Deuteronomio
20 “Kung makikipagdigma kayo sa mga kaaway ninyo at makita ninyong mas marami silang kabayo, karwahe, at sundalo, huwag kayong matakot sa kanila, dahil sumasainyo ang Diyos ninyong si Jehova na naglabas sa inyo sa Ehipto.+ 2 Bago kayo makipagdigma, dapat kausapin ng saserdote ang bayan.+ 3 Sasabihin niya, ‘Makinig kayo, O Israel, malapit na kayong makipagdigma sa mga kaaway ninyo. Huwag kayong panghinaan ng loob. Huwag kayong matakot o masindak o mangatog dahil sa kanila, 4 dahil nagmamartsang kasama ninyo ang Diyos ninyong si Jehova para makipaglaban sa inyong mga kaaway at para iligtas kayo.’+
5 “Dapat ding sabihin sa bayan ng mga opisyal, ‘Sino ang nagtayo ng bagong bahay at hindi pa ito natitirhan?* Pauwiin ninyo siya. Dahil baka mamatay siya sa labanan at ibang tao ang tumira dito. 6 At sino ang nagtanim ng mga ubas at hindi pa umaani? Pauwiin ninyo siya. Dahil baka mamatay siya sa labanan at ibang tao ang umani nito. 7 At sino ang nakipagtipan sa isang babae at hindi pa ikinakasal? Pauwiin ninyo siya.+ Dahil baka mamatay siya sa labanan at ibang lalaki ang ikasal dito.’ 8 Dapat ding tanungin ng mga opisyal ang bayan, ‘Sino ang matatakutin at mahina ang loob?+ Dapat na siyang umuwi para hindi rin maduwag ang* mga kapatid niya.’+ 9 Pagkatapos kausapin ng mga opisyal ang bayan, dapat silang mag-atas ng mga pinuno ng mga hukbo para manguna sa bayan.
10 “Bago kayo makipagdigma sa isang lunsod, iharap muna ninyo sa kanila ang kasunduan para sa kapayapaan.+ 11 Kung tanggapin nila ang kasunduan at buksan ang kanilang mga pintuang-daan, ang lahat ng mamamayan doon ay magiging inyo para sa puwersahang pagtatrabaho, at maglilingkod sila sa inyo.+ 12 Pero kung ayaw nilang makipagpayapaan at makipagdigma sila sa inyo, palibutan ninyo ang lunsod, 13 at ibibigay ito sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, at dapat ninyong patayin ang lahat ng lalaki roon gamit ang espada. 14 Pero puwede ninyong kunin ang mga babae, bata, mga hayop, at lahat ng nasa lunsod, ang lahat ng samsam,+ at mapapakinabangan ninyo ang nasamsam ninyo sa inyong mga kaaway, na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.+
15 “Ganiyan ang gagawin ninyo sa lahat ng lunsod na napakalayo sa inyo at hindi kasama sa mga lunsod ng mga bansang malapit sa inyo. 16 Pero sa mga lunsod ng mga bayang ito, na ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova bilang mana, wala kayong ititirang buháy.+ 17 Dapat ninyo silang puksain, ang mga Hiteo, Amorita, Canaanita, Perizita, Hivita, at Jebusita,+ gaya ng iniutos sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova; 18 para hindi nila maituro sa inyo ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa nila para sa kanilang mga diyos, at dahil doon ay magkasala kayo sa Diyos ninyong si Jehova.+
19 “Kapag pinalibutan ninyo ang isang lunsod para sakupin ito at maraming araw na kayong nakikipaglaban, huwag ninyong puputulin ang mga puno nito gamit ang palakol. Puwede kayong kumain ng bunga ng mga ito, pero huwag ninyong puputulin ang mga ito.+ Kailangan ba ninyong salakayin ang mga puno sa parang gaya ng ginagawa ninyo sa mga tao? 20 Ang puwede lang ninyong putulin ay ang punong alam ninyong hindi makakain ang bunga. Puwede ninyong putulin iyon at gamitin para palibutan ang lunsod na nakikipagdigma sa inyo, hanggang sa bumagsak ito.