Genesis
23 Nabuhay si Sara nang 127 taon. Ganiyan kahaba ang buhay niya.+ 2 Namatay si Sara sa Kiriat-arba,+ na siyang Hebron,+ sa lupain ng Canaan,+ at si Abraham ay nagsimulang magdalamhati at umiyak dahil kay Sara. 3 Pagkatapos, iniwan ni Abraham ang namatay niyang asawa at sinabi sa mga anak ni Het:+ 4 “Ako ay isang dayuhan na naninirahan sa inyong lupain.+ Bigyan ninyo ako ng lupa mula sa inyong teritoryo na puwede kong gawing libingan para mailibing ko roon ang namatay kong asawa.” 5 Sumagot kay Abraham ang mga anak ni Het: 6 “Pakinggan mo kami, panginoon ko. Para sa amin, isa kang pinuno na pinili ng Diyos.*+ Maililibing mo ang iyong namatay na asawa sa isa sa mga libingan namin na mapipili mo. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kaniyang libingan para pigilan kang ilibing ang namatay mong asawa.”
7 Kaya tumayo si Abraham at yumukod sa mga tao sa lupain, sa mga anak ni Het,+ 8 at sinabi niya: “Kung pumapayag kayong mailibing ko ang namatay kong asawa, makinig kayo sa akin at kumbinsihin ninyo si Epron na anak ni Zohar 9 na ipagbili sa akin ang kuweba ng Macpela, na pag-aari niya; nasa dulo ito ng kaniyang lupain. Bibilhin ko ito sa harap ninyo sa buong halaga nito sa pilak+ para magkaroon ako ng mapaglilibingan.”+
10 At si Epron ay nakaupong kasama ng mga anak ni Het. Kaya sa harap ng mga anak ni Het at ng lahat ng pumasok sa pintuang-daan ng lunsod,+ sinabi ni Epron na Hiteo kay Abraham: 11 “Hindi, panginoon ko! Makinig ka sa akin. Ibinibigay ko sa iyo ang lupain at ang kuweba roon. Ibinibigay ko ang mga iyon sa iyo sa harap ng mga kababayan ko. Ilibing mo ang namatay mong asawa.” 12 Kaya yumukod si Abraham sa harap ng mga tao sa lupain, 13 at sinabi niya kay Epron sa harap ng mga tao: “Hindi, makinig ka sa akin. Ibibigay ko sa iyo ang kabuoang halaga ng lupain. Tanggapin mo ang aking pilak para mailibing ko roon ang namatay kong asawa.”
14 Pagkatapos, sumagot si Epron kay Abraham: 15 “Panginoon ko, makinig ka sa akin. Ang lupaing ito ay nagkakahalaga ng 400 siklong* pilak, pero ano iyon sa akin at sa iyo? Kaya ilibing mo ang namatay mong asawa.” 16 Nang marinig ni Abraham ang sinabi ni Epron, tinimbang ni Abraham ang dami ng pilak na sinabi ni Epron sa harap ng mga anak ni Het at ibinigay ito sa kaniya, 400 siklong* pilak ayon sa pagtimbang ng mga negosyante.+ 17 Sa gayon, ang lupain ni Epron sa Macpela, na nasa tapat ng Mamre—ang lupain, ang kuweba roon, at ang lahat ng puno na nasa loob ng mga hangganan ng lupain—ay pinagtibay 18 bilang nabiling pag-aari ni Abraham sa harap ng mga anak ni Het at sa lahat ng pumapasok sa pintuang-daan ng lunsod. 19 At inilibing ni Abraham ang asawa niyang si Sara sa kuweba sa lupain ng Macpela sa tapat ng Mamre, na siyang Hebron, sa lupain ng Canaan. 20 Sa gayon, ang lupain at ang kuweba roon ay ibinigay ng mga anak ni Het kay Abraham para mailibing niya roon ang asawa niya.+