Ezra
9 At nang matapos ang mga bagay na ito, ang matataas na opisyal ay lumapit sa akin at nagsabi: “Ang bayang Israel at ang mga saserdote at ang mga Levita ay hindi pa humihiwalay mula sa mga tao sa nakapalibot na mga lupain, at ginagawa pa rin nila ang kasuklam-suklam na mga gawain ng mga ito+—ng mga Canaanita, mga Hiteo, mga Perizita, mga Jebusita, mga Ammonita, mga Moabita, mga Ehipsiyo,+ at mga Amorita.+ 2 Kinuha nila ang ilang anak na babae ng mga ito para mapangasawa nila at ng kanilang mga anak.+ Kaya sila, ang banal na bayan,*+ ay nahaluan ng mga tao ng mga lupain.+ Ang matataas na opisyal at ang mga kinatawang opisyal ang pasimuno sa kataksilang ito.”
3 Nang marinig ko ito, pinunit ko ang damit* ko at binunot ang ilang buhok ng aking ulo at balbas, at naupo akong tulala. 4 At ang lahat ng may matinding paggalang* sa salita ng Diyos ng Israel ay pumalibot sa akin para makidalamhati dahil sa pagtataksil ng ipinatapong bayan, habang ako ay nakaupong tulala hanggang sa paghahain ng handog na mga butil sa gabi.+
5 At nang oras ng paghahain ng handog na mga butil sa gabi,+ matapos akong mamighati, tumayo akong punít ang damit. Pagkatapos, lumuhod ako at itinaas ko ang aking mga kamay kay Jehova na aking Diyos. 6 At sinabi ko: “O Diyos ko, nahihiya ako at hindi ako makaharap sa iyo, O Diyos ko, dahil ang mga pagkakamali namin ay lampas na sa aming ulo at ang kasalanan namin ay umabot na sa langit.+ 7 Mula nang panahon ng mga ninuno namin hanggang ngayon, napakalaki na ng kasalanan namin;+ at dahil sa mga pagkakamali namin, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga saserdote, ay ibinigay sa kamay ng mga hari ng ibang bansa, pinatay sa pamamagitan ng espada,+ binihag,+ ninakawan,+ at hiniya, gaya ng nangyayari ngayon.+ 8 Pero ngayon, sa maikling panahon, nagpakita ng kabaitan sa amin si Jehova na aming Diyos nang hayaan niyang makalaya ang ilan sa amin at bigyan kami ng matatag na puwesto* sa kaniyang banal na lugar,+ para paningningin ang mga mata namin sa saya, O aming Diyos, at para bigyan kami ng kaunting ginhawa mula sa aming pagkaalipin. 9 Kahit mga alipin kami,+ hindi kami hinayaan ng aming Diyos na manatiling alipin; nagpakita siya ng tapat na pag-ibig sa amin nang udyukan niya ang mga hari ng Persia na maging mabait sa amin,+ para palakasin kami at maitayong muli ang nawasak na bahay ng aming Diyos+ at magkaroon kami ng batong pader* sa Juda at sa Jerusalem.
10 “Pero ano ang masasabi namin ngayon, O aming Diyos? Sinuway namin ang mga utos mo, 11 na ibinigay mo sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na propeta, na nagsasabi: ‘Ang lupaing papasukin ninyo para gawing pag-aari ay isang maruming lupain dahil sa karumihan ng mga tao roon, dahil pinuno nila iyon ng kasuklam-suklam na mga gawain.+ 12 Kaya huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, o tanggapin ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki;+ at huwag ninyo silang tulungang magkaroon ng payapa at saganang buhay,+ para lumakas kayo at makain ang bunga ng lupain at maipamana ito sa inyong mga anak magpakailanman.’ 13 At pagkatapos ng lahat ng nangyari sa amin dahil sa masasamang ginawa namin at sa mabigat naming kasalanan—kahit na hindi mo naman kami pinarusahan nang nararapat sa mga pagkakamali namin,+ O aming Diyos, at hinayaan mo pa rin kaming makalaya+— 14 susuwayin ba naming muli ang mga utos mo at kukuha ng mapapangasawa mula sa mga bayang gumagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay na ito?+ Hindi ka ba labis na magagalit sa amin at lilipulin mo kami hanggang sa wala nang matira sa amin? 15 O Jehova na Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid,+ dahil nakaligtas kami at may natira sa amin hanggang sa araw na ito. Narito kami, kaming mga nagkasala, kahit na wala kaming karapatang tumayo sa harap mo dahil sa mga ginawa namin.”+