Jeremias
Sa gayon ay makakaiyak ako araw at gabi
Para sa mga napatay sa bayan ko.
2 Kung may matutuluyan lang ako sa ilang,
Iiwan ko ang aking bayan at lalayo ako sa kanila!
Dahil lahat sila ay mangangalunya,+
Isang grupo ng mga taksil.
3 Binabaluktot nilang gaya ng búsog ang dila nila;
Kasinungalingan, hindi katapatan, ang namamayani sa lupain.+
“Pasamâ sila nang pasamâ,
At hindi sila nakikinig sa akin,”+ ang sabi ni Jehova.
4 “Mag-ingat kayong lahat sa kapuwa ninyo,
At huwag kayong magtiwala kahit sa kapatid ninyo.
5 Bawat isa ay nandaraya sa kapuwa,
At walang nagsasalita ng katotohanan.
Tinuruan nila ang dila nila na magsalita ng kasinungalingan.+
Nagpapakapagod sila sa paggawa ng mali.
6 Nabubuhay ka sa gitna ng panlilinlang.
Nagsisinungaling sila at ayaw nila akong kilalanin,” ang sabi ni Jehova.
7 Kaya ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo:
“Tutunawin ko silang gaya ng metal at susuriin,+
Dahil ano pa nga ba ang magagawa ko sa anak na babae ng bayan ko?
8 Ang dila nila ay nakamamatay na palaso at nagsasalita ng kasinungalingan.
Ang isang tao ay nagsasalita nang mapayapa sa kapuwa niya,
Pero sa loob niya ay naghahanda siya ng bitag.”*
9 “Hindi ba dapat silang managot sa lahat ng ito?” ang sabi ni Jehova.
“Hindi ba dapat kong ipaghiganti ang sarili ko sa ganiyang bansa?+
10 Iiyakan ko at tatangisan ang mga bundok,
At aawit ako ng awit ng pagdadalamhati para sa mga pastulan sa ilang,
Dahil sinunog ang mga iyon at wala nang taong dumadaan doon,
At wala nang maririnig na mga alagang hayop.
Lumipad na sa malayo ang mga ibon sa langit at tumakas na ang mga hayop; wala na ang mga ito.+
11 Ang Jerusalem ay gagawin kong mga bunton ng mga bato,+ tirahan ng mga chakal,+
At ang mga lunsod ng Juda ay gagawin kong tiwangwang; wala nang titira doon.+
12 Sino ang marunong na makauunawa nito?
Sino ang sinabihan ni Jehova tungkol dito at makapaghahayag nito?
Bakit nawasak ang lupain?
Bakit nasunog ito na parang ilang
At wala nang dumadaan dito?”
13 Sumagot si Jehova: “Dahil tinalikuran nila ang kautusan* na ibinigay ko sa kanila, at dahil hindi nila iyon sinunod at hindi nila pinakinggan ang tinig ko. 14 Sa halip, nagmatigas sila sa pagsunod sa sarili nilang puso,+ at sumunod sila sa mga Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng mga ama nila.+ 15 Kaya ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Pakakainin ko ng ahenho ang bayang ito, at paiinumin ko sila ng tubig na may lason.+ 16 Pangangalatin ko sila sa mga bansang hindi nila kilala pati ng mga ninuno nila,+ at magsusugo ako ng espada hanggang sa malipol ko sila.’+
17 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo,
‘Kumilos kayo nang may unawa.
Ipatawag ninyo ang mga babaeng umaawit ng awit ng pagdadalamhati;+
Ipatawag ninyo ang mga babaeng bihasa,
18 Para magmadali sila at magdalamhati para sa atin,
Para umagos ang luha sa mga mata natin
At pumatak ito mula sa talukap ng ating mga mata.+
19 Dahil maririnig ang pagdadalamhati mula sa Sion:+
“Napakasaklap ng nangyari sa atin!
Napakalaking kahihiyan nito!
Dahil pinaalis tayo sa lupain, at winasak nila ang mga tahanan natin.”+
20 Kayong mga babae, pakinggan ninyo ang salita ni Jehova.
Makinig kayo sa sinasabi niya.
Ituro ninyo sa mga anak ninyong babae ang awit na ito ng pamimighati;
Ituro ninyo sa isa’t isa ang awit na ito ng pagdadalamhati.+
21 Dahil nakapasok na ang kamatayan sa ating mga bintana;
Nakapasok na ito sa ating matitibay na tore
Para kunin ang mga bata sa mga lansangan
22 Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova:
“Ang mga bangkay ng mga tao ay babagsak na gaya ng dumi sa parang,
Gaya ng isang hanay ng kapuputol na uhay na iniwan ng manggagapas
At walang kumukuha.”’”+
23 Ito ang sinabi ni Jehova:
“Huwag ipagyabang ng marunong ang karunungan niya;+
Huwag ipagyabang ng malakas ang kalakasan niya;
At huwag ipagyabang ng mayaman ang kayamanan niya.”+
24 “Sa halip, ito ang ipagmalaki ng nagmamalaki:
Na mayroon siyang kaunawaan at kaalaman tungkol sa akin,+
Na ako si Jehova, ang nagpapakita ng tapat na pag-ibig, katarungan, at katuwiran sa lupa,+
Dahil ito ang mga bagay na kinalulugdan ko,”+ ang sabi ni Jehova.
25 “Darating ang panahon,” ang sabi ni Jehova, “na pananagutin ko ang lahat ng tuli pero di-tuli,+ 26 ang Ehipto+ at ang Juda+ at ang Edom+ at ang mga Ammonita+ at ang Moab+ at ang lahat ng pinutulan ng patilya na naninirahan sa ilang;+ dahil lahat ng bansa ay di-tuli, at ang buong sambahayan ng Israel ay may pusong di-tuli.”+