Mga Hukom
2 Pagkatapos, ang anghel ni Jehova+ ay umalis sa Gilgal+ at nagpunta sa Bokim at nagsabi: “Inilabas ko kayo sa Ehipto at dinala sa lupaing ipinangako* ko sa mga ninuno ninyo.+ Sinabi ko pa, ‘Hinding-hindi ko sisirain ang tipan ko sa inyo.+ 2 Huwag kayong makipagtipan sa mga nakatira sa lupaing ito,+ at ibagsak ninyo ang mga altar nila.’+ Pero hindi kayo nakinig sa akin.+ Bakit ninyo ginawa ito? 3 Kaya sinabi ko rin, ‘Hindi ko sila itataboy mula sa harap ninyo,+ at sila ay magiging patibong sa inyo,+ at ililihis kayo ng mga diyos nila.’”+
4 Pagkasabi ng anghel ni Jehova ng mga salitang ito sa lahat ng Israelita, umiyak nang malakas ang bayan. 5 Kaya tinawag nilang Bokim* ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Jehova.
6 Nang paalisin ni Josue ang bayan, ang bawat Israelita ay pumunta sa kaniyang minanang lupain para ariin iyon.+ 7 Patuloy na naglingkod kay Jehova ang bayan habang nabubuhay si Josue at habang nabubuhay ang matatandang lalaki na mas huling namatay kaysa kay Josue at nakakita ng lahat ng dakilang mga gawa ni Jehova para sa Israel.+ 8 At si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Jehova, ay namatay sa edad na 110.+ 9 Kaya inilibing nila siya sa minana niyang lupain, ang Timnat-heres,+ na nasa mabundok na rehiyon ng Efraim, sa hilaga ng Bundok Gaas.+ 10 Ang buong henerasyong iyon ay namatay,* at nagkaroon ng panibagong henerasyon na hindi nakakakilala kay Jehova at hindi nakaaalam sa mga ginawa niya para sa Israel.
11 Kaya ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova at naglingkod* sila sa mga Baal.+ 12 Iniwan nila si Jehova, ang Diyos ng kanilang mga ama at ang naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto.+ At sumunod sila sa ibang mga diyos, ang mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila,+ at yumukod sa mga iyon at ginalit si Jehova.+ 13 Iniwan nila si Jehova at naglingkod sila kay Baal at sa mga imahen ni Astoret.+ 14 Kaya lumagablab ang galit ni Jehova sa Israel, at ibinigay niya sila sa mga mandarambong at sinamsaman sila ng mga ito.+ Ibinigay* niya sila sa kamay ng mga kaaway sa palibot nila,+ at hindi na nila kayang labanan ang mga kaaway nila.+ 15 Saanman sila magpunta, ang kamay ni Jehova ay laban sa kanila, kaya napapahamak sila,+ gaya ng sinabi ni Jehova at gaya ng isinumpa ni Jehova sa kanila,+ at nagdusa sila nang husto.+ 16 Kaya binibigyan sila ni Jehova ng mga hukom na nagliligtas sa kanila mula sa kamay ng mga nandarambong sa kanila.+
17 Pero ayaw nilang makinig kahit sa mga hukom, at sumamba sila* sa ibang mga diyos at yumukod sa mga iyon. Agad silang lumihis sa daang nilakaran ng kanilang mga ninuno, na sumunod sa mga utos ni Jehova.+ Hindi nila tinularan ang kanilang mga ninuno. 18 Kapag binibigyan sila ni Jehova ng mga hukom,+ tinutulungan ni Jehova ang hukom at inililigtas sila mula sa kamay ng mga kaaway nila habang nabubuhay ang hukom; naaawa si Jehova sa kanila+ kapag dumaraing sila dahil sa pagpapahirap+ at pagmamalupit sa kanila.
19 Pero kapag patay na ang hukom, gumagawa sila ng mas masama kaysa sa ginawa ng mga ama nila. Sumusunod sila sa ibang mga diyos at naglilingkod at yumuyukod sa mga ito.+ Hindi sila tumigil sa mga ginagawa nila at nagmatigas sila. 20 Kaya lumagablab ang galit ni Jehova laban sa Israel,+ at sinabi niya: “Dahil nilabag ng bansang ito ang ipinakipagtipan ko+ sa kanilang mga ninuno at sumuway sila sa akin,+ 21 hindi ko itataboy mula sa harap nila ang isa man sa mga bansa na naiwan ni Josue nang mamatay siya.+ 22 Sa gayon, masusubok kung ang Israel ay susunod sa daan ni Jehova+ sa pamamagitan ng paglakad doon gaya ng kanilang mga ninuno.” 23 Kaya hinayaan ni Jehova na manatili ang mga bansang ito. Hindi niya sila agad itinaboy, at hindi niya sila ibinigay sa kamay ni Josue.