Unang Samuel
4 At si Samuel ay nagsalita sa buong Israel.
Pagkatapos, lumabas ang Israel para makipaglaban sa mga Filisteo; nagkampo sila malapit sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay nagkampo sa Apek. 2 Ang mga Filisteo ay humanay para makipagdigma sa Israel, pero nagsimulang madaig ang Israel at tinalo sila ng mga Filisteo. Mga 4,000 lalaki ng Israel ang napatay nila sa labanan. 3 Pagbalik ng bayan sa kampo, sinabi ng matatandang lalaki ng Israel: “Bakit hinayaan ngayon ni Jehova na matalo tayo ng mga Filisteo?*+ Kunin natin sa Shilo ang kaban ng tipan ni Jehova+ at dalhin natin iyon para mailigtas tayo sa kamay ng mga kaaway natin.” 4 Kaya ang bayan ay nagsugo ng mga lalaki sa Shilo, at kinuha ng mga ito mula roon ang kaban ng tipan ni Jehova ng mga hukbo, na nakaupo sa trono niya sa ibabaw* ng mga kerubin.+ Ang dalawang anak ni Eli, sina Hopni at Pinehas,+ ay naroon din kasama ng kaban ng tipan ng tunay na Diyos.
5 Nang makarating sa kampo ang kaban ng tipan ni Jehova, ang lahat ng Israelita ay nagsigawan nang malakas, kaya nayanig ang lupa. 6 Nang marinig ng mga Filisteo ang sigawan, sinabi nila: “Bakit may napakalakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?” Nalaman nilang dinala sa kampo ang Kaban ni Jehova. 7 Natakot ang mga Filisteo. Sinabi nila: “Ang Diyos ay pumasok sa kampo!”+ Kaya sinabi nila: “Paano na tayo? Ngayon lang nangyari ito! 8 Paano na tayo? Sino ang magliligtas sa atin mula sa kamay ng dakilang Diyos na ito? Ito ang Diyos na pumatay ng napakaraming Ehipsiyo sa ilang sa iba’t ibang paraan.+ 9 Lakasan ninyo ang loob ninyo at magpakalalaki kayo, kayong mga Filisteo, para hindi ninyo paglingkuran ang mga Hebreo gaya ng paglilingkod nila sa inyo.+ Magpakalalaki kayo at lumaban!” 10 Kaya nakipagdigma ang mga Filisteo at natalo ang Israel,+ at tumakas sila sa kani-kaniyang tolda. Napakaraming namatay; sa panig ng Israel, 30,000 sundalo ang namatay. 11 At ang Kaban ng Diyos ay nakuha sa kanila, at ang dalawang anak ni Eli, sina Hopni at Pinehas, ay namatay.+
12 Isang lalaking Benjaminita ang tumakas mula sa hanay ng labanan at tumakbo papunta sa Shilo at nakarating doon nang araw ding iyon, punít ang damit at may lupa sa ulo.+ 13 Nang dumating ang lalaki, nakaupo si Eli sa isang upuan sa tabi ng daan at nag-aabang, dahil nag-aalala siya nang husto sa Kaban ng tunay na Diyos.+ Nagpunta sa lunsod ang lalaki para ibalita ang nangyari, at humiyaw sa pagdadalamhati ang buong lunsod. 14 Nang marinig ito ni Eli, nagtanong siya: “Bakit nagkakagulo?” Nagmamadaling lumapit ang lalaking iyon para ibalita kay Eli ang nangyari. 15 (Si Eli ngayon ay 98 taóng gulang na at hindi na makakita.)+ 16 Sinabi ng lalaki kay Eli: “Galing po ako sa labanan! Katatakas ko lang ngayon sa digmaan.” Tinanong siya ni Eli: “Ano ang nangyari, anak ko?” 17 Sinabi ng tagapaghatid ng balita: “Tumakas ang Israel mula sa mga Filisteo, dahil natalo ang Israel at marami po ang namatay sa bayan;+ pati ang dalawang anak ninyo, sina Hopni at Pinehas, ay namatay rin,+ at ang Kaban ng tunay na Diyos ay nakuha ng kaaway.”+
18 Nang sabihin ng lalaki ang tungkol sa Kaban ng tunay na Diyos, nabuwal si Eli nang patalikod mula sa upuan niya sa tabi ng pintuang-daan, at nabali ang leeg niya at namatay siya, dahil matanda na siya at mabigat. Naging hukom siya sa Israel nang 40 taon. 19 Ang manugang niya, na asawa ni Pinehas, ay nagdadalang-tao at malapit nang manganak. Nang marinig niyang nakuha ng kaaway ang Kaban ng tunay na Diyos at na ang kaniyang biyenan at ang kaniyang asawa ay namatay, namaluktot siya dahil biglang humilab ang tiyan niya, at napaanak siya. 20 Nang mamamatay na siya, sinabi ng mga babaeng nakatayo sa tabi niya: “Huwag kang matakot; lalaki ang anak mo.” Hindi siya sumagot, at hindi niya pinansin ang sinabi nila.* 21 Pero pinangalanan niyang Icabod*+ ang bata at sinabi: “Ang kaluwalhatian ng Israel ay ipinatapon.”+ Tinutukoy niya ang pagkuha ng mga kaaway sa Kaban ng tunay na Diyos at ang nangyari sa kaniyang biyenan at sa kaniyang asawa.+ 22 Sinabi niya: “Ang kaluwalhatian ng Israel ay ipinatapon, dahil ang Kaban ng tunay na Diyos ay nakuha ng mga kaaway.”+