Jeremias
26 Sa pasimula ng pamamahala ng hari ng Juda na si Jehoiakim+ na anak ni Josias, ang salitang ito ay dumating mula kay Jehova: 2 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Tumayo ka sa looban* ng bahay ni Jehova, at magsalita ka tungkol sa* lahat ng nasa mga lunsod ng Juda na pumapasok sa bahay ni Jehova para sumamba.* Sabihin mo sa kanila ang lahat ng iniuutos ko sa iyo; huwag mong babawasan ng kahit isang salita. 3 Baka sakaling makinig sila at lahat sila ay tumalikod sa masama nilang landasin, at hindi ko na itutuloy* ang kapahamakang ipinasiya kong pasapitin sa kanila dahil sa masasama nilang ginagawa.+ 4 Sabihin mo sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Kung hindi kayo makikinig sa akin—kung hindi kayo susunod sa kautusan* na ibinigay ko sa inyo 5 at hindi kayo makikinig sa mga salita ng mga lingkod kong propeta, na isinusugo ko sa inyo nang paulit-ulit* pero hindi ninyo pinakikinggan,+ 6 gagawin kong gaya ng Shilo+ ang bahay na ito, at ang lunsod na ito ay babanggitin sa pagsumpa ng lahat ng bansa sa lupa.’”’”+
7 At narinig ng mga saserdote at ng mga propeta at ng buong bayan na sinasabi ni Jeremias ang mga salitang ito sa bahay ni Jehova.+ 8 Kaya pagkatapos sabihin ni Jeremias ang lahat ng iniutos sa kaniya ni Jehova na sabihin sa buong bayan, sinunggaban siya ng mga saserdote at ng mga propeta at ng buong bayan at sinabi nila: “Mamamatay ka! 9 Bakit ka nanghuhula sa pangalan ni Jehova at nagsasabi, ‘Magiging gaya ng Shilo ang bahay na ito, at mawawasak ang lunsod na ito at walang sinumang matitira dito’?” At ang buong bayan ay nagtipon-tipon sa palibot ni Jeremias sa bahay ni Jehova.
10 Nang marinig ng matataas na opisyal ng Juda ang mga salitang ito, lumabas sila sa bahay* ng hari at pumunta sa bahay ni Jehova at umupo sa pasukan ng bagong pintuang-daan ni Jehova.+ 11 Sinabi ng mga saserdote at mga propeta sa matataas na opisyal at sa buong bayan: “Nararapat sa parusang kamatayan ang taong ito,+ dahil humula siya laban sa lunsod na ito gaya ng narinig ninyo mismo.”+
12 Pagkatapos ay sinabi ni Jeremias sa lahat ng matataas na opisyal at sa buong bayan: “Si Jehova ang nagsugo sa akin para ihula laban sa bahay na ito at sa lunsod na ito ang lahat ng salitang narinig ninyo.+ 13 Kaya ngayon ay baguhin ninyo ang inyong landasin at mga ginagawa at makinig kayo sa tinig ni Jehova na inyong Diyos, at hindi na itutuloy* ni Jehova ang kapahamakan na sinabi niyang pasasapitin niya sa inyo.+ 14 Pero ako, ako ay nasa kamay ninyo. Gawin ninyo sa akin ang iniisip ninyong mabuti at tamang gawin. 15 Pero tandaan ninyo na kapag pinatay ninyo ako, kayo at ang lunsod na ito at ang mga nakatira dito ay magkakasala ng pagpatay sa isang taong inosente, dahil ang totoo, isinugo ako sa inyo ni Jehova para sabihin ang lahat ng salitang narinig ninyo.”
16 Pagkatapos, sinabi ng matataas na opisyal at ng buong bayan sa mga saserdote at sa mga propeta: “Hindi nararapat ang hatol na kamatayan sa lalaking ito, dahil nagsalita siya sa atin sa ngalan ni Jehova na ating Diyos.”
17 At ang ilan sa matatandang lalaki sa lupain ay nagsabi sa bayan na nagkakatipon: 18 “Si Mikas+ ng Moreset ay nanghuhula noong panahon ni Haring Hezekias+ ng Juda, at sinabi niya sa buong bayan ng Juda, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo:
“Ang Sion ay aararuhing gaya ng isang bukid,
Ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng guho,+
At ang bundok ng Bahay* ay magiging gaya ng matataas na lugar sa kagubatan.”’*+
19 “Ipinapatay ba siya ni Haring Hezekias ng Juda at ng buong Juda? Hindi ba natakot ang hari kay Jehova at nakiusap para sa awa ni Jehova,* kaya hindi itinuloy* ni Jehova ang kapahamakang sinabi niyang pasasapitin niya sa kanila?+ Sa gagawin natin, ilalagay natin ang ating sarili sa malaking kapahamakan.
20 “At may isa pang lalaki na nanghuhula sa ngalan ni Jehova, si Urias na anak ni Semaias mula sa Kiriat-jearim.+ Humula siya ng gaya ng mga salita ni Jeremias laban sa lunsod na ito at laban sa lupaing ito. 21 Narinig ni Haring Jehoiakim+ at ng lahat ng malalakas na mandirigma nito at ng lahat ng matataas na opisyal ang mga sinabi niya, at gusto siyang ipapatay ng hari.+ Nang malaman ito ni Urias, natakot siya at tumakas papuntang Ehipto. 22 Pagkatapos, isinugo ni Haring Jehoiakim sa Ehipto si Elnatan+ na anak ni Acbor at ang iba pang lalaki. 23 Kinuha nila si Urias mula sa Ehipto at dinala siya kay Haring Jehoiakim. Pinatay siya ng hari sa pamamagitan ng espada+ at inihagis ang bangkay niya sa libingan ng karaniwang mga tao.”
24 Pero si Jeremias ay tinulungan ng anak ni Sapan+ na si Ahikam,+ kaya hindi siya naibigay sa mga tao para patayin.+