Deuteronomio
7 “Kapag dinala kayo ng Diyos ninyong si Jehova sa lupaing magiging pag-aari ninyo,+ itataboy rin niya mula sa harap ninyo ang malalaking bansa:+ mga Hiteo, Girgasita, Amorita,+ Canaanita, Perizita, Hivita, at Jebusita,+ pitong bansa na mas malalaki at mas malalakas kaysa sa inyo.+ 2 Ibibigay sila sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, at tatalunin ninyo sila.+ Dapat ninyo silang lipulin.*+ Huwag kayong makipagtipan sa kanila, at huwag kayong maawa sa kanila.+ 3 Huwag kayong makipag-alyansa sa kanila sa pag-aasawa. Huwag ninyong ibigay ang inyong anak na babae sa anak nilang lalaki o kunin ang anak nilang babae para sa inyong anak na lalaki.+ 4 Dahil itatalikod nila sa akin ang inyong mga anak at maglilingkod ang mga ito sa ibang mga diyos;+ at lalagablab ang galit ni Jehova at agad kayong lilipulin.+
5 “Sa halip, ito ang dapat ninyong gawin: Ibagsak ang mga altar nila, gibain ang mga sagradong haligi nila,+ putulin ang mga sagradong poste* nila,+ at sunugin ang mga inukit na imahen nila.+ 6 Dahil kayo ay isang banal na bayan para sa Diyos ninyong si Jehova, at mula sa lahat ng bayan sa ibabaw ng lupa, pinili kayo ng Diyos ninyong si Jehova para maging bayan niya, ang espesyal* na pag-aari niya.+
7 “Hindi kayo minahal at pinili ni Jehova dahil kayo ang pinakamalaki sa lahat ng bayan;+ ang totoo, kayo ang pinakamaliit.+ 8 Inilabas kayo ni Jehova sa Ehipto dahil mahal niya kayo at dahil tinupad niya ang ipinangako niya sa mga ninuno ninyo.+ Ginamit ni Jehova ang makapangyarihang kamay niya para palayain kayo mula sa pagkaalipin,*+ mula sa kamay ng Paraon na hari ng Ehipto. 9 Alam na alam ninyo na ang Diyos ninyong si Jehova ang tunay na Diyos, ang tapat na Diyos, na tumutupad sa tipan niya at nagpapakita ng tapat na pag-ibig hanggang sa ikasanlibong henerasyon ng mga umiibig sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya.+ 10 Pero gagantihan niya nang harapan* ang mga napopoot sa kaniya; pupuksain niya sila.+ Hindi siya magiging mabagal sa pagganti sa mga napopoot sa kaniya; gagantihan niya sila nang harapan.* 11 Kaya tiyakin ninyong masusunod ninyo ang mga utos, tuntunin, at hudisyal na pasiya na iniuutos ko sa inyo ngayon. Tuparin ninyo ang mga ito.
12 “Kung patuloy ninyong pakikinggan, susundin, at tutuparin ang mga hudisyal na pasiyang ito, tutuparin ng Diyos ninyong si Jehova ang tipan at tapat na pag-ibig na ipinangako niya sa mga ninuno ninyo. 13 Mamahalin niya kayo, pagpapalain, at pararamihin. Oo, sa lupaing ipinangako niya sa mga ninuno ninyo,+ pagpapalain niya kayo ng maraming anak*+ at ng saganang pananim, butil, bagong alak, at langis+ at ng maraming guya* sa inyong bakahan at kordero* sa inyong kawan. 14 Pagpapalain niya kayo nang higit sa lahat ng ibang bayan;+ magkakaroon ng anak ang lahat ng lalaki at babae sa inyo, pati na ang mga alagang hayop ninyo.+ 15 Ilalayo kayo ni Jehova sa lahat ng sakit. Hindi niya kayo sasalutin ng alinman sa malulubhang sakit na nakita ninyo sa Ehipto;+ ang lahat ng napopoot sa inyo ang sasalutin niya. 16 Lipulin ninyo ang lahat ng bayan na ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova.+ Huwag kayong maawa* sa kanila,+ at huwag kayong maglingkod sa mga diyos nila,+ dahil magiging bitag iyon sa inyo.+
17 “Kung maisip ninyo,* ‘Mas malaki sa amin ang mga bansang ito. Paano namin sila itataboy?’+ 18 huwag kayong matakot sa kanila.+ Alalahanin ninyo ang ginawa ng Diyos ninyong si Jehova sa Paraon at sa buong Ehipto,+ 19 ang mabibigat na hatol* na nakita ninyo, ang mga tanda at himala,+ at ang makapangyarihang kamay at unat na bisig ng Diyos ninyong si Jehova na ginamit niya para ilabas kayo.+ Ganiyan ang gagawin ng Diyos ninyong si Jehova sa lahat ng bayan na kinatatakutan ninyo.+ 20 Pahihinain ng Diyos ninyong si Jehova ang loob nila* hanggang sa mamatay ang mga naiwan+ at ang mga nagtatago mula sa inyo. 21 Huwag kayong masindak sa kanila dahil sumasainyo ang Diyos ninyong si Jehova,+ isang Diyos na dakila at kahanga-hanga.*+
22 “Tiyak na unti-unting itataboy ng Diyos ninyong si Jehova ang mga bansang ito mula sa harap ninyo.+ Hindi niya papayagang malipol ninyo agad ang lahat ng bansa para hindi dumami ang mababangis na hayop sa parang at manganib ang buhay ninyo. 23 Ibibigay sila sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova at tatalunin silang lahat hanggang sa malipol sila.+ 24 Ibibigay niya sa kamay ninyo ang mga hari nila,+ at buburahin ninyo ang mga pangalan nila sa ibabaw ng lupa.*+ Lilipulin ninyo sila+ at walang makakatalo sa inyo.+ 25 Sunugin ninyo ang mga inukit na imahen ng mga diyos nila.+ Huwag ninyong hangarin ang pilak at ginto na nasa mga ito at huwag ninyong kunin ang mga ito+ para hindi kayo mabitag, dahil kasuklam-suklam ang mga ito sa Diyos ninyong si Jehova.+ 26 Huwag kayong magpapasok sa bahay ninyo ng kasuklam-suklam na bagay para hindi kayo maging katulad nito na karapat-dapat sa pagpuksa. Dapat ninyo itong pandirihan at kasuklaman nang husto, dahil karapat-dapat ito sa pagpuksa.