Genesis
43 At matindi ang taggutom sa lupain.+ 2 Kaya nang maubos na nila ang butil na dinala nila mula sa Ehipto,+ sinabi ng kanilang ama: “Bumalik kayo at bumili ng kaunting pagkain para sa atin.” 3 Sumagot si Juda: “Mahigpit ang bilin sa amin ng lalaki, ‘Huwag kayong magpapakita sa akin kung hindi ninyo kasama ang inyong kapatid.’+ 4 Kung papayagan mong sumama ang kapatid namin, aalis kami at bibili ng pagkain para sa iyo. 5 Pero kung hindi mo siya pasasamahin, hindi kami aalis, dahil sinabi ng lalaki sa amin, ‘Huwag kayong magpapakita sa akin kung hindi ninyo kasama ang inyong kapatid.’”+ 6 Nagtanong si Israel:+ “Bakit ninyo ako pinahihirapan nang ganito? Bakit sinabi ninyong may isa pa kayong kapatid?” 7 Sumagot sila: “Direktang nagtanong ang lalaki tungkol sa amin at sa mga kamag-anak namin, ‘Buháy pa ba ang inyong ama? Mayroon ba kayong isa pang kapatid na lalaki?’ at sinabi namin sa kaniya ang totoo.+ Paano naman namin malalaman na sasabihin pala niya, ‘Isama ninyo rito ang inyong kapatid’?”+
8 At kinumbinsi ni Juda ang kaniyang amang si Israel: “Pasamahin mo siya sa akin,+ nang makaalis na kami para manatili tayong buháy at hindi mamatay+—kami, ikaw, at ang mga anak namin.+ 9 Titiyakin kong walang anumang mangyayari sa kaniya.+ Ako ang mananagot para sa kaniya. Kung hindi ko siya maibalik at maiharap sa iyo, habambuhay kong dadalhin ang kasalanang ito. 10 Pero kung nakaalis kami agad, dalawang beses na sana kaming nakarating doon at nakabalik.”
11 Kaya sinabi sa kanila ni Israel na kanilang ama: “Kung wala nang ibang paraan, gawin ninyo ito: Magdala kayo ng pinakamaiinam na produkto ng lupain sa mga lalagyan ninyo at ibigay ninyo ang mga iyon sa lalaki bilang regalo:+ kaunting balsamo,+ kaunting pulot-pukyutan, ladano, madagtang balat ng puno,+ pistasyo, at mga almendras. 12 Doblihin ninyo ang dala ninyong pera; at ibalik din ninyo ang perang nakalagay noon sa mga sako ninyo.+ Baka isang pagkakamali lang iyon. 13 Isama ninyo ang kapatid ninyo at umalis na kayo; bumalik kayo sa lalaki. 14 Tulungan nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat para kaawaan kayo ng lalaki at palayain niya ang isa pa ninyong kapatid at si Benjamin. Pero kung kailangan ko talagang mawalan ng anak, wala na akong magagawa!”+
15 Kaya kinuha ng mga lalaki ang regalo, dinoble ang dala nilang pera, at isinama si Benjamin. Pagkatapos, umalis sila papunta sa Ehipto at muling humarap kay Jose.+ 16 Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, kaagad niyang sinabi sa lalaking namamahala sa bahay niya: “Dalhin mo sa bahay ang mga lalaki. Magkatay ka ng mga hayop at ihanda mo ang pagkain, dahil manananghaliang kasama ko ang mga lalaki.” 17 Kaagad na ginawa ng lalaki ang sinabi ni Jose,+ at dinala niya sila sa bahay ni Jose. 18 Pero natakot ang mga lalaki nang dalhin sila sa bahay ni Jose, at sinabi nila: “Dinala tayo rito dahil sa perang naibalik noon sa mga sako natin. Dadakpin nila tayo at gagawing alipin at kukunin ang mga asno natin!”+
19 Kaya lumapit sila sa lalaking namamahala sa bahay ni Jose at nakipag-usap sa kaniya sa pasukan ng bahay. 20 Sinabi nila: “Pagpaumanhinan mo kami, panginoon ko! Bibili talaga kami ng pagkain nang pumunta kami rito noon.+ 21 Pero nang dumating kami sa aming tuluyan at buksan namin ang mga sako namin, naroon ang pera ng bawat isa sa kani-kaniyang sako, ang buong halaga ng pera namin.+ Kaya gusto naming ibalik iyon nang personal. 22 At nagdala pa kami ng mas maraming pera para bumili ng pagkain. Hindi namin alam kung sino ang naglagay ng pera namin sa aming mga sako.”+ 23 Sinabi niya: “Walang problema. Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos at ang Diyos ng inyong ama ang naglagay ng kayamanan sa inyong mga sako. Natanggap ko ang pera ninyo.” At dinala niya si Simeon sa kanila.+
24 Pagkatapos, pinapasok sila ng lalaki sa bahay ni Jose, binigyan ng tubig na panghugas sa mga paa nila, at binigyan ng pagkain ang mga asno nila. 25 At inihanda nila ang regalo+ para sa pagdating ni Jose sa tanghali, dahil narinig nila na doon sila kakain.+ 26 Nang pumasok si Jose sa bahay, dinala nila sa kaniya ang kanilang regalo at yumukod sa kaniya.+ 27 Pagkatapos nito, kinumusta niya sila at sinabi: “Kumusta na ang inyong matanda nang ama na binanggit ninyo? Buháy pa ba siya?”+ 28 Sumagot sila: “Ang aming ama na iyong lingkod ay nasa mabuting kalagayan. Buháy pa siya.” At yumukod sila.+
29 Nang tumingin siya sa paligid at makita niya ang kapatid niyang si Benjamin, na anak ng kaniyang ina,+ sinabi niya: “Ito ba ang kapatid ninyo, ang bunso na binanggit ninyo sa akin?”+ Sinabi pa niya: “Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak ko.” 30 Nagmadaling lumabas si Jose; hindi na niya mapigil ang damdamin niya dahil sa kapatid niya, at naghanap siya ng lugar kung saan puwede siyang umiyak. Kaya pumasok siya sa isang pribadong silid at doon umiyak.+ 31 Pagkatapos, naghilamos siya at lumabas na kontrolado na ang damdamin, at sinabi niya: “Ihain ninyo ang pagkain.” 32 Naghain sila nang bukod para sa kaniya, para sa kanila, at para sa mga Ehipsiyong kasama niya, dahil hindi makakakain ang mga Ehipsiyo kasabay ng mga Hebreo; kasuklam-suklam iyon sa mga Ehipsiyo.+
33 Ang magkakapatid* ay pinaupo sa harap niya ayon sa kanilang edad, mula sa panganay ayon sa karapatan niya bilang panganay+ hanggang sa bunso, at takang-taka sila at nagtitinginan. 34 Pinadadalhan niya sila ng pagkain mula sa mesa niya, pero limang ulit na mas marami ang ibinibigay niya kay Benjamin kumpara sa lahat ng iba pa.+ At patuloy silang kumain at uminom kasama niya hanggang sa mabusog.