaz ay kumain at uminom, at masaya siya. Mayamaya, humiga siya sa gilid ng bunton ng mga butil. Pagkatapos, dahan-dahang lumapit si Ruth at inalis ang nakatakip sa mga paa nito at humiga. 8 Nang hatinggabi na, ang lalaki ay nagising na nangangatog. Umupo siya at nakita niyang may babaeng nakahiga sa paanan niya. 9 Sinabi niya: “Sino ka?” Sumagot ang babae: “Ako po si Ruth, ang lingkod ninyo. Bigyan ninyo ng proteksiyon ang* inyong lingkod, dahil isa kayong manunubos.”+ 10 Kaya sinabi niya: “Pagpalain ka nawa ni Jehova, anak ko. Mas naipakita mo ang iyong tapat na pag-ibig ngayon kaysa noong unang pagkakataon;+ hindi ka naghanap ng batang mapapangasawa, mahirap man o mayaman. 11 At ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Gagawin ko para sa iyo ang lahat ng sinabi mo,+ dahil alam ng lahat sa lunsod* na isa kang mahusay na babae. 12 Pero kahit isa akong manunubos,+ may isa pang manunubos na mas malapit ninyong kamag-anak.+ 13 Dito ka na magpalipas ng gabi, at kung tutubusin ka niya sa kinaumagahan, mabuti! Gawin niya ang pagtubos.+ Pero kung ayaw ka niyang tubusin, isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, ako ang tutubos sa iyo. Mahiga ka muna rito hanggang umaga.”
14 Kaya humiga siya sa paanan ni Boaz hanggang umaga, at bumangon siya habang madilim pa para walang makakita sa kaniya. Sinabi ngayon ni Boaz: “Walang dapat makaalam na may babaeng nagpunta rito sa giikan.” 15 Sinabi pa nito: “Dalhin mo rito ang suot mong balabal at iladlad mo.” Kaya iniladlad niya iyon at nilagyan ni Boaz ng anim na takal* ng sebada at iniabot kay Ruth. Pagkatapos, bumalik si Boaz sa lunsod.
16 Bumalik si Ruth sa kaniyang biyenan, na nagtanong naman sa kaniya: “Kumusta,* anak ko?” Ikinuwento ni Ruth ang lahat ng ginawa ng lalaki para sa kaniya. 17 Sinabi pa niya: “Ibinigay po niya sa akin itong anim na takal ng sebada at sinabi, ‘Huwag kang umuwi sa biyenan mo nang walang dala.’” 18 Kaya sinabi ni Noemi: “Maghintay ka lang, anak ko, hanggang sa malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi magpapahinga si Boaz hanggang sa matapos niya ang bagay na ito ngayong araw.”