Unang Hari
1 Matanda na ngayon si Haring David+ at malapit nang mamatay, at kahit kinukumutan nila siya, giniginaw pa rin siya. 2 Kaya sinabi sa kaniya ng mga lingkod niya: “Magpahanap ka ng isang babae, isang dalaga, para sa panginoon kong hari, at siya ang magiging tagapag-alaga ng hari. Hihiga siya sa tabi mo para mainitan ang panginoon kong hari.” 3 Naghanap sila ng magandang babae sa buong teritoryo ng Israel, at nakita nila si Abisag+ na Sunamita+ at dinala ito sa hari. 4 Napakaganda ng babae. Naging tagapag-alaga siya ng hari at nagsilbi siya rito, pero hindi nakipagtalik sa kaniya ang hari.
5 Samantala, si Adonias+ na anak ni Hagit ay nagmamataas. Sinasabi niya: “Magiging hari ako!” Nagpagawa siya ng isang karwahe* at kumuha ng mga mangangabayo at ng 50 lalaking tatakbo sa unahan niya.+ 6 Pero hindi siya kailanman sinabihan* ng kaniyang ama: “Bakit mo ginawa iyan?” Napakaguwapo rin niya, at ipinanganak siya ng kaniyang ina kasunod ni Absalom. 7 Sumangguni siya kay Joab na anak ni Zeruias at sa saserdoteng si Abiatar,+ at nag-alok sila ng tulong at suporta kay Adonias.+ 8 Pero ang saserdoteng si Zadok,+ si Benaias+ na anak ni Jehoiada, ang propetang si Natan,+ si Simei,+ si Rei, at ang malalakas na mandirigma ni David+ ay hindi sumuporta kay Adonias.
9 Nang maglaon, naghandog si Adonias+ ng mga tupa, baka, at mga pinatabang hayop sa may bato ng Zohelet, malapit sa En-rogel, at inimbitahan niya ang lahat ng kapatid niyang lalaki na mga anak ng hari, at ang lahat ng lalaki ng Juda na mga lingkod ng hari. 10 Pero hindi niya inimbitahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang malalakas na mandirigma, o ang kapatid niyang si Solomon. 11 Sinabi ngayon ni Natan+ kay Bat-sheba,+ na ina ni Solomon:+ “Hindi mo ba nabalitaan na naging hari na si Adonias+ na anak ni Hagit, at walang kaalam-alam dito ang panginoon nating si David? 12 Kaya pakisuyo, halika at papayuhan kita, para mailigtas mo ang buhay mo at ang buhay ng anak mong si Solomon.+ 13 Pumunta ka kay Haring David, at sabihin mo sa kaniya, ‘Hindi ba’t ikaw, panginoon kong hari, ang nangako sa iyong lingkod: “Ang anak mong si Solomon ang maghahari kasunod ko, at siya ang uupo sa trono ko”?+ Pero bakit si Adonias ang naging hari?’ 14 Habang nakikipag-usap ka pa sa hari, papasok ako at susuportahan ko ang mga sinabi mo.”
15 Kaya pumunta si Bat-sheba sa hari sa pribadong silid nito. Napakatanda na ng hari, at pinagsisilbihan ito ni Abisag+ na Sunamita. 16 Pagkatapos, yumukod si Bat-sheba at sumubsob sa harapan ng hari, at sinabi ng hari: “Ano ang gusto mong hilingin?” 17 Sumagot siya: “Panginoon ko, ikaw ang nangako sa iyong lingkod sa ngalan ni Jehova na iyong Diyos, ‘Ang anak mong si Solomon ang maghahari kasunod ko, at siya ang uupo sa trono ko.’+ 18 Pero ngayon, naging hari si Adonias, at walang kaalam-alam dito ang panginoon kong hari.+ 19 Naghandog siya ng napakaraming toro, pinatabang hayop, at tupa, at inimbitahan niya ang lahat ng anak ng hari at ang saserdoteng si Abiatar at si Joab na pinuno ng hukbo;+ pero hindi niya inimbitahan ang lingkod mong si Solomon.+ 20 At ngayon, panginoon kong hari, naghihintay ang buong Israel na sabihin mo kung sino ang susunod na uupo sa trono ng panginoon kong hari. 21 Kung hindi mo gagawin iyon, pagkamatay ng* panginoon kong hari, ako at ang anak kong si Solomon ay ituturing na mga traidor.”
22 At habang nakikipag-usap pa siya sa hari, pumasok ang propetang si Natan.+ 23 Agad na sinabi sa hari: “Narito ang propetang si Natan!” Humarap siya sa hari at sumubsob sa harapan nito. 24 Pagkatapos, sinabi ni Natan: “Panginoon kong hari, sinabi mo ba, ‘Si Adonias ang maghahari kasunod ko, at siya ang uupo sa trono ko’?+ 25 Umalis kasi siya ngayon at naghandog+ ng napakaraming toro, pinatabang hayop, at tupa, at inimbitahan niya ang lahat ng anak ng hari at ang mga pinuno ng hukbo at ang saserdoteng si Abiatar.+ Naroon sila at kumakain at umiinom kasama niya, at sinasabi nila, ‘Mabuhay si Haring Adonias!’ 26 Pero ako na iyong lingkod ay hindi niya inimbitahan, o ang saserdoteng si Zadok, o si Benaias+ na anak ni Jehoiada, o ang lingkod mong si Solomon. 27 Pinahintulutan ba ito ng panginoon kong hari nang hindi sinasabi sa iyong lingkod kung sino ang susunod na uupo sa trono ng panginoon kong hari?”
28 Sumagot ngayon si Haring David: “Tawagin ninyo si Bat-sheba.” Kaya pumasok ito at tumayo sa harap ng hari. 29 Sinabi ng hari: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan,+ 30 kung ano ang isinumpa ko sa iyo sa ngalan ni Jehova na Diyos ng Israel, na nagsasabi, ‘Ang anak mong si Solomon ang maghahari kasunod ko, at siya ang susunod na uupo sa trono ko!’ iyan ang gagawin ko sa araw na ito.” 31 Pagkatapos, yumukod si Bat-sheba at sumubsob sa harapan ng hari at nagsabi: “Mabuhay ka nawa magpakailanman, O Haring David na aking panginoon!”
32 Agad na sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang saserdoteng si Zadok, ang propetang si Natan, at si Benaias+ na anak ni Jehoiada.”+ Kaya pumasok sila at humarap sa hari. 33 Sinabi sa kanila ng hari: “Isama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking mula,*+ at dalhin ninyo siya sa Gihon.+ 34 Doon, papahiran siya ng langis+ ng saserdoteng si Zadok at ng propetang si Natan bilang hari sa Israel; at hipan ninyo ang tambuli at sabihin, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’+ 35 Pagkatapos, sumunod kayo sa kaniya pabalik, at papasok siya at uupo sa trono ko; at siya ang papalit sa akin bilang hari, at aatasan ko siya bilang pinuno ng Israel at ng Juda.” 36 Si Benaias na anak ni Jehoiada ay agad na sumagot sa hari: “Amen! Pagtibayin nawa ito ni Jehova na Diyos ng panginoon kong hari. 37 Kung paanong tinulungan ni Jehova ang panginoon kong hari, nawa ay tulungan din niya si Solomon,+ at gawin niya nawang mas dakila ang trono nito kaysa sa trono mo, O Haring David na panginoon ko.”+
38 Pagkatapos, ang saserdoteng si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias+ na anak ni Jehoiada, at ang mga Kereteo at ang mga Peleteo+ ay umalis, at pinasakay nila si Solomon sa mula ni Haring David,+ at dinala nila siya sa Gihon.+ 39 Kinuha ngayon ng saserdoteng si Zadok ang sungay na lalagyan ng langis+ mula sa tolda+ at pinahiran si Solomon,+ at hinipan nila ang tambuli, at sumigaw ang buong bayan: “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Pagkatapos, sumunod sa kaniya ang buong bayan pabalik habang tumutugtog sila ng mga plawta at nagsasaya, at nayanig* ang lupa sa ingay nila.+
41 Narinig iyon ni Adonias at ng lahat ng inimbitahan niya matapos silang kumain.+ Pagkarinig ni Joab sa tambuli, sinabi niya: “Bakit napakaingay sa lunsod?” 42 Habang nagsasalita pa siya, dumating si Jonatan+ na anak ng saserdoteng si Abiatar. Sinabi ni Adonias: “Pumasok ka, dahil mabuting* tao ka, at siguradong may dala kang magandang balita.” 43 Pero sinabi ni Jonatan kay Adonias: “Hindi po maganda! Ginawang hari si Solomon ng panginoon nating si Haring David. 44 Pinasama sa kaniya ng hari ang saserdoteng si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Jehoiada, at ang mga Kereteo at ang mga Peleteo, at pinasakay nila siya sa mula ng hari.+ 45 At pinahiran siya bilang hari ng saserdoteng si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Pagkatapos, umalis sila roon na nagsasaya, at napakaingay sa lunsod. Iyon ang narinig mo. 46 At si Solomon ay umupo na sa trono ng hari. 47 Isa pa, ang mga lingkod ng hari ay humarap at bumati sa panginoon nating si Haring David. Ang sabi nila, ‘Gawin nawang mas tanyag ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon kaysa sa pangalan mo, at gawin nawa niyang mas dakila ang trono nito kaysa sa iyong trono!’ Pagkatapos, yumukod ang hari sa higaan. 48 Sinabi rin ng hari, ‘Purihin nawa si Jehova na Diyos ng Israel, na pumili ng uupo sa trono ko at nagpahintulot na makita iyon ng sarili kong mga mata!’”
49 Dahil diyan, takot na takot ang lahat ng inimbitahan ni Adonias, at nagkaniya-kaniya sila ng alis. 50 Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya umalis siya at humawak nang mahigpit sa mga sungay ng altar.+ 51 Iniulat kay Solomon: “Natatakot si Adonias kay Haring Solomon; at humawak siya sa mga sungay ng altar. Sinasabi niya, ‘Pasumpain muna ninyo sa akin si Haring Solomon na hindi niya papatayin ang kaniyang lingkod sa pamamagitan ng espada.’” 52 Sinabi ni Solomon: “Kung gagawi siya nang marangal, walang isa mang buhok niya ang mahuhulog sa lupa; pero kung gagawa siya ng masama,+ mamamatay siya.” 53 Kaya ipinakuha siya ni Haring Solomon mula sa altar. Pagkatapos, humarap siya at yumukod kay Haring Solomon. Sinabi ni Solomon sa kaniya: “Umuwi ka sa bahay mo.”